Kung noon ay tila tikom ang bibig ni Marian Rivera sa pagsasalita tungkol sa relasyon nila ni Dingdong Dantes, ngayon ay malaya na niyang naipapahayag ang kanyang damdamin sa lalakeng pinakamamahal niya.
"A woman in love" ang maibibigay naming description sa aura at maging sa mga pahayag ni Marian kapag tungkol na kay Dingdong ang usapan.
Kitang-kita ito nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ibang press si Marian pagkatapos ng special screening ng pilot episode ng Endless Love kagabi, June 23. Sa Cinema 1 ng SM Megamall ginawa ang screening, pero dumiretso ang cast at press people sa Barrio Fiesta restaurant sa 4th level ng naturang mall para sa one-on-one interview with the cast.
ENDLESS LOVE. Dahil Endless Love ang title ng pinakabagong telenovela nina Marian at Dingdong sa GMA-7, na magsisimula na sa June 28, tungkol sa pag-ibig ang naging sentro ng pakikipag-usap ng aktres sa PEP at sa iba pang entertainment press.
Naniniwala ba si Marian sa endless love?
"Oo naman. Kasi ang totoong pag-ibig hindi naman namamatay, e," sagot niya.
Si Dingdong na ba ang "endless love" niya?
"Endless love? Siyempre naman kung sasabihin ko 'yan sa posisyon ko ngayon at sa nararamdaman ko, para sa akin, siya talaga 'yon," pag-amin ni Marian.
Dagdag niya, "Madaming aspeto ang love, e. Pero yung endless, na totoong pag-ibig na sinasabi, talagang hindi mamamatay, siyempre si Dong 'yon. Wala, e. Parang wala na akong hihilingin pa. Ibinigay niya na lahat sa akin. Wala lang bangko 'tsaka korona, yun na 'yon... Sobra pa!"
So, hindi na nakikita ni Marian ang kanyang sarili with another guy?
"Ay, hindi talaga!" mabilis niyang tugon. "Di ba, ang hirap talaga magsalita ng tapos? Pero sa ngayon, kung tatanungin n'yo ako, ay wala, naka-seal na yung mata ko, para akong kabayo—Dingdong lang!"
Nakikita niya ba na sila talaga ni Dingdong ang magkakatuluyan?
"Kung illusion lang, e, maraming illusion sa utak ko!" tawa ni Marian. "Lahat naman ng tao gusto ng masayang pamilya, mag-asawa, maging payapa, maging maayos... Lahat naman ganun ang pangarap, e."
DINGDONG'S MOST ENDEARING QUALITY. Tinanong ng PEP si Marian na ngayong nasa peak siya ng career niya, if ever na mag-propose sa kanya si Dingdong, is she willing to give up everything for him?
"Naku, mahirap na tanong 'yan," sambit niya. "Kasi pag sinabi kong hindi, may masasaktan ako. Kapag sinabi ko namang oo, may masasaktan pa rin ako. So, kung ano na lang siguro ang dumating sa punto na kapag naging ready na ang lahat at naging ready ako, dun ako magde-decide.
"Pero ngayon, ang hirap sabihin na 'i-give up mo lahat para kay Dong,' e, hindi pa naman siya nagpo-propose. Pag sinabi kong hindi ko igi-give up para sa kanya, ang sakit naman para kay Dong 'yon. So, wala na lang."
Sa pagkakakilala niya kay Dingdong, siya ba yung klase ng lalake na hihilingin niya na i-give up niya lahat?
"Ay, hindi. Hindi siya gano'n," mabilis na sagot ni Marian. "Mas gugustuhin niya na i-give kung anong meron siya kesa ako yung mag-give up. Ganun siyang klase ng tao, sa totoo lang. Minsan kahit ako yung naaagrabyado, siya yung tumatalak. Sabi ko, 'Huwag ka nang tumalak, ikaw naman ang mapapasama.' Parang mas gugustuhin niya na siya na lang ang maging masama kesa ako. Ganun siya, e. Ano pa kaya yung career at saka lovelife? Hindi niya ako papipiliin do'n."
Sa dami ng qualities na nagustuhan niya kay Dingdong, ano yung pinaka-natatangi para kay Marian?
"Pag nagmahal siya sa babaeng pinakamamahal niya, lahat ibibigay niya," sagot ng aktres.
Hindi naman necessarily material things?
"Yung mga simpleng pupunta sa bahay, dadalawin niya sina Mama ko 'saka lola ko, para isama niya ako sa pamilya niya... Sa ganung proseso pa lang, hindi lang material na bagay, e," saad ni Marian.
Nabanggit din Marian na tuloy pa rin ang communication ng Papa niya na nasa Spain at ni Dingdong.
THEIR TRIP ABROAD. Kagagaling lang nina Marian at Dingdong mula sa concert tour nila sa Canada at U.S. kasama sina Regine Velasquez at Ogie Alcasid. Sa recent trip nilang yun, may mga nadiskubre pa ba si Marian kay Dingdong na ikinagulat niya?
"Oo," sabi ni Marian.
Pagkatapos nito ay ikinuwento na niya ang insidenteng tinutukoy niya.
"Kasi, nawala yung maleta ko. Nandun sa maleta ko lahat ng shinopping ko. So, two days na, hindi pa bumabalik yung maleta ko. So, ngumangalngal talaga ako. Tapos kailangan niyang bumili ng damit para sa concert nga namin. So, bumibili siya. Nakita niya malungkot pa rin ako, although nag-i-smile ako. Ikot kami nang ikot. Sabi ko sa kanya, 'O, bakit wala kang nabibili?' Sabi niya, 'Hindi ko kayang mamili na alam kong nasasaktan ka.' Hindi siya bumili, nag-ulit na lang yata siya ng damit niya."
Ano ang naramdaman niya noong sinabi 'yon ni Dingdong?
"Parang nakonsensiya naman ako na dahil sa akin hindi siya nakabili ng damit. 'Saka hindi ko ini-expect na masasaktan pala ako kahit sa maliit na bagay. Damit lang 'yon, ano pa kaya kung emosyon na yung pinag-uusapan?" sabi ni Marian.
Pero nang makuha na raw ni Marian ang maleta niya ay si Dingdong na mismo ang nagyaya na mag-shopping sila.
Pareho ring nagkasakit sina Marian at Dingdong noong nasa U.S. sila. Paano nila inalagaan ang isa't isa nung panahong yun?
"Ay ako, nilagnat ako! Kasi yung weather, umulan, tapos sobrang unit... Ewan ko, ang dami. So, lagnat-lagnatan, sipun-sipunan. Siya [Dingdong], bumili siya ng gamot. Yung natira kong gamot, yun ang pinainom ko sa kanya!" natatawang kuwento ni Marian.
DREAM WEDDING. Sa mga kuwento ni Marian, napakasaya talaga niya ngayon sa piling ni Dingdong. Maging ang kanyang career ay maganda rin dahil sa bagong TV show niya at sunud-sunod na endorsements. Kaya ang tanong ay may mahihiling pa ba siya sa puntong ito?
"Kasi kapag hiling at gustong mangyari sa buhay at mga pangarap, e, ang tao, hindi nauubusan ng pangarap. Pinaka? Siguro ang hihilingin ko lang palagi siyempre, bukod sa pamilya ko... Si Dong, talagang tuluy-tuloy sana, talagang endless love na talaga. Wala na, e," sagot ni Marian.
Sa palagay kaya niya ay hahantong na talaga sa kasalan ang pagsasama nila?
"Sana," sambit niya.
Kung sakali, ano ang dream wedding niya?
"Ano naman, hindi naman dream. Siguro kahit dati pa, kahit hindi pa ako nasa ganitong edad, e, gusto ko na talaga, simbahan," sabi niya.
Pero wala pa raw siyang napipiling simbahan.
Ilan ang gusto niyang maging anak if ever?
"Ay, madami ang gusto ko kasi nag-iisang anak lang ako. Walang limit, hangga't kaya!" bulalas niya.
Kahit malosyang siya?
"Ay, doon ko malalaman kung talagang endless love ang pagmamahal niya [Dingdong] sa akin. Magkaalaman kaming dalawa!" natatawang sabi ni Marian.
Sino ang gusto niyang paglihian?
"Siya [Dingdong], pero sana may halo ako. Pag ilong, akin. Sobrang tangos ng ilong ni Dong, e. Lahat ng ugali, talino, sa kanya. Lahat ng pang-loob. E, kasi proud ako na ganun si Dong, e, at alam ko pati sa inyo, okay si Dong... Siguro ihawa na lang ng anak ko yung pagiging kalog ko kasi ang sarap mabuhay nang masaya."
DINGDONG IN POLITICS. Napag-usapan din ang nababalitang offer kay Dingdong para sa isang posisyon sa administrasyon ni incoming President Noynoy Aquino. Pero ayon kay Marian, hangga't maaari ay ayaw niyang magbigay ng pahayag tungkol dito.
Paliwanag niya, "Actually, ayokong mag-comment kasi hindi na showbiz na usapan 'yan. Medyo pang-buong mundo na 'yan, e. Ang hirap no'n. Siguro kung may magde-decide at magsasabi kung tatanggapin niya 'yan, kung anong posisyon, kung anuman 'yan, siya [Dingdong] na lang ang tanungin n'yo."
Pero kung anuman daw ang maging desisyon ni Dingdong ay maaasahan nito ang kanyang suporta.
"Alam naman niya na palagi akong nasa likod niya kahit ano pang desisyon ang gawin niya," sabi ni Marian. "Pero siyempre, kung tatanungin niya ako at kung naguguluhan siya kung anuman, siguro nandun lang ako sa likod niya para magsalita. Pero wala akong karapatan na sabihin na kunin niya o huwag niyang kunin. Siya pa rin ang magde-decide niyan."
Hanggang saan niya susuportahan si Dingdong?
"Ay, all the way ako sa kanya. Kasi ganun din siya sa akin, e."
Bilang girlfriend, gusto niya ba o ayaw niya na tanggapin ni Dingdong ang sinasabing posisyon?
"Kung ano ang gusto niya. Kung guhit ng kanyang kapalaran, dun siya," sagot niya.
Sa ngayon daw ay hindi pa alam ni Marian kung nakapag-usap na si Dingdong at si President-elect Aquino ("Kuya Noy") tungkol dito.
Nakikita rin ba ni Marian ang sarili niya bilang public servant?
"Ay, hindi," sagot nito.
Pero nang sabihin sa kanya na ganun din ang sinabi noon ni Vilma Santos, na ngayon ay gobernador na ng Batangas, biglang ni-revise ni Marian ang kanyang sagot.
"Ganun? Ay sige, huwag magsalita ng tapos," sabi niya.
Dagdag niya, "Hindi ko po muna talaga nakikita ang sarili ko... Hanggang cashier lang ako! Hindi, siguro ano, gusto ko ang showbiz, mahal ko ang status ko ngayon. Mahal ko kung sino si Marian Rivera. Dun na lang muna ako. Mahirap kasi na humakbang na naman sa panibago na hindi ko naman kayang panindigan. Dito na lang ako sa showbiz na kaya kong panindigan."
Kung siya ay hindi niya kayang pasukin ang pulitika, si Dingdong ay nakikitaan ng kakayahan at kapabilidad na maging isang public servant.
"Ay, oo naman!" pagsang-ayon ni Marian. "Yung lalake namang yun, e, talagang lahat na lang ng aspeto ay magaling at matalino naman 'yon. Kaya nga kami compatible!"
So, hindi malayong pasukin talaga ni Dingdong ang pulitika balang-araw?
"Sa nakikita ko kasi ngayon, naka-focus siya sa Foundation niya [Yes Pinoy Foundation]. Pero tulad nga niyan, may natsitsimis na posi-posisyon na wala naman akong karapatang magsalita, di ba, hanggang cashier lang ako. So, mahirap 'yon. Siya na lang 'yon, huwag na ako. Kasi 'eto yung usapan na posisyon na hindi naman showbiz, e. Buong tao, buong Pilipinas. Ang hirap, ang bigat. So, huwag na lang akong magsalita," sabi niya.
Sa mga pagkilala kay Dingdong sa loob man o labas ng showbiz, gaano ka-proud si Marian sa kasintahan?
"Siyempre, proud ako. Ibig sabihin, hindi lang ako ang nakakakita na talaga namang matalinong tao, edukado... Talaga namang alam natin na ever since pa lang, e, mahusay na."
So, hindi siya talagang mahihiyang ipakilala si Dingdong sa kahit na sino man?
"Oo naman. Saka hindi naman sukatan kung anong posisyon, kung mayaman o mahirap. Basta mahal mo, mahal mo. Walang kuwestiyon do'n," ani Marian.
