Gov. Vilma Santos warns fellow actors, politics is no picnic

"Sa showbiz, isang ngiti lang natin, 30 minutes, magkano? Dito, hindi mo makukuha 'yan, sa totoo lang. Kaya lang, ang maganda lang, yung legacy na iiwan mo. Kasi nakatatak ka rin sa mga tao. Yung nagawa mo. The respect na ibinibigay sa public servant is also different. Dito, walang kamera. Yun ang kapalit niyan. Tapos ang masarap lang diyan, pag may nagagawa kang maganda, kung paano ka itrato at irespeto. Yun ang di kayang bayaran," says Batangas Gov. Vilma Santos in


Nanumpa nang muli ang Star for All Seasons na si Vilma Santos bilang gobernador ng lalawigan ng Batangas noong Lunes ng umaga, June 28, sa auditorium ng Batangas Provincial Office. Ito ang ikalawang term ng actress-politician sa naturang posisyon. Nauna rito ay nanungkulan siya bilang mayor ng Lipa City sa loob ng siyam na taon o tatlong terms.

FUNNY MOMENT. Naging kuwela ang dapat sana'y pormal na seremonyas nang ang mister ni Gov. Vi na si Senator Ralph Recto ang sumalang sa entablado matapos ang oathtaking ng gobernador ng Batangas.

Kay Gov. Vi humarap si Sen. Ralph para sa oathtaking nito. Nahalatang nawala sa sarili niya ang gobernadora sa pagbabasa ng vows of oath sa harap ng asawa.

Susundan kasi dapat ni Sen. Ralph ang lahat ng sasabihin ni Gov. Vi base sa binabasa nito. Sa unang bahagi ng oath, binanggit na ni Sen. Ralph ang pangalan niya saka sinundan ng pagsasabi kung saan siya nakatira. Hindi yata ito narinig ni Gov. Vi kaya sinabi niya sa asawang senador na banggitin ang kanyang tirahan. Nag-dialogue naman si Sen. Ralph na sinabi na niya kung saan siya nakatira.

Nang marinig ni Gov. Vi ang sinabi ng asawa, tumawa ito at nagrason na ninerbiyos siya dahil first time niyang mag-o-officiate ng oathtaking ng asawa.

"Nakakatawa!" masayang bungad ni Gov. Vi nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) matapos ang programa. "'Nasabi ko na 'yan.' Nasabi na pala niya yung tirahan! Nanginginig ako kanina, nahihiya talaga ako kanina."

Sa tagal ng pagiging senador ni Ralph, sa Chief Justice daw ito nanunumpa at hindi kay Gov. Vi kaya hindi naiwasang kabahan ng huli.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"First time na yung asawa mo nanunumpa sa iyo at saka mas mataas ang puwesto niya sa akin, ano! Senador siya, e," sabi niya.

Tawa nang tawa si Gov. Vi sa awkward moment nilang dalawa ni Ralph kaya naman halos hindi niya maisip na mangyayari ang gano'n sa kanya.

"Sabi ko rin sa kanya, 'Kanino ka ba manunumpa? Sa akin o kay Chief Justice?' 'E, di sa 'yo!' Sabi ko, 'Balwarte natin ang Batangas kaya dapat nandoon ka,'" kuwento ng gobernadora.

HER MOTHER'S CONDITION. Balik-opisina na agad si Gov. Vi matapos siyang magbakasyon ng dalawang linggo sa Los Angeles noong June 1 hanggang June 17. Noong June 19 siya bumalik sa opisina. Pero paglilinaw ni Gov. Vi, bago siya nagbakasyon at matapos siyang manalo ay pumasok na siya sa opisina.

Kakaiba raw ang bakasyon nilang ito dahil sinubukan naman nilang mag-cruise sa Mexico kasama ang kanyang mga kapatid na matagal nang naninirahan sa U.S.

Hindi lang daw nakasama ni Ate Vi ang kanyang ina na si Mrs. Milagros Santos dahil sa sakit nitong Alzheimer's. Naiwan ito sa Pilipinas pero alaga naman daw ito ng kanilang doktor.

Kung ano raw ang character ni Gloria Romero sa pelikulang Tanging Yaman, yun daw ang kundisyon ng 84-year-old mother ni Gov. Vi.

"Kasi hindi na niya kayo makikilala. Hindi na talaga," banggit niya."Maski kami hindi na niya kami nakikilala. Progressive yung sa kanya, magpa-five years na. Pero ngayon, nandoon na siya sa point na dati nakakalimot lang, pero ngayon hindi na talaga nakakakilala. Minsan ang tawag niya sa akin ate, minsan nanay. Basta, ang gusto niya lagi mo siyang iki-kiss. Gusto lang niya pag may nakita siyang maganda kong suot, 'Ay, ang ganda niyan, anak.' Nasa akin siya, sa Alabang."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento pa ni Gov. Vi, "Tapos, mahilig kumain, natutulog. Pag binati mo, nakangiti. Minsan galit, gano'n. Pero kaming magkakapatid, kumpleto, araw-araw tumatawag kami. Basta madinig lang niya, makamusta lang siya. Basta't ang sabi lang namin hindi na baleng ganyan basta't healthy lang si Mama."

VI-BOYET IN POLITICS. Kasama rin sa nag-take ng oath bilang senior board member ng Batangas ang aktor at paboritong leading man ni Gov. Vi na si Christopher de Leon. Habang nasa kalagitnaan kami ng interview ay sumilip si Boyet para sana magpaalam kay Gov. Vi. Hindi pumayag ang actress-politician na hindi masalang sa interview ang kaibigan.

"Halika na dito, Yetbo. Loveteam tayo, e," pangungumbinsi ni Gov. Vi sa aktor.

Proud si Vilma sa naging performance ni Boyet sa nakaraang election.

"First, ha? First, ha, senior board member. Pag sinabing senior, pag nag-absent at hindi available ang vice governor, siya ang papalit. Once na mawala o absent ang vice governor, siya automatic ang papalit. Parang ako, kapag ako nawala, automatic ang vice ko. Kaya pag wala si Vice [Mark Leviste] at nagbakasyon siya, ang magiging vice governor, siya [Boyet] ang magpi-preside."

"Kaya nga Gov, bibigyan ko ng ticket na magbakasyon ng one week si Vice!" biro naman ni Boyet.

"Huwag one week, one month!" sakay naman ni Vi sa biro ni Boyet. "Sabihin mo, 'Vice, bakasyon ka muna. Ako na'ng bahala dito.'

Patuloy niya, "E, si Vice naman, niloloko ko, dalawang beses akong nagbakasyon, nag-shooting ako noon, dumating ang Ondoy. Nagbakasyon na naman ako ngayon, siya ang acting, nag-init ang Taal [Volcano]. Sabi ko nga, 'Bakit pag ikaw ang acting, laging may kalamidad?' Kaya niloloko ko ngayon, hindi puputok ang Taal, nandito na ako. Pero partner kami niyan ni Vice Gov. Partners kami, that I'm very, very proud of.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung nakita ninyo ang mga board members, 'yan ang maraming problema. Ang ibang lugar, kasi yung executive at yung Sanggunian niya, hindi magkasundo. But in my case, ever since, kasundo ko ang Sanggunian ko. Kaya ang bilis. Kapag may ipapasa ako, pagpasa, pirma ko, implement! Ang bilis!" pagmamalaki ni Vilma.

Dugtong naman ni Boyet, lalo na raw ngayon dahil nandiyan na siya.

Sabi naman ni Gov. Vi, "Siya raw ang magla-lobby sa iba. E, di okey lang."

SACRIFICE. Masaya raw si Gov. Vi na pinasok niya ang pulitika.

"It's also rewarding," sambit niya. "Hindi nga lang kasing spoiled at kasing laki talaga na... Sinabi ko kay Boyet 'yan, yung spoiled natin sa show business at ang laki ng kinikita natin. E, sa showbiz, isang ngiti lang natin, 30 minutes, magkano? Dito, Yet, hindi mo makukuha 'yan, sa totoo lang. Kaya lang, ang maganda lang, yung legacy na iiwan mo. Kasi nakatatak ka rin sa mga tao. Yung nagawa mo. The respect na ibinibigay sa public servant is also different. Dito, walang kamera. Yun ang kapalit niyan. Tapos ang masarap lang diyan, pag may nagagawa kang maganda, kung paano ka itrato at irespeto. Yun ang di kayang bayaran.

"Sabi ko kay Yet, 'Handa ka na ba na isakripisyo?' Si Manay Lolit [Solis, Boyet's manager], ayaw!" natatawang patuloy ni Gov. Vi. "Ayaw, ayaw ni Manay. Ang dami mo pang proyekto! Alam ko, sinasabi niya sa akin. Sabi ko, 'Yet, hindi rin kita iimbitahan hangga't hindi ka sigurado. Kasi tatandaan mo ang sasabihin ko sa iyo, may isasakripisyo ka na kita mo o income mo sa showbiz.'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinatunayan ni Boyet na sinabi nga ni Gov. Vi sa kanya ang mga katagang ito tatlong araw bago magsara ang filing of candidacy ng mga tatakbo sa eleksyon.

Naalala ni Ate Vi na birthday niya noong nakaraang November 3, 2009 nang mag-usap sila ni Boyet tungkol sa napipintong pagtakbo muli ng aktor. Noong 2007 elections kasi ay tumakbo rin si Boyet bilang vice governor, pero natalo ito ni re-elected Vice Governor Mark Leviste.

"Gov, mayroon akong offer. Mamili ka? 'Yan bang offer na 'yan o eto?" pagpapaalala ni Boyet sa naging usapan nila ni Vilma noon.

"Deadline of filing ng certificate of candidacy," patuloy naman ni Ate Vi. "Tinawagan ko siya, 'Yet, anong desisyon mo?' Kasi may offer akong maganda. 'Yet, mamili ka, public servant o show business? Kasi once na sinagot mo ako dito, huwag mo akong sisihin pagdating ng araw. Kasi hindi talaga natin kikitain yung kinikita natin sa show business.' But, sinabi ko, it's also rewarding. Yun, sumagot siya. 'I want a more meaningful life, serbisyo.' So, yun."

NEXT MOVIE. Pagkatapos nito ay napunta naman ang usapan namin sa showbiz career ng Star for All Seasons. Matutuloy ba ang gagawin nilang pelikula ni Sharon Cuneta?

"Yung kay Sharon, kasi sa tatlong kontrata ko sa Star Cinema, kasama yun," sabi ni Gov. Vi. "In fact, kasama doon yung ginawa ko with John Lloyd [Cruz] and Luis [Manzano, her son]. At may dalawa pa. Yung dalawa ko pang natitira, ang isa roon ay with Sharon Cuneta.

"Kaya lang, at this point in time... Biruin mo no'ng sinabi ko na after seven years, noon lang ako nakagawa ng movie, yung In My Life, tinira ako nang tinira. 'Yan ang tinira sa akin dito, samantalang bago ko ginawa yun, nagpaalam ako. At yung days na syinuting ko do'n, bakasyon ko. Imbes na ibinakasyon ko, yun ang kapalit, trinabaho ko. Pero yun ang tinira sa akin dito, 24 hours. Bakit hindi na lang ako mag-pelikula o mag-artista na lang daw, mamili na lang daw ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"The point is, whether they like or not, tirahin n'yo ako diyan o hindi, ang pag-aartista, hindi mawawala sa katawan ko. Kung may utang na loob ako sa mga BatangueƱo, utang na loob ko rin ito sa mga Pilipino. Mula nine years old ako, sinusuportahan na ako. I owe to them naman, yung buhay ko sa showbiz. Totoo naman.

"Kaya ko naman nagawa yun kasi intact naman na yung mga programa ko, e. It's just a matter of monitoring. So, once it feels smooth at nakikita ko, namo-monitor na everything is fine, bakit hindi? I owe it to my public. Kaya lang ang priority ko, ang important, family, public service, at third ay ang career. Kasi kahit may naka-ready na diyan na offer sa akin, at alam ko na urgent dito at hindi tapos, hindi ko iiwan ang Batangas, 'eto ang priority. Kaya ako nakagawa [ng pelikula] kasi smooth naman lahat. It's just a matter of monitoring," mahaba niyang paliwanag.

Makakagawa kaya siya ulit ng pelikula in three years time bago matapos ang term niya?

"I just hope I can make one," sagot ni Gov. Vi. "Ngayon kasi ang continuation, improvement, which is also very, very important, continuation ng programs and projects. Once na makita kong okey, e, then why not? Pero hindi 'yan ang priority ko as of this time. The priority as of this time is the continuation of projects and programs and the improvement na puwede ko pang magawa dito sa lalawigan ng Batangas."

DISCOURAGING AI-AI. Nagbigay rin ng pahayag si Vilma tungkol sa pagkakaroon ng interes sa pulitika ng comedienne at kaibigan niyang si Ai-Ai delas Alas. Kasalukuyang kumukuha ng kursong Public Administration sa University of the Philippines ang Comedy Concert Queen bilang paghahanda sa pagpasok nito sa pulitika.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tinatakot ko naman sila, e. Kasi si Ai-Ai, no'ng nangangampanya kami, sabi niya, 'Ate Vi, sa susunod interesado na rin ako.' Tiga-Calatagan siya. Sabi niya, 'Gusto ko na rin maging public servant.' Kung ano ang sinabi ko kay Boyet, yun din ang sinabi ko sa kanya, na hindi madali ito. 'Sa laki ng kinikita mo, Ai, tandaan mo ang sinabi ko, hindi mo kikitain 'yan sa pulitika. Unless magnakaw ka!'" diin ng aktres.


NO-SHOW AT AWARDS NIGHT. May explanation naman si Ate Vi sa hindi niya pagdalo sa nakaraang Box-Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation, Inc. kung saan hinirang siya bilang Actress of the Year para sa In My Life.

"Kasi pagbalik ko, may issue ang Taal [Volcano] dito. Yun ang binigyan ko muna ng priority. Nagpunta ako ng tatlong bayan, umikot, meeting with the Provincial Disaster Coordinating Council. Nakabalak talaga akong pumunta doon dahil tapos na ang kampanya, pero pagbalik na pagbalik ko, may issue ang Taal. Alangan namang tumatanggap ako ng award, nagkaka... Yun ang [naging priority] ko.

"Pero pakiparating naman na sobra-sobra yung thank you ko talaga. At least sa Guillermo, marami na rin akong natangap na recognition at awards sa kanila," sabi niya.

Hindi rin nakadalo si Gov. Vi sa 1st MTRCB Awards for Movies kung saan nanalo naman siyang Best Actress para pa rin sa In My Life.

Paliwanag niya, "Yung sa MTRCB naman, kasi talaga namang pupunta ako, tinawagan ako ni Mario Hernando. Natapat ako na meron ako ditong Taal. Kasi ang pangit naman na nag-aalarma dito, level 2, nagmi-meeting, tapos ako tumatangap ng award doon. That day, noong awards night, galing ako sa pag-ikot ng tatlong bayan. Hindi na ako nakapunta. Kailangan kasi pagpunta mo doon, presentable. Alangan naman dumating ako doon na lutay-lutay tapos titirahin naman ako na, 'Bakit gano'n ang itsura ni Gov?' E, alangan namang sasabihin ko pa na... Ay naku, huwag na lang. I will just acknowledge and thank them sa TV."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN