Hindi maikakailang may namumuong iringan sa pagitan nina Gretchen Barretto at Angelica Panganiban. Lumalala na ang patutsadahan ng dalawang aktres na nagsimula lang sa mga "naughty statements" ni Gretchen nang ma-interview siya ng SNN (Showbiz News Ngayon) last week kasama ang leading man niya sa bagong soap ng ABS-CBN na Magkaribal, si Derek Ramsay, na nagkataon namang boyfriend ni Angelica.
Napag-usapan kasi sa SNN interview ang nangyaring aksidente kina Gretchen at Derek sa taping ng Magkaribal, kung saan naipit sa sinasakyan nilang motorsiklo ang mamahaling gown na suot ni Gretchen na naging dahilan para mahila ang gown at mahubaran sa parteng itaas ang aktres. Ni-reenact pa ni Gretchen kung paano siya yumakap sa likod ni Derek para itago ang kanyang dibdib.
Naging bahagi rin ng kanilang interview ang noo'y nalalapit na pag-alis ni Derek papuntang South Africa kasama ang girlfriend niyang si Angelica (Umalis sila last Saturday, June 5). At dito nga nabuo ang intriga sa mga naging pahayag ni Gretchen.
Tinanong kasi si Gretchen kung ano ang nararamdaman niya na aalis si Derek. Sabi ni Gretchen, "Nasa-sad ako. Wala nang kuwento, ganun. Hihintayin ko yung mga kuwento niya. Pictures na lang. Hihintayin ko yung mga pictures niya... Solo picture, ha. Gusto ko ikaw lang. Walang iba."
Ang mga pahayag na ito ni Gretchen ang siyang itinuturong dahilan kung bakit nag-post si Angelica ng isang controversial message sa kanyang Twitter account noon ding gabing iyon: "Taraaayyy... Single ka teh?"
Ayon sa opinyon ng ilan, ito umano ay patama kay Gretchen.
Kahapon, June 6, ay ipinalabas naman sa The Buzz ang interviews kina Angelica, Derek, at Gretchen tungkol sa naturang isyu.
ANGELICA'S REACTION. Unang sinagot ni Angelica ang binitiwang pahayag ni Gretchen tungkol sa solo pictures ni Derek.
"Magdadala na lang ako ng pictures namin. Pero walang solo. Puro double," makahulugang sabi ni Angelica.
Sumunod na nagpaliwanag si Angelica tungkol sa kanyang controversial Twitter post.
"Wala. Sinabi ko lang 'Mataray... single!' Kasi ako double, e. May boyfriend ako at saka girlfriend ako ni Derek," sabi niya.
Marami kasi ang nag-react na ang tila pinariringgan niya sa Tweet niya ay si Gretchen daw.
"Nasa mga tao na yun kung sino sa tingin nila yung gusto kong paringgan," sagot ni Angelica.
Hinarap din ni Angelica ang isyu ng pagli-link kina Derek at Gretchen.
"Siguro naman kung magiging sila pagdating ng panahon, di ba, kung sila talaga, sila talaga. May iba sigurong para sa akin. Lagi ko ngang sinasabi, hindi pa ako kinu-call sa Magkaribal kasi hindi ako type sa casting. Ibig kong sabihin, huwag sana akong idamay sa promotion. Kasi kung gusto niyang mag-promote, mag-promote siyang mag-isa," mataray na sabi ni Angelica.
DEREK'S EXPLANATION. Sa gitna ng kontrobersiyang ito, ang naiipit na si Derek ay agad namang nagbigay ng pahayag.
"Wala kaming problema ni Angelica when it comes to work, when it comes to Gretchen. Hindi, hindi ipokrita si Angel, e. Yung mga eksena niya sa Rubi mas steamy pa, mas sweet pa kaysa sa eksena namin ni Gretch. So, she knows na trabaho lang ito. At pagkatapos naming magtrabaho, hanggang doon lang yun," paliwanag ni Derek.
GRETCHEN IS READY TO GO TO WAR. Si Gretchen naman ay sumagot na rin sa mga diumano'y mga pasaring ni Angelica sa kanya lalo na sa maanghang na Twitter post ng Rubi star.
"Bakit, para sa akin ba yun? Hindi ko naman alam. Nagtatrabaho lang ako, nag-e-enjoy lang po ako," sabi niya.
Paglilinaw ni Gretchen, biruan lang daw nila ni Derek yun kaya hindi raw siya dapat awayin. Sila na lang daw ni Derek ang mag-uusap tungkol dito.
Pabiro naman ang naging sagot ni Gretchen nang mahingan ng komento sa sinabi ni Angelica na magpapadala raw sila ng pictures pero dalawa sila.
"Oh, my God, how painful! I'm so depressed. Very ouchy talaga!" sambit nito.
Sa lahat ng mga isyung naglalabasan sa kanila nina Angelica at Derek, ito ang pahayag ni Gretchen: "Ako si Victoria [role niya sa Magkaribal]. Suot ko ang pag-ibig, hindi susuko at lalaban magpakailanman. You want war, I'll give you war. I'll be there in my red stilettos."