Ika-limang primetime series na ng Asia's Songbird na si Regine Velasquez ang Diva, ang kauna-unahang kantaserye ng GMA-7 na magsisimula na sa March 1. Ang iba pang soaps na nagawa ni Regine sa Kapuso network ay ang mga sumusunod: Forever in My Heart, Ako Si Kim Samsoon, Totoy Bato, at ang katatapos lang na Darna, kung saan gumanap siya bilang isa sa mga kontrabida ng bidang si Marian Rivera.
Bukod sa pagiging pangunahing artista ng Diva, isa rin si Regine ang nag-conceptualize ng kuwento nito. Pero nilinaw ng Asia's Songbird na "basic concept" lang daw ang sa kanya.
Ani Regine, "I've always wanted to do a musical... Kaya medyo nag-hesitate ako ng konti to do Totoy Bato, kinailangan nila akong i-convince to do it, kasi I wanna do this first [Diva]. Matagal na talaga ito. Dapat talaga ito muna, but hindi pa kami ready for it. So, nag-Totoy Bato muna kami. But now, we're ready for a kantaserye, meron na siyang title—kantaserye."
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang showbiz writers si Regine sa presscon cum mini-concert ng Diva last Wednesday, February 24, sa Studio 7 ng new GMA building.
Dahil isa ngang "kantaserye" ang Diva, asahan na ng mga manonood na magkakaroon ng maraming musical numbers ang cast ng show.
"Kasi yung mundo nung Diva, yung kinikilusan nung character ko, showbiz, e. Kasi singer siya, e, gusto niya maging singer, gusto niya maging sikat... So, siyempre, madaming kanta. Pero I think once or twice a week, we'll have a big production number. Kasi ano ako dito, e, mahilig akong mag-isip ako. So yung mga production numbers, nangyayari sa head ko, sa isip ko lang. Parang it's a fantasy, imagination ko na lahat ng tao sa paligid ko kumakanta, pero imagination ko lang yun."
Nag-e-enjoy ba siya sa paggawa ng Diva?
"Oh yes, very much!" bulalas ni Regine. "Kasi I'm doing two things that I love very much, which is acting and of course singing. And I'm with people that I really really like, you know."
TWO LEADING MEN. Dalawa ang leading men ni Regine sa Diva—sina Mark Anthony Fernandez at TJ Trinidad. Ito na ang ikalawang pagtatambal nina Regine at Mark dahil nagkasama na sila noon sa Ako si Kim Samsoon, samantalang ito naman ang unang pagkakataon na makakapareha ng Asia's Songbird si TJ.
Kumusta ang pagbabalik-tambalan nila ni Mark? May mga usap-usapan kasi na bumalik sa kanyang dating masamang bisyo ang aktor at nakakaapekto na ito sa trabaho niya, tulad na lamang noon sa Darna kung saan hindi pa man natatapos ang serye ay nagpaalam na siya.
"Yun naman, never naman ako nagkaproblema with Mark," sabi ni Regine. "Hindi ko alam kung ano yung...I'm not involved. I never had a problem with Mark, and he's a wonderful actor to work with. He listens. He's on time when you tell him to be there, he doesn't make me wait.
"Siguro ano lang... kasi... Ako kasi, parang meron akong konting pagkakakilala sa kanya, so he kinda need a little bit of push, you know. And I hope that....ano, parang sana makuha naman niya yun sa ibang tao."
Sa hiwalay na interview ay pinabulaanan ni Mark Anthony ang mga akusasyon tungkol sa pagbabalik niya sa masamang bisyo. (CLICK HERE to read related story.)
What about TJ?
"I'm having a great time with TJ," sagot ni Regine. "Actually, ni-request ko nga din siya, e. Ni-request ko nga lahat nung kasama ko dito. I wanted to work with him. I think he's a good actor."
Kumusta naman ang chemistry nila ni TJ?
"I think meron din, oo, meron din," sabi ni Regine. "Alam mo yung chemistry, feeling ko naman as long as you're willing to open up to your partner... Kasi kung medyo hindi mo ina-allow yung partner mo na, you know what I mean? Siyempre, it's a love story, hahawakan ka... You have to allow that to happen, e. Hindi mo napipilit yung chemistry, so kailangan yun—teamwork. Parang gano'n."
SYMPATHY FOR THE UNCOMELY. Excited daw talaga si Regine para sa Diva.
"I'm very excited kasi, di ba, lagi naman natin sinasabi maganda yung project? Pero ito, talaga exciting talaga siya. Nung pinapanood namin [yung rushes], nakakatawa siya and it is also very heartwarming. Kasi alam mo, kawawa siya, e," banggit ni Regine.
Ginagampanan ni Regine dito sa Diva ang papel ni Sampaguita, isang babae na may napakagandang tinig ngunit hindi nabiyayaan ng kagandahan. Dahil sa kanyang role ay na-realize ng Asia's Songbird ang mga paghihirap na dinaranas ng mga kulang sa ganda.
"Alam mo kapag pala pangit ka, maitim ka, madami kang pimples, sa madaling-salita mukha kang kurikong, alam mo, may discrimination talaga. Parang wala kang lugar sa mundo. Kawawang-kawawa," sabi niya.
Nagpapasalamat ba si Regine na ipinanganak siyang maganda?
"Hindi naman ako maganda, e. But of course maputi ako, plus my self-esteem wasn't low. I mean, I knew that I wasn't that pretty but I wasn't ugly, alam ko yun. 'Tsaka maganda yung pagpapalaki sa akin ng magulang ko, lagi akong ini-encourage, lagi akong sinasabihan na maganda ako," saad ng Asia's Songbird.
Dagdag niya, "Feeling ko nga, ni hindi ka makaka-step one kung ganun ka kapangit... What I wanted to say is that parang in this world pala, our world, yung world natin na kinikilusan natin, yung mga ganung klaseng tao, kahit na may napakadaming talent, parang less fortunate ka, kasi less fortunate ang self mo. So, parang kawawa, ang hirap. Kawawa talaga. So parang now, I have a new appreciation for people who were not given that beautiful face."
Hindi naman niya masasabing may similarity ang role niya noon sa Ako si Kim Samsoon dito sa role niya sa Diva bagamat parehong may kapintasan ang kanilang mga hitsura.
"Actually, si Kim Samsoon, hindi yun insecure, confident yun, kasi mataba lang siya. Tsaka pretty naman siya, maputi siya, 'tsaka wala siya care. 'E, ano ngayon kung mataba ako, e, malakas ako kumain!' Kumbaga siya as a person, 'Nothing is wrong with me, just the people around me, plus the fact that I'm fat, that I should lose weight.' It's like that. Ito naman [as Sampaguita in Diva], it's different. Ito, talagang para siyang pinagbagsakan na ng langit at lupa. Ang ganda-ganda ng boses, and yet, no confidence whatsoever, 'cause she's put down also," paliwanag ni Regine.
Base synopsis at teaser ng Diva, tila may pagkakahawig ang istorya nito sa 2006 Korean movie na 200 Pounds Beauty. Kung dito sa Diva ay isang pangit na babae na naging ghost singer ang role ni Regine, doon naman sa 200 Pounds Beauty ay isang matabang babae na ghost singer ang ginagampanan ng bida.
Tinanong ng PEP si Regine, inspired ba ng Korean movie na yun ang kuwento ng Diva?
"I saw that and I wanted to do that actually," sabi niya. "Yun yung gusto ko talagang gawin, kasi ghost singer siya dun. But ang hirap kumuha pa [ng rights] noon, e, so we thought of another story, which is this. Parang medyo inspired siya with that movie, pero different, e. Kasi hindi naman ako mataba dito... Kasi sa Pilipino, mas ano yung maitim, yung pangit, mas ano siya, may discrimination talaga tayo."
Sa ipinalabas na preview ng Diva ay may mga eksenang tinakpan ng belo ang mukha ni Regine at may isa ring eksena na pinagsuot siya ng mascot costume sa isang eksena. Ani Regine, siya raw talaga yun.
"Ako talaga yun!" tawa niya. "Nilalagyan nila ako ng belo, nakakatawa. Para hindi makita ang face ko. Kasi nga, parang anghel daw yung boses ko pero chaka yung fez [face]!"
Hindi ba siya nahirapan sa ganung mga eksena, lalo na ang paglalagay sa kanya ng prosthetics para pumangit ang kanyang mukha?
"Actually ano, e, hindi siya mahirap. Madali sa akin yung ganun, e. Feeling ko lang ha, kasi nakikita mo na yung mukha mo, e. Pag nakita mo na, nakakaawa na talaga, e. So hindi na mahirap i-act, hindi mo na iaarte. Pangit na, e," sabi ni Regine.
Tatlong oras daw ang itinatagal ng paglalagay sa kanya ng prosthetics.
Bukod kina Regine, Mark Anthony, at TJ, kasama rin sa Diva sina Glaiza de Castro, Rufa Mae Quinto, Jaya, Randy Santiago, Buboy Garovillo, Gloria Diaz, Ynna Asistio, at Mark Herras.
