Tulad ng kanyang ipinangako, personal na pumunta si Vic Sotto sa Lakdayan Elementary School para bisitahin ang kauna-unahang "EB Classroom Project" ng Eat Bulaga!.
Kasama sina Sen. Tito Sotto, Jose Manalo, Wally Bayola, Eat Bulaga! producer na si Mr. Tony Tuviera, at ilang staff ng programa, dinayo ni Bossing (sikat na tawag kay Vic) noong tanghali ng Hunyo 18 ang malayong barangay ng Lakdayan sa San Narciso, Quezon, na tatlong oras ang biyahe mula sa Lucena City.
Katapusan ng Abril 2010 nang sinimulan ang construction ng dalawang bagong classrooms sa Lakdayan Elementary School. Nangako si Bossing na kapag natapos gawin ang proyektong 'yon ng Eat Bulaga ay pupunta siya roon para dalawin ang mga estudyante ng Lakdayan at tingnan ang kanilang bagong silid-aralan.
Mistulang special holiday sa nasabing eskuwelahan ang pagdalaw doon ni Bossing. Pinalabas muna sa kanilang mga classroom ang mga estudyante at inipon sa harapan ng school para sama-samang i-welcome ang Eat Bulaga dabarkads.
Ang lakas ng tilian ng mga bata paglabas nina Bossing, Tito Sen, Jose at Wally. Tumugtog ang banda ng musiko ng eskuwelahan at ang mga estudyante ay sabay-sabay na winagayway ang hawak nilang makukulay na lobo. Parang piyesta sa kanilang barangay!
Sabay-sabay silang nag-chant ng "Bossing, Bossing, we Love You!" kaya tuwang-tuwa ang comedian-TV host habang kumakaway sa mga bata. Gumawa rin ng banners ang mga estudyante na gawa sa kartolina at manila paper na may nakasulat na "Salamat Po, Eat Bulaga!"
Karamihan sa mga estudyante ng Lakdayan ay mahihirap, walang pambili ng sapatos at ang mga suot na tsinelas ay luma at halos sira-sira na. Meron pang ilan sa kanila na walang tsinelas at nakapaa lamang.
CLASSROOM VISIT. Pumasok din si Bossing sa classroom ni Ma'am Dina Endrinal, ang Grade III teacher na sumulat sa Eat Bulaga! para tulungang ipagawa ang kanilang giba-gibang paaralan. Isa-isang ininspeksyon ni Bossing ang mga nasa loob ng brand new classroom.
Lahat ay maganda na at bago, mula sa mga gamit hanggang sa mga upuan at blackboard. Wala nang butas ang bubong at kisame, maganda na ang mga bintana, makinis na ang sahig na dating bitak-bitak, at maging ang mga banyo nila sa labas ng classroom ay bagong gawa rin.
"May maayos na kayong bubong. Hindi na kayo malalaglagan ng anay at hindi na kayo mababasa ng ulan. Hindi na rin kailangang maghanap ng blackboard at manghiram ng upuan ang teacher n'yo. Sana, alagaan n'yo ang mga bago n'yong classroom at mga gamit, dahil para ito sa inyong kinabukasan at ng iba pang bata sa susunod pa sa inyo," sabi ni Bossing sa mga estudyante ni Ma'am Dina.
Nagkita rin nang personal si Bossing at ang Grade III pupil ng Lakdayan na si Mark Steven Gosas na matiyagang binantayan ang "EB Classroom Project" mula nang simulan itong gawin hanggang sa matapos ito bago nagbukas ang klase nung Hunyo 15.
"Engineer" ang tawag ni Bossing kay Mark Steven, na pinasalubungan niya ng bagong tsinelas at kapote. May dala ring slippers at raincoats si Bossing para sa mahigit 500 estudyante ng Lakdayan. Nung opening ng klase ay nagpadala na roon ang EB dabarkads ng sari-saring school supplies at libro para sa mga bata.
May dagdag pang sorpresa si Bossing sa pagbisita niya sa Lakdayan. Bukod sa karagdagang mga aklat para sa library ng eskuwelahan, nagbigay siya ng bagong TV set na may kasamang iba pang audio-visual equipment na magagamit ng mga estudyante.
Abut-abot ang pasasalamat ni Ma'am Dina kay Bossing at sa Eat Bulaga. Hinding-hindi raw nila makakalimutan ang malaking tulong na 'yon na ipinagkaloob sa kanila. Bilang pasasalamat ay hinandugan ng special dance number ng mga Grade III pupils si Bossing. Aliw na aliw si Bossing nang magsayaw ang mga bata ng "Itaktak Mo."
Niregaluhan nila si Bossing ng matatamis na saging at mangga, at isang halaman na nakalagay sa latang paso. Binigyan din si Bossing ng mga bata ng mga gawa nilang thank-you cards. Tila nangingilid ang mga luha ni Bossing habang binabasa niya ang ilan sa mga 'yon. Parang nanginginig din ang boses niya habang nagpapasalamat kay Ma'am Dina at sa mga bata.
Ang tanging hiniling niya sa mga estudyante ng Lakdayan Elementary School ay mag-aral ang mga ito nang mabuti. Alam daw niyang marami pang silid-aralan ang naghihintay ng tulong, kaya sisikapin ng Eat Bulaga! na paunti-unti, paisa-isa ay makapagpatayo pa ng mga classroom para sa mga bata. Sumama rin ito sa class picture ng mga bata sa Lakdayan.
Kakaiba ang saya ni Bossing noong araw na 'yon. Ang sarap talaga ng pakiramdam ng nakatulong.