Binaligtad ng Department of Justice (DOJ) ang naunang desisyon ng Office of the Quezon City Prosecutor sa slander case (Violation of Article 358 of the Revised Penal Code) na isinampa ng talent manager na si Annabelle Rama laban sa GMA-7 executive na si Wilma Galvante.
Pinagbigyan din ng DOJ ang Petition for Review na inihain ng Gutierrez matriarch. Ibig sabihin nito ay tuloy ang pagdinig sa kaso.
Sa Resolution ni Acting DOJ Secretary Alberto Agra na may petsang June 8, 2010, nakasaad na may "probable cause" ang slander case na isinampa ni Rama laban kay Galvante noong isang taon. Taliwas ito sa naging desisyon ni Quezon City Assistant Prosecutor Ronald Torralba noong July 24, 2009 na ibasura ang slander case ni Rama laban kay Galvante dahil sa "lack of probable cause." (CLICK HERE to read related story.)
Ayon sa Resolution, "...considering that we find there is probable cause in the instant case, and considering further that the matters raised in both complainant and respondents pleadings are evidentiary in nature and could be properly threshed out in a full blown trial, we find that the assailed Resolution should be reversed and set aside."
Isinampa ni Rama ang slander case laban kay Galvante noong April 15, 2009 sa Office of the City Prosecutor (OCP) of Quezon City. Ayon kay Rama, siniraan siya ni Galvante sa kanyang alaga na si JC de Vera nang ikulong daw ng TV executive ang aktor sa opisina ng TV executive noong February 16, 2009. (CLICK HERE to read related story.)
Si De Vera ay dating contract star ng GMA-7 na ngayon ay nasa bakuran na ng TV5. Ang aktor ang nagsilbing witness ni Rama sa kaso nito laban kay Galvante.
Kasabay ng pagre-reverse ng naunang desisyon ng Quezon City Prosecutor's Office at pagga-grant ng Petition for Review ni Rama, inatasan din ng acting DOJ secretary ang nasabing tanggapan na mag-file ng Information of Slander laban kay Galvante.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, ang slander ay punishable by law. Kapag napatunayang nagkasala ang akusado, maaari siyang maaresto o makulong.
Nakausap naman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang abugado ni Galvante na si Atty. Alfred Villamor kaninang bandang ala-una ng hapon, June 10, upang kunin ang kanyang reaksiyon sa Resolution ni Acting Secretary Agra. Sinabi ni Atty. Villamor sa PEP staff writer na si Nerisa Almo na hindi pa nila natatanggap ang kopya ng Resolution noong mga oras na 'yon kaya hindi pa siya makapagbibigay ng pahayag.
Mananatiling bukas ang PEP sa panig nina Galvante at Atty. Villamor kung sakaling handa na silang magbigay ng pahayag.
