Ipinaaaresto na ng korte ang aktor na si Baron Geisler kaugnay ng kasong acts of lasciviousness and unjust vexation na isinampa laban sa kanya ng young actress na si Yasmien Kurdi noong isang taon.
Ayon sa report ng GMANews.tv, nag-isyu ng arrest warrant ang Municipal Trial Court (MTC) ng Bocaue, Bulacan noong April 28 dahil ang "accused [Geilser] was not present in court for the second time."
Inisyu ang bench warrant dahil "nobody wanted to receive the subpoena at the ABS-CBN Talent Center [Star Magic] as Baron Geisler was no longer a talent of their studio," sabi ng abugado ni Yasmien na si Atty. Ferdinand Topacio, ayon na rin kay Judge Lauro G. Bernardo.
Sinabi rin ni Atty. Topacio na inilabas ang arrest order kay Baron noon pang May 5 ngunit nalaman nila ang tungkol dito noong June 2 lamang.
REWARD FOR INFO LEADING TO ARREST. Kaugnay ng warrant of arrest kay Baron, sinabi ng kampo ni Yasmien na handa silang magbigay ng sapat na pabuya sa sinumang law enforcer o private citizen na makapagtuturo o magiging susi sa pagkakaaresto ng aktor.
Nanawagan si Atty. Topacio sa police personnel at concerned citizens na magbigay ng impormasyon upang maaresto si Baron.
"We cannot let Mr. Geisler escape trial and possible punishment by the simple expedient of making himself disappear in order to evade court hearings," sabi ng abugado.
Ayon pa sa kanya, ang eksaktong halaga ng pabuya ay pag-uusapan nila ni Yasmien kapag nakabalik na ang Kapuso actress mula sa trip nito abroad. Ngunit tiniyak niya na ang reward ay magiging "meaningful and substantial."
"Hindi naman namin titipirin ang makakatulong sa amin," paniniguro ni Atty. Topacio.
Matatandaang sinampahan ng kasong acts of lasciviousness and unjust vexation ni Yasmien si Baron noong May 25, 2009 dahil umano sa pambabastos ng aktor sa young actress sa taping nila ng GMA-7 series na Suspetsa noong May 2009 sa Bocaue. (CLICK HERE to read related story.)
At press time ay hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kampo ni Baron kaugnay ng warrant of arrest sa aktor.
