Sa June 28 na ang pilot telecast ng seryeng pinagbibidahan nina Gretchen Baretto at Bea Alonzo sa ABS-CBN, ang fashion seryeng Magkaribal. Kahit wala ang leading man na si Derek Ramsay dahil nasa South Africa ito para sa bakasyon nila ng kanyang kasintahang si Angelica Panganiban, natuloy pa rin ang press launch ng kanilang serye kagabi, June 17, sa 14th floor ng ELJ Building ng ABS-CBN.
GRETCHEN VS. BEA. Bagamat masasabing mas hasa si Bea sa pag-arte kaysa kay Gretchen dahil ngayon pa lang bumabalik sa acting ang huli, hindi pa rin naman nagpahuli si La Greta kung pagbabasehan ang ipinalabas na trailer ng serye. Siyempre, hindi pa ring maiiwasang sukatin ang kakayahan ni Gretchen.
Napi-pressure pa ba siya sa posibilidad na puwedeng pagkumparahin ang acting nila ni Bea?
"Well, I guess more the excitement kaysa sa pressure," sabi ni Gretchen sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "I'm working with Bea, so stronger. Stronger ang feeling ko about this. Kasi I have the support of not just Bea, I have Enchong [Dee]... And siyempre, star-studded din naman ito."
Kapansin-pansin sa presscon ang pagiging malapit sa isa't isa nina Gretchen at Bea. Kitang-kita ng lahat na nagbibiruan at nagkakatawanan pa sila. Sa kanilang mga kilos, parang matagal na silang magkakilala ng young actress.
Ipinaliwanag naman ni Gretchen na nakatulong ang workshop nilang dalawa ni Bea sa kanilang closeness.
Kung magkasundo sila ni Bea, may ibang stars naman na naiilang na makasama si Gretchen dahil sa "diva" impression sa kanya. Ano ang masasabi niya rito?
"Well, tanungin ninyo sila," sabi ni Gretchen. "I made sure na hindi yun ang nagiging feeling nila dahil after all, artista rin naman ako. I've been in the business for the longest time. Siyempre, iba lang yung perception nila about me because siguro of my clothes and the expensive things. Pero siyempre, hindi naman yun ang basehan ng ugali ng tao, di ba?"
CUT-OFF TIME. Kilala si Gretchen sa pagiging mahigpit pagdating sa kanyang working hours. No'ng nag-taping nga siya para sa unang labas niya sa Maalaala Mo Kaya, naging usap-usapan ang pag-i-impose niya ng cut-off time. At dito rin daw sa Magkaribal ay meron din siyang ganitong demand.
"Meron talaga, dapat 18 hours," sambit ng aktres. "Pero for the first three weeks, parang walang nasusunod. Simply because may hinahabol kaming playdate. Minsan 30 hours, minsan 24 hours. Kaya kung napansin ninyo sa trailer, meron isang eksena na paos na ako, namamaos na. But yung energy level ko high pag nagti-taping. Kasi nga, excited pa, e."
Aminado naman si Gretchen na napapansin din ng live-in partner niyang si Tonyboy Cojuangco at ng anak nilang si Dominique ang hindi niya pag-uwi sa normal na oras.
"Minsan, pag umuuwi ako ng late at sinasabi ko na I'm so tired, hindi naman talaga maiwasan na hindi magreklamo ng sakit sa katawan mo, wala nang boses, gano'n. Siyempre, sinasabi niya na choice mo 'yan, di ba? Nagrereklamo rin, pero masasanay din. Kasi alam naman nila na 'eto ang gusto ko at 'eto ang buhay ko," saad niya.
Kahit abala siya ngayon, sinisikap pa rin daw ni Gretchen na gawin ang role niya bilang ina ni Dominique.
"Oh, yes, hinahatid ko pa rin siya at sinusundo. Although, pag nagte-taping ako, hindi. Mukha naman siyang masaya na hindi ko na siya sinusundo!" tawa niya.
"Okey naman. Loko ko lang yun," bawi niya.
Paano kung magkaroon ng conflict ang pagiging active niya sa showbiz sa samahan nila ni Tonyboy?
"Well, I'll cross the bridge when I get there," mabilis niyang sagot. "Right now, I really have no time or no space in my heart to entertain negative thoughts. I don't entertain ifs. I only entertain the moment."
SERIOUS ABOUT HER CRAFT. Ipinagdiinan ni Gretchen na matagal na siyang seryoso sa kanyang showbiz career, hindi lang ito napapansin ng iba.
"Serious naman ako, e, sa acting ko. It's just that, siguro ang hindi ko lang kayang gawin yung pelikula at teleserye. Kasi before ko gawin itong teleserye, akala ko kaya ko lahat. Tinatanggap ko lahat. And then, no'ng nag-taping na ako ng 30 hours, sinabi ko na kay Bettina [her personal assistant], 'Ay, teka,teka, hold muna lahat.' Because gusto kong maging fair hindi lang sa sarili ko, para sa mga katrabaho ko at sa management ng ABS-CBN at saka siyempre sa audience ko. Ayokong nakikita nila akong namamaos na, haggard na, pumayat na dahil sa puyat.
"So, talagang ang ideal para sa akin is one-day work. Kung 24 hours yung work, the next day, talagang itutulog ko para ma-recharge ko yung sarili ko for the next day of work, kasi three times a week ang trabaho namin. So, ang pictorials namin... Kunwari may shoot kami for commercial, parang ang hirap-hirap naming bigyan ng schedule kasi the next day, talagang lanta na yung katawan mo. So, ngayon, three times pa rin ang taping namin a week kasi mag-e-air na kami.
"Katulad ngayon, nagmamadali na ako kasi iniisip ko, 'Hala ka, bukas 7 o'clock [a.m.] kailangang made-up na ako on the set. Which means kailangang 5 o'clock, gising na ako. And 6 o'clock, patulak na kami papuntang location."
Isa raw sa beauty regimen ni Gretchen ay ang matulog nang maaga at gumising ng umaga. Nagagawa naman niya ito ngayon, may pagkakaiba na nga lang.
"Ang kaibahan nga lang, hindi ako natutulog ngayon!" tawa niya. "Pero natutulog ako. Yun naman, relax ako. Ngayon naman, taping."
Hindi pa masabi ni Gretchen kung hanggang kailan siya uli magtatagal sa showbiz. Ang basehan daw niya kasi ay kung ano ang buhay niya ngayon sa industriya.
"Right now kasi, ini-enjoy ko talaga. 'Eto naman talaga ang buhay ko, dito ako nanggaling and this is where I feel comfortable. This is my home," sabi niya.
