Bago matapos ang 2010 ay matutuloy na ang kasal nina Jeffrey "Epi" Quizon at ng live-in girlfriend na si Rosanne Escudero, kung kanino mayroon siyang 4-year old daughter named Mischa.
Noon pang 2008 sinabi ni Epi na may plano silang pakasal. Hinintay lang daw nilang lumaki pa nang konti ang kanilang anak para makasali ito sa kanilang wedding.
"Noon pa kami engaged at may plano na kaming magpakasal. Hinahanda na namin lahat pero biglang nabuntis siya. E, ayaw niyang magsuot ng wedding gown na buntis siya. Gusto niya ay sexy siya on our wedding day. Kaya napagkasunduan namin na after niyang manganak, doon kami magpakasal.
"Pero tumagal nga nang tumagal, mas tumutok kami sa pagiging parents muna kay Mischa rather than being husband and wife to each other. Mas inuna pa namin talaga ang bata. Hanggang sa ma-realize namin na it's been four years na pala and maybe it's time that we tie the knot para matupad na ang matagal naming gusto," kuwento ni Epi.
SECRET WEDDING PLANS. Ayaw pang magsiwalat ng anumang plano para sa kanilang kasal si Epi. But it will definitely involve the whole Quizon and Escudero families.
"May nagsabi nga na huwag na raw kaming mag-imbita ng mga bisita kasi sa pamilya ko na lang, e punung-puno na ang venue!" tawa niya.
"E, galing din sa malaking pamilya si Rosanne, kaya huwag na raw kaming mag-send out ng invitations. Pero siyempre, may mga good friends kami na parating nandiyan to support us kaya we will invite them.
"Basta mangyayari ang wedding within the year. I cannot divulge any more information. Baka mabalitaan n'yo na lang na kinasal na ako."
Bukod sa kanyang 4-year old daughter, may 15-year old son din si Epi named Alessandro by a former girlfriend.
"May binata na nga ako, e. Ang tanda ko na pala!" malakas na tawa niya.
"I have constant communication with Sandro. Minsan lalabas kami together with his sister Mischa. Wala naman akong problema in terms of relationship with my kids. Like my dad, gusto ko rin na magkakilala sila dahil magkapatid sila. Nothing else makes me happier than to see my kids get along."
GAY ROLES. Balik sa paglabas sa TV si Epi and this time ay kasama niya ang kanyang ama, ang Comedy King na si Dolphy sa Pidol's Wonderland ng TV5. Huling napanood si Epi sa GMA-7 series na Full House. Sa Pidol's Wonderland ay gaganap siyang closet gay.
"It's been nine years na since I've played a gay character. The last gay role I did was in 2001 in the movie Bakit Di Totohanin? with Judy Ann Santos and Piolo Pascual. After that, hindi na ako tumanggap ng mga gay roles, not until now at sa isang TV sitcom pa. Pero hindi ako screaming gay dito kundi kino-control ko ang pagiging bading ko. Which is very funny kasi ayokong mabuking ako ng mga tao," kuwento ni Epi.
Nakitaan ng husay sa pagganap sa ganitong klaseng role si Epi nang gawin niya ang pelikulang Markova: Comfort Gay noong 2000. Nanalo ng ilang awards si Epi for Best Supporting Actor sa pagganap niya as the young Walterina Markova.
"After Markova, I received offers to play gay in 12 films. Pero parang sobra naman iyon. Masyado na akong mata-typecast. The only gay role I accepted was the movie with Juday and Piolo. After that ang mga tinanggap ko ay mga character roles. I did kontrabida and comedy roles. Nagpahinga muna talaga ako sa gay roles.
"But if a really good movie comes along and it requires me to act gay, okey lang na tanggapin ko na. It's been nine years naman na and I can create my own gay character at hindi yung stereotype."
HAPPY FOR DAD. Suportado ni Epi at ng ibang kapatid niya ang paglipat ni Dolphy sa TV5. Alam nila ang naging loyalty ng kanilang ama sa ABS-CBN, pero dahil sa wala nga itong trabaho for the past three years, natuwa raw sila nang mag-offer ng isang TV show ang network.
"We are very happy for the warm welcome na ginawa ng TV5 sa dad namin. My dad has been working nonstop dahil mahal niya ang pag-arte. Despite his age, hindi niya iniintindi iyon. He feels young and energetic kapag nagtatrabaho siya.
"The last show na nakatrabaho ko si Dad was in Quizon Avenue pa sa Dos. And ngayon ko nga lang nalaman na three years na palang walang show si dad after John En Shirley. Kaya natuwa kaming lahat when TV5 came up with this project na gustung-gusto niya. Our sincere appreciation to the people of TV5 for giving our dad a new show at marami pa raw silang gagawin in the future.
"Kami naman, we are all for the happiness of our dad. Kunsaan siya masaya, mas masaya kaming mga anak niya. Kaya nga nandito kami nila Kuya Eric [Quizon] at Vandolph to support our dad. Kahit na sabihin pa nilang package deal kami with Dolphy, okey lang kasi he's our dad and we are very proud of him and we love him very much."
