"Mahirap! Times one hundred ang intriga!"
Ito ang masasabi ni Ricky Davao tungkol sa pulitika nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.
Kumakandidato ang batikang aktor para konsehal ng fourth district ng Quezon City sa ilalim ng Nationalist People's Coalition (NPC). Ang tumatakbong mayor sa partido ay si Annie Suzano, and for vice mayor, si Janet "Babes" Malaya.
SIX SLOTS, 30 RIVALS. Si Ricky lamang daw ang taga-showbiz na nasa partido at tumatakbong konsehal sa naturang distrito.
"There are only six council seats. Yun lang ang allotted, at tatlumpu kaming naglalaban!"
Ito ang unang pagkakataon ni Ricky na kumandidato for an elective position, pero "actually, limang beses na akong kino-convince na tumakbo noong mga nakaraang eleksiyon. Tumutulong naman ako in my own way, pero hindi pa nga lang ako kumandidato. This year, may kumausap na naman, so sabi ko, 'Why not?' Baka mas lalo akong makakatulong ngayon kung mananalo."
Walang candidate for president ang NPC, pero kandidato nila for vice president si Sen. Loren Legarda.
"FUNDLESS" CAMPAIGN. Nabanggit ni Ricky ang pagsuporta sa partido ng negosyanteng si Danding Cojuangco. Pero nakakapagtakang hindi raw nabahaginan ng campaign funds yung mga tumatakbo sa kanilang district, o para sa mga gamit ni Ricky sa kandidatura niya.
"Walang funds. Hindi kami nabigyan, kaya umaasa na lang [kami] sa house-to-house campaigns," pagtatapat niya. "Ang distrito namin, yung sa may area ng Tomas Morato at mga kalapit na residential areas. Parte nito ang place namin, sa may Scout Castor."
Sabi namin, makakatulong ang pagiging pamilyar ng mga botante sa kanya, bilang artista at residente ng distrito.
"Sana. At konting follow-up lang din. Kaya mahalaga yung pagha-house-to-house. Wala talaga kaming mga ads, e. Magastos kasi, e, wala namang funds. Hindi katulad ng ibang mga kandidato na maraming pondo."
Bukod sa house-to-house campaign, marami pang paraan ng pagkampanya ang gagawin nila, sabi ni Ricky, "depending on our friends' help din."
SUPPORT FROM JACKIE LOU. Tulad daw nina German Moreno at mga kaibigan nito, na kaibigan din nila ng actress-wife niyang si Jackie Lou Blanco.
"Oo, he's always there to support," saad ni Ricky. "Pero bawal na kaming mag-guest sa show ni Kuya Germs [Walang Tulugan With The Master Showman, sa GMA-7] para magkampanya talaga."
Nagpapasalamat na lang si Ricky Davao na kahit matindi ang intrigahan sa pulitika ay walang personal na paninirang ginagawa ang kampo ng mga kalabang kandidato.
Ang intrigang nakakabit ngayon sa mag-asawa ay ang diumano'y "hiwalayan" nila ni Jackie Lou, na hanggang ngayo'y hindi binibigyang-komento o reaksiyon ni Ricky. Ang kinumpirma niya ay ang suporta ng misis niya sa kanyang candidacy.
"Hindi nawawala 'yon," saad ng aktor.
NOT LEAVING SHOWBIZ. Ang sabi ng first-time candidate, na huling napanood sa mga pelikulang Mano Po 6 (A Mother's Love) at Paano Na Kaya?, hindi raw siya aalis sa showbiz kahit manalo sa eleksiyon.
Sa kasagsagan ng kampanya ay mapapanood pa rin ang premyadong aktor sa isang malaking pelikula, ang Working Girls na sequel ng 1984 Ishmael Bernal film, directed by Joey Reyes at prinodyus ng Viva Films.
"Kasama ko sa maraming scenes si Eugene Domingo [sa predominantly female star cast]. Ang dami na ngang nag-post ng trailer sa Facebook, e," natutuwang sabi niya.