Singer Bugoy Drilon wants to try acting, but no gay roles please

"Nirerespeto ko po lahat ng pananaw nila sa akin. Kasi pare-parehas din naman po kaming mga tao. Ang masasabi ko lang po na kilala ko yung sarili ko at sasabihin ko kung ano po ako. Babae pa rin po ang gusto ko. Sinong lalake naman po ang ayaw sa babae?" says Bugoy Drilon about rumors on his sexual preference.


Malaki pala ang pasasalamat ni Bugoy Drilon sa Star Cinema blockbuster hit movie nina Kim Chiu at Gerald Anderson, Paano Na Kaya, dahil muling umugong ang kanyang pangalan sa music industry nang ipalabas ang movie early this year. Ginamit kasing title ng movie at napasama pa sa soundtrack ang kanyang hit song na "Paano Na Kaya."

"Siyempre po, happy ako and thankful na kasabay ng pagiging hit ng Paano Na Kaya movie ay mas lalo pang nakilala ang kanta ko. Hindi ko po inaakala na yung kanta ko po ay gagamitin sa movie. Happy rin po ako kasi yung gumanap sa movie na ito, yung close friends ko po na sina Gerald and Kim po. Madalas kasi kaming nagkakasama sa mga shows. I'm so happy po kasi ito po yung song kung saan nakilala ako ng maraming tao," masayang bungad ni Bugoy nang ma-interview siya ng PEP (Phillipine Entertainment Portal) sa presscon para sa kanyang bagong album na ginanap kagabi, March 10, sa Proud Mary restaurant malapit sa ABS-CBN.

Tamang-tama nga raw na sumikat ulit ang kanta niya dahil muling naalaala ito, pati na ang pangalan niya, ng mga tao para sa launching ng kanyang pangalawang self-titled album under Star Records.

"Blessing nga po dahil magandang intro ulit sa second solo album ko. Maganda kasi sinegue dun sa Paano Na Kaya movie itong album ko. Kaya po isinama rin namin bilang bonus track yung "Paano Na Kaya" dito sa bagong album."

NEW ALBUM. Ang bagong album ni Bugoy, na produced ni Vehnee Saturno, ay kinapapalooban ng mga revival songs na binigyan niya ng kakaibang dating, gaya ng carrier single na "Hindi Na Bale," isang Jessa Zaragoza original; "Dahil Tanging Ikaw" by Jaya, at "Lumayo Ka Man Sa Akin" by Rodel Naval. Ang tatlong original songs naman niya ay ang "Ikaw Ang Mamahalin," "Pagkat Mahal Kita" at "Sana'y Ibigin Mo." Bahagi rin ng album ang minus one ng lahat ng mga kanta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ikinatutuwa rin ni Bugoy na hindi pa man niya naipapakilala formally ang kanyang album ay malakas na sa airplay sa radyo ang "Hindi Na Bale." Paborito rin daw gamiting soundtrack o theme song ng mga ABS-CBN teleserye ang mga kanta sa bagong album niya.

"Siyempre, happy po ako dahil yung mga kanta ko ginagamit nila. Sa Tanging Yaman ginagamit nila yung "Hindi Na Bale." Sa Kung Tayo'y Magkakalayo yung "Pagkat Mahal Kita." Tapos sa Your Song din ni Ate Pokwang [Love Me, Love You] ginamit din yung isang song ko. Kaya super happy po ako na umeere yung mga kanta ko. Nagna-number one na din po yung carrier single ko sa mga countdowns sa radio," saad niya.

Ano ang kaibahan ng bagong album niya sa unang album niya?

"Itong second album ko kasi ay mas lalo siyang senti [sentimental]. Lahat parang makabagbag-damdamin. Puro pampaiyak na love songs," sabi ni Bugoy.

LAARNI LOZADA. Sa kabila ng kanyang kasikatan ay nananatiling humble si Bugoy. Ayaw niya nga raw isipin na naungusan na niya o mas sikat na siya sa tumalo sa kanya sa Pinoy Dream Academy Season 2 na si Laarni Lozada, ang nanalong Grand Star Dreamer.

"Ayoko pong isipin na ganyan kasi may kanya-kanya po kaming career na dalawa, e. Ayoko pong sabihin 'yan kasi ayokong maka-hurt ng feelings ng iba. Ayoko po kasing manggaling sa bibig ko yung salitang 'yon. Para kasing ang lalabas ang yabang ko. Bahala na lang po yung mga tao o kayo po ang magsabi kung ano po."

Nagpapasalamat na lang daw si Bugoy at tinatangkilik ng mga tao ang kanyang mga kanta. Nakiusap din si Bugoy na sana raw ay huwag na silang intrigahin ni Laarni.

"Sana po huwag na lang kaming intrigahin. Huwag na lang kaming pagkumparahin kasi magkaibigan naman po kami. Ayaw naman po naming masira yun," pakiusap niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ASAP. Napansin lang ng PEP na mula sa batch nina Bugoy sa PDA ay walang naging regular performer sa Sunday musical-variety show ng ABS-CBN na ASAP. Bakit kaya hindi siya kinukuha ng ASAP para maging regular?

"Hindi ko po alam, e," sagot niya. "Siguro wala pa pong slot for me sa ASAP. Pero naghihintay po ako. Pero gusto ko po. Sa batch po kasi namin, wala ngang nakapasok sa ASAP. Pero happy pa rin po ako kasi nagge-guest-guest pa rin po ako sa ASAP."

Para kay Bugoy iba rin kasi ang nagagawa ng regular exposure sa ASAP para sa isang singer na katulad niya.

"Para rin po kasi lalo akong makilala ng mga tao. At saka para makita nila kung ano pa yung kaya kong gawin. Hindi naman po ako nangungulit, naghihintay pa rin po ako ng chance. Malaking tulong din po kasi sa isang singer yung napapanood ka sa TV ng regular ng mga tao," aniya.

WANTS TO TRY ACTING. Bukod sa pagiging singer, aminado si Bugoy na gusto niya ring mag-artista.

"Gusto ko po. Gusto kong i-try kung paano umaarte."

Ano ang gusto niyang pasukin—comedy, drama o action?

"Comedy po na may konting drama. Kahit ano po huwag lang action. Hindi naman po bagay sa katawan ko," sabi niya.

Kahit anong role daw ay tatanggapin ni Bugoy huwag lang gay role.

"Ayoko po, e. Kasi naisyu na ako dati ng ganyan. Sinasabi nila na ganun daw ako. Siguro dahil sa the way kong magsalita, the way kong kumilos. Makulit lang po kasi talaga ako," paliwanag niya.

Ano ang gusto niyang sabihin sa mga taong patuloy na idinidikit ang pangalan niya sa bading issue?

"Nirerespeto ko po lahat ng pananaw nila sa akin. Kasi pare-parehas din naman po kaming mga tao. Ang masasabi ko lang po na kilala ko yung sarili ko at sasabihin ko kung ano po ako. Babae pa rin po ang gusto ko. Sinong lalake naman po ang ayaw sa babae?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sino naman ang gusto niyang makatrabaho?

"Yung crush ko po si Anne Curtis. Pero ako lang po yung boy niya sa bahay!" biro ni Bugoy. "Pero lahat po gusto kong makatrabaho para makilala ko din silang lahat."

MELAI CANTIVEROS. Willing ba siyang makatrabaho ang Pinoy Big Brother Double Up Big Winner na si Melai Cantiveros?

"Opo naman. Gusto ko ring makatrabaho sina Melai."

Papayag ba siyang maka-love triangle nina Melai at Jason?

"Gusto ko nga yun, e," sambit ni Bugoy.

Hindi ba siya natatakot na baka awayin siya ng mga Melason fans?

"Hindi ko naman po sila aawayin. Hindi ko naman po aagawin si Melai kay Jason. Gusto ko lang po silang makatrabaho," sagot niya.

Nagkita na ba sila nang personal ni Melai?

"Yeah, may picture kami. Nagpa-picture kami sa ASAP," sabay pakita ni Bugoy sa PEP ang picture nila ni Melai sa kanyang iPhone.

Ano ang impression niya kay Melai?

"Mabait siya. Kaya lang mabilis talaga siyang magsalita. Grabe, hindi ko mahabol yung salita niya!" natatawa niyang sabi.

INVESTMENTS. Sa mga kinikita niya ngayon, ano na ang naipundar niya?

"Nakabili na ako ng car, Ford Escape. Necessity kasi, pangangailangan ko po talaga dahil sa Antipolo pa po ako umuuwi, e, sa bahay ng mga tita ko. Nahihirapan po akong mag-taxi kaya binili ko yung car," sabi ni Bugoy.

Nauna rito ay nakabili na rin ng lupain si Bugoy sa Bicol kung saan nagsasaka ang kanyang tatay. Balak din daw ni Bugoy na makapagpatayo ng bahay sa Manila.

"Yun po ang pangarap ko, e, magkaroon ng bahay dito sa Manila. Gusto ko talaga, pero hindi pa ngayon. Nag-iipon pa kasi ako."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN