Sa mga tagasubaybay noon ng SOP, siguradong marami pa rin ang nakakaalala kay Bryan Termulo. Si Bryan ang naging runner-up sa Pinoy Pop Superstar season 3 kunsaan si Maricris Garcia ng La Diva ang lumabas na winner.
Kasama rin si Bryan sa grupong You've Got Male ng SOP with Jan Nieto, Harry Santos at Gian Magdangal. Sa all-male quartet, si Gian Magdangal lang ang na-retain para isali sa Party Pilipinas, ang kapalit na noontime show ng na-cancel na SOP.
Kamakailan ay nakausap namin si Bryan sa opisina ng kanyang talent management, ang BWB, sa Quezon City at ayon sa kanya, wala man daw siyang regular TVshow, busy pa rin siya especially ngayong na-release na ang kanyang first album, ang Bryan Begins. Bukod pa rito, he will also stage his first major concert at Teatrino Greenhills with Lovi Poe and a new all-male group na nagngangalang 100% as his special guests.
LIFE AFTER SOP. Halos walang narinig sa kanya after mawala siya sa SOP.
"Well, hindi lang naman ako ang nawala noon. Marami kaming nawala. Marami rin akong kasabayan na nawala like si Harry. Yung iba po, nasa Channel 5 na. Kasi nga, parang maraming talents na tinanggal at isa na rin ako ro'n."
Bakit daw sila natanggal?
"Actually, wala rin akong ideya kung bakit," nakangiti niyang sabi.
Pero di raw niya masyadong ininda ang pagkakatanggal sa kanya noon dahil may ginagawa pa siyang series, kunsaan sinubukan niya ang pag-aartista.
"Yung All My Life nga nina Aljur Abrenica at Kris Bernal. Kaya parang hindi ko masyadong naramdaman. Although, siyempre, meron din yung feeling na parang sayang din na nawala ako. Pero yun nga, hindi ko naramdaman dahil busy pa rin ako. Yung taping ng All My Life before, three times a week. Every day pa ang exposure at primetime pa ang time slot."
At the time, nasa management pa siya ng GMA Artist Center (GMAAC). And then narinig niyang naghahanap ang BWB ng bagong artist para ipag-produce ng album. Inamin niya na si Maricris ng La Diva talaga ang gusto nilang gawan ng album, pero under GMA Records na kasi si Maricris, at siya naman ang napili sa mga miyembro ng You've Got Male.
"So, actually... sa Artist Center rin nila talaga ako nakuha. Nag-request lang din ako ng pre-termination ng contract ko sa GMAAC kaya ni-release po nila ko."
KEEPING HIS CHIN UP. Hindi daw siya nanghihinayang sa ginawa niya.
"Hindi naman, kasi, well, kapag umalis ka nga sa isang network, parang malaking kawalan nga raw yun. Nararamdaman ko naman yun. And the fact na meron guesting ako paminsan-minsan, kumbaga, parang okey naman.
"I believe wala naman akong bridge na na-burn. Hindi ko naman siya nararamdaman... Kumbaga, nasa papel lang na na-release ako, pero sa mga co-workers ganoon pa rin."
Pero inamin niyang may feeling of insecurity pa rin daw siya kapag napapanood sina Maricris at Gian sa Party Pilipinas.
"Noon, meron... parang papunta na sila ro'n. Ako, pa-stop. Pero wala naman tayong magagawa. Kapag ang insecurities mo hinayaan mo, that wouldn't be the key para masundan mo sila. So, huwag na lang mag-regret sa mga bagay na yun. Hindi naman ako nawawalan, awa ng Diyos, so, okey pa rin."
NEW BEGINNING. Happy nga raw si Bryan na finally, may album na siya, ang Bryan Begins na ang BWB ang nag-produce at nag- release. Parang tamang-tama daw sa career niya ang title ng album since he feels he is just starting again.
Aniya, "It's like a new beginning. Ten songs po siya all in all. Lima po rito ang Tagalo, lima po ang English. Anim po ang original at apat po ang revival. My carrier single is 'I Will.'"
A personal favourite niya ay ang "Dapit Hapon."
"Para po kasing may naalala kang isang bagay, parang puro sana... sana... pero kailangan nating mag-begin, mag-move on."
Sa July 2 ang concert niya sa Teatrino Greenhills.
"Nakaka-excite, kasi ito ang first major concert ko. Hindi ko alam how was it na solo mo na. Kasi I do concerts na kasama ang You've Got Male, pero this time ako na talaga. May guests, pero yung major, ako talaga, so, nakaka-excite na nakakakaba."
Madami siyang katapat na events sa gabi ng July 2. Hindi ba siya mas kinakabahan?
"Well, siguro yun na lang ang dapat isipin para hindi ka kabahan. Na ka-level mo si ganito, pero, kung talagang gusto ka ng taong panoorin, lalo na ng mga fans mo, parang sa 'yo talaga sila pupunta. Kahit na anong mangyari. Siguro ile-level nila kung ano ang importante or kung ano ang pinakaimportante."
GAY LOVER INTRIGUE. Sa huli, direkta naming tinanong si Bryan kung maaaring clear up na iyong intriga noon na meron daw siyang gay lover na executive sa dating network.
Mabilis naman ang sagot ni Bryan nang, "Yes, yes, nasulat nga yun. Actually, hindi ko alam kung saan nanggagaling yung isyu na yun. Pero hindi naman ako dapat mag-dwell sa mga bagay na yun. Baka ikasakit ko lang siya ng ulo. Ika-stress ko lang siya...
"Hindi ako naapektuhan sa mga ganoong write-ups kasi... Although, ayoko nang magbanggit ng pangalan kung sino siya, I'm sure, kung marinig din niya ang interview na ito, alam din niya kung sino siya, and for me, hindi ko talaga alam kung saan nanggagaling yung mga balitang yun.
"For me, parang move on lang. Kapag narinig ko, kailangan lumabas na lang sa isang tainga. Baka kapag na-stuck, maapektuhan lang ako."
May pinagbabasehan or pinanggagalingan ba yung isyu na yun?
"Well, maaaring siguro nabigyan ng malisya yung mga bagay na yun. Ako kasi, hindi ko binibigyan ng malisya kaya ang dating sa akin, wala lang. So, hindi ko kasi alam kung paano nila na-perceive yung mga isyu na yun, so, hindi ko alam kung paano nila na-interpret.
"Kasi sa totoo lang, for as long as hindi mo binibigyan ng kahulugan, wala akong dapat i-explain, itago or kung anuman. Parang pine-perceive ko lang siya as wala."
May nag-offer na ba sa kanyang gay?
"Wala, wala," nakangiti niyang sagot.
Pero dugtong din niya, "Hindi rin naman ako magpapaka-plastic, merong lumalapit. Pero parang nabibigyan lang ng malisya rin. Ako, sa sarili ko, alam ko na wala. Hindi ko kailangang mag-explain nang mahaba dahil bukod sa sarili ko, mas kilala ako ng pamilya at mga kaibigan ko. Kapag dumating ang time, sila mismo ang kayang magsalita for me at mag-defend."
