Actor-politician Teri Onor: "Idolo ko si Governor Vilma Santos, although Noranian ako!"

"At kung hindi dahil kay Ate Guy... Kasi malaking bagay ng pagiging artista ko ang pagtakbo ko. Pero bilang artista, ipinapakita ko sa mga tao na kaming mga artista ay nagseserbisyo nang tapat at tama para sa bayan," says Teri Onor.


Nanguna ang comedian na si Teri Onor, o Dexter Dominguez sa totoong buhay, sa mga tumakbong Board Member sa unang distrito ng lalawigan ng Bataan.

Kahapon, May 10, sinamahan ng writer na ito si Teri sa kanyang pagboto sa Tomas Pinpin Elementary School sa Abucay, Bataan bandang ala-una ng hapon. Sa Precint 120A siya bumoto at No. 65 naman ang bilang niya sa voters' list.

Kasalukuyang Vice Mayor si Teri ng Abucay, pero ngayong eleksiyon ay tumatakbo nga siya bilang Board Member sa unang distrito ng Bataan.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Teri pagkatapos niyang bumoto, sinabi niyang, "Ang sarap, ang sarap ng feeling lalo na ang ibinoboto mo ay alam mong mga kandidato na gusto mong manungkulan para sa bayan. Mapagkakatiwalaan at maha-handle nilang maayos ang kapakanan ng mga nakararami at hindi iilang tao lang."

Kumpara noong Vice Mayor pa lang ng Abucay ang ipingangampanya niya, mas naging mahirap daw ngayon para kay Teri na isang buong distrito na ng Bataan ang kailangan niyang puntahan at pangampanyahan, lalo pa't nagtatampo raw kapag hindi niya napupuntahan bawat barangay.

ATE GUY & ATE VI. Naniniwala si Teri na malaking tulong sa kandidatura niya na kilala siya bilang isang TV personality.

"Isang factor, isang factor yun. Pero ang pinapa-realize ko sa kanila, di ba, ang thinking ng tao kapag artista, walang gaanong magagawa, puro arte-arte lang? Ipinakita ko na during my time as Vice Mayor, ipinakita ko sa kanila na, 'Kita n'yo naman, nag-concentrate ako as Vice Mayor'.

"Idolo ko si Governor Vilma Santos, although Noranian ako!" natatawang patuloy ng impersonator ng Superstar. "Sa showbiz, si Ate Guy ang aking idolo. Sa politics, si Ate Vi ang aking idolo. Ipinakita ko sa kanila na nagtrabaho ako, mga projects... Walang kakampi, walang kalaban. Kailangang pagserbisyuhan. So, magandang panimula yun."

Naging deciding factor daw ni Teri sa kanyang pagtakbo nilang Board Member nung nakaupo na siya as Vice Mayor ng Abucay, hindi lang daw kasi mismong nasasakupan niya ang mga taong humihingi ng tulong sa kanya, kundi pati na ang mga tao mula sa District 1 at District 2 ng Bataan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, siguro naman, it's about time na ang paglingkuran ko ay ang Bataan," sambit ni Teri.

NOT AFFECTED BY PAST ISSUES. Hindi naman naging balakid sa pagtakbo ni Teri ang mga isyung naugnay sa kanya tulad na lang ng pagkakautang niya sa ilang tao.

"Okay naman, nag-start yun sa networking company," sabi ng actor turned politician. "May mga investors na pumasok. Ako kasi ang kilala, so yun. Hindi naman tinalikuran, lahat hinarap at nangyari yun even before pa bago ako tumakbo ng Vice Mayor.

"Nang maupo na ako, ang dami pang naglabasan kasi ako ang hinarass. Pero hindi siya nakaapekto kasi nakita naman nila. Kasi lahat ng mga projects ko sa Abucay—pagbibigay ng school supplies, computers sa bawat barangay, medical mission, feeding program, pagbibigay ng mga wheelchair, at pagbibigay ng insurance card sa mga tricycle at jeepney driver sa Abucay under Coco Life—lahat 'yan, ni singko, wala akong nilabas sa pondo ng Abucay.

"Saan ko kinukuha 'yan? Sa mga shows na ibinibigay sa akin ng GMA at kapag ipinapadala ako ng GMA sa out of the country. Yung kinikita ko diyan, dun ko binabahagi."

Priority raw niya ang pagiging public servant at secondary na lang ang kanyang showbiz career. Pero ayon kay Teri, kailangan pa rin daw niya ang trabaho sa showbiz dahil nagagamit niya ang kinikita rito sa pagiging elected politician.

"Tuloy-tuloy pa rin, basta kailangan lang, hindi masasagasaan ang schedules ko lalo na kapag may session. After election, sabi naman ng GMA, may mga projects daw na ipapasok," sabi niya.

Sa huli, hiningan namin siya ng mensahe sa mga taong sumusuporta sa kanya.

"Sa mga kaibigan natin sa showbiz, sa mga press na palaging kumokontak pa rin sa akin, maraming-maraming salamat. Siyempre, Eat Bulaga!, kung hindi dahil kay Tito, Vic and Joey, kung hindi dahil sa Eat Bulaga!, walang Teri Onor, walang manunungkulan na bilang pagseserbisyo sa Bataan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At kung hindi dahil kay Ate Guy... Kasi malaking bagay ng pagiging artista ko ang pagtakbo ko. Pero bilang artista, ipinapakita ko sa mga tao na kaming mga artista ay nagseserbisyo nang tapat at tama para sa bayan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN