Masayang-masaya si Lani Mercado-Revilla sa kanyang pagkapanalo bilang Congresswoman ng second district ng Cavite. Malaki ang lamang ng maybahay ni Sen. Bong Revilla sa congressional race laban sa pinakamahigpit nitong katunggali na si Plaridel Abaya.
Kung tutuusin, it's a four-way victory para sa pamilya Revilla sa nakaraang eleksyon. Bukod kasi kay Lani ay nangunguna rin sa senatorial race ang mister niyang si Sen. Bong Revilla. Winner din sa pagka-mayor sa Bacoor ang kapatid ni Sen. Bong na si Stryke Revilla. Panalo ring governor ng Rizal ang asawa ng kapatid nilang si Andrea Bautista na si Jun-Jun Ynares.
VICTORY CELEBRATION. Sa phone patch interview ng Tweetbiz kay Lani na ipinalabas kagabi, May 12, sa Q Channel 11, inihayag ng bagong halal at kapoproklama lamang na congresswoman ang kanyang kasiyahan. Nagpasalamat din si Lani sa lahat ng mga sumuporta sa kanilang pamilya sa eleksyon.
Paano ba sila magse-celebrate nina Sen. Bong dahil sa panalo ng pamilya nila sa eleksyon?
"Actually, pinag-uusapan pa lang namin kung papaano kasi tatlo kaming tumakbo—si Mayor Stryke, ako, at saka si Senator Bong, plus Governor Jun-Jun Ynares din tumakbo sa Rizal, who's my brother-in-law," pahayag ni Rep. Lani.
Kailan nangyari ang proclamation niya?
"Na-proclaim na po ako kagabi [May 11]. Actually, I thought ngayong araw pa lang na ito [May 12] ako mapoproklama. Pero last night, I was given instructions by my lawyer to proceed sa Sangguniang Panlalawigan building sa may Kapitolyo ng Cavite. So, we proceeded at natuloy po yung proclaimation," lahad ng actress turned politician.
SHOWBIZ IS NOT A PRIORITY NOW. Paano na ang showbiz career nila ni Sen. Bong dahil pareho na silang magiging busy sa politics?
"Ako talaga, I have to give importance to my new role now as congresswoman," diin ni Lani. "Hindi ko talaga puwedeng i-prioritize ang showbiz career ko ngayon. Ipinangako ko kasi 'yan sa mga constituents ko na kailangan i-deliver ko sa kanila yung pagiging siyudad ng bayan ng Bacoor. Number one 'yan sa agenda natin. So, yun muna.
"Siguro pag nagampanan ko yun, puwedeng pumasok ulit sa istorya ang show business. Pero yung huwag masyadong rigid yung schedule kasi mawawalan talaga ako ng panahon para sa pamilya ko pag pinagsama-sama ko silang tatlo [pamilya, politics, and showbiz]...lahat."
ROSANNA ROCES. Hindi rin nakaligtas si Lani sa intriga nang tanungin ng Tweetbiz host na si Mr. Fu kung totoo ba ang balita na ikinampanya raw siya ng kanyang "balaeng hilaw" na si Rosanna Roces?
"There were intentions na magkaroon po ng ganun. Yung kampo po nila nagpasabi na finally gusto po nilang matapos yung misunderstandings and all. And I'm very happy na ganun ang magiging intensiyon. Yun nga lang, naganap yun two days or a day before the last day of campaign. So, medyo kumbaga, last two minutes na 'yan, ang hirap talaga pag mga dalawang araw na lang halalan na.
"So, yung focus talaga namin, una yung bihira kasi yung buong partido namin bitbitin sa buong bayan ng Bacoor. So, sabi namin ni Sen. Bong, baka mas maganda siguro kung ang pag-uusap, as in pagsasaayos ng lahat ay labas sa pulitika, labas sa showbiz. Kumbaga, sa amin na lang muna. Para at least alam mo na wala nang problema talaga," saad ng bagong halal na congressperson.