Dennis Trillo publicly declares love for Jennylyn Mercado

Dennis didn't know that Jennylyn (inset) was at her fans day when he openly said "I love you" via phone patch. "Narinig ko na lang may mga nagsisigawan at pumapalakpak."


May trabaho si Dennis Trillo noong birthday niya noong May 12, kaya laking tuwa niya nang sorpresahin siya ng kanyang pamilya at mga kaibigan.

"Nasa taping ako ng Gumapang Ka Sa Lusak noong mismong birthday ko. Bago matapos ang taping namin, may surprise pala. Dumating ang family ko sa set ng taping namin. Nagulat ako kasi never naman nilang ginagawa 'yan sa akin.

"Nagdala sila ng food, may cake at may mga balloons pa. Parang nahiya nga ako kasi ginawa nila akong bata. Pero mas natuwa ako kasi nga kumpleto ang pamilya namin noong birthday ko.

"The following day nagkaroon naman kami ng konting celebration din at dumating ang ibang relatives, friends at siyempre, nandoon ang baby boy kong si Calix Andreas para maki-celebrate sa akin," kuwento ni Dennis nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon, May 14.

PRICELESS. Natutuwa nga si Dennis dahil kinakantahan daw siya ng kanyang anak. Pinakamagandang regalo nga raw iyon para sa kanya.

"Natuwa talaga ako kay Calix kasi kanta siya nang kanta. Alam niyang birthday ko kasi. The whole day na nakasama ko siya, hindi nawawala ang ngiti ko sa mukha kasi nga nandoon siya to share that day with me. More than the gifts na natanggap ko, si Calix ang pinaka-priceless sa lahat. Walang makakapantay sa mga ginagawa niya para sa akin."

Binati rin daw siya ng ina ni Calix na si Carlene Aguilar. Pero yung ibang girls na nakarelasyon niya ay wala siyang natanggap na pagbati.

"Binati naman ako ni Carlene. Natuwa naman ako sa naging mensahe niya sa akin. Pero yung iba... siguro busy sila kaya hindi na nila naalala na birthday ko," sabay tawa pa ni Dennis.

At siyempre, binati siya ng babaeng malapit sa puso niya ngayon, si Jennylyn Mercado. Kelan nga ay nagkaroon ng fans day si Jen sa isang mall at binati ni Dennis si Jen via phone patch. Kinilig ang maraming tao nang magsabi si Dennis ng "I love you" kay Jen.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

First time daw niyang magsabi ng "I love you" in public kay Jennylyn. Patunay nga na mas malalim na ang nababalitang relasyon nilang dalawa.

"I said those words kay Jen kasi nga siya ang babaeng inspirasyon ko ngayon. And she makes me happy, kaya ano pa ang words na puwedeng sabihin sa taong importante sa iyo ngayon, di ba?

"Actually, hindi ko nga alam na nasa isang mall show pala siya. Noong tawagan ako at hingan ng message, narinig ko na lang may mga nagsisigawan at pumapalakpak. Nandoon pala si Jen sa fans day niya.

"Okey lang kasi it's her birthday and pinasalamatan ko siya sa mga magagandang bagay na nagawa niya para sa akin since nagkatrabaho kami sa Gumapang Ka Sa Lusak. Hinding-hindi ko iyon makakalimutan," diin ni Dennis.

BIRTHDAY GETAWAY. Ngayong May 15 ay birthday ni Jennylyn. Hindi makapaniwala si Dennis na ang babaeng minamahal niya ay ka-share niya rin sa buwan ng kaarawan.

"Sabi nga nila, parang itinakda ng panahon na magkakilala kami nang husto ni Jen. Tapos nalaman pa namin na pareho kami ng birth month at halos magkalapit pa. Bukod doon, we share a lot of things in common talaga. Kaya parang swak na swak kaming dalawa.

"Masarap lang isipin na nangyayari pala ang ganito. Hindi ko alam kung destiny ba ito, pero ang sarap ng feeling. I feel so happy kapag nandiyan si Jen. Kaya gusto ko na magtagal pa ito. Huwag naman sanang matapos kaagad."

May mga plano nga sina Dennis at Jennylyn na mag-celebrate na magkasama.

"Oo, at matagal na naming pinaplano ang araw na ito. Wala kasi kaming trabaho kaya may time na kaming mag-celebrate. Kung saan iyon, sa amin na lang iyon. Basta special ang araw na ito para sa aming dalawa," paniniguro ni Dennis.

Hanggang first week of June na lang mapapanood ang Gumapang Ka Sa Lusak at nagpapasalamat si Dennis sa mainit na pagtanggap ng marami sa kanilang show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sobrang bilis ng panahon at nalaman namin na matatapos na pala kami. Mabuti na lang at extended kami ng ilang weeks pa kaya mas marami pa silang mapapanood na mga matitinding eksena. Kaya huwag silang bibitaw sa mga huling weeks ng Gumapang Ka Sa Lusak. Alamin nila kung ano ang mangyayari kina Levi at Rachel sa bandang huli."

Pagkatapos ng Gumapang Ka Sa Lusak ay sunod na mapapanood si Dennis sa Endless Love with Marian Rivera, Dingdong Dantes and Nadine Samonte. Gaganap siya sa role na Andrew. Mapapanood din si Dennis sa unang handog ng bagong GMA-7 show na Love Bug kunsaan makakasama niya si Carla Abellana.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN