Sexbomb Dancers hold dance-reality contest to find latest member

What does it take to be a Sexbomb Dancer? Guts, determination, and love for entertainment, say (from left) Sunshine Garcia, Aira Bermudez, and Mia Pangyarihan, three of the remaining members of the popular girl group. The Danz Showdown contestants strut their stuff starting Monday, July 5, on Channel 7.


Ngayong Monday, July 5, ang simula ng bagong show ng Sexbomb Dancers na Danz Showdown: The Search For The Next Sexbomb Dancer. Mapapanood ito ng 10 a.m. mula Lunes hanggang Biyernes. Ito ang naging kapalit ng namaalam nilang show na Daisy Siete na tumakbo ng pitong taon sa GMA Dramarama sa Hapon.

Isa sa uupong judges sa Danz Showdown ay ang leader ng Sexbomb na si Rochelle Pangilinan. May kanya-kanyang segment naman sina Aira Bermudez, Mia Pangyarihan at Sunshine Garcia. Ang tatayong hosts ay sina Mark Herras at Izzy Trazona.

Pare-pareho ang payo ng mga Sexbomb Dancers sa mga papalaring makasama sa kanilang dance-reality competition. Kailangan ng lakas ng loob, determinasyon at pagmamahal sa pinasok na trabaho. Kapag meron raw ganyang formula ang kanilang mga contestants, magiging mahigpit ang labanan para sa itatanghal na sole winner ng kanilang dance contest.

Nanghihinayang lang ang nakapanayam naming tatlong Sexbomb girls na sina Aira, Mia, at Sunshine na hindi na nag-renew ng kanilang mga kontrata ang iba nilang kagrupo. Mas maganda raw sana kung buo pa rin sila na magkakasama sa Danz Showdown.

Ani Aira, "Ako kasi, importante sa akin yung kasundo ko na lahat ng mga nakakatrabaho ko. Madalas kasi na ako ang nagiging choreographer nila sa mga shows. So kapag nakikita ko na wala na pala sila Jopay [Paguia], Aifha [Medina], Evette [Pabalan] at yung iba, parang malungkot kasi kulang na, e. Nakasanayan ko na kasing makita sila parati sa rehearsals namin.

"Kung may iba silang gustong gawin, maganda rin naman iyon. Ayokong isipin na nagsawa na sila sa grupo. Baka may ibang opportunities lang sila na gustong gawin and ito ang tamang panahon na gawin nila iyon."

DOOR'S OPEN FOR PAST MEMBERS. Naging malapit si Sunshine sa mga umalis na miyembro. Nalaman na lang daw niya na aalis na sila nang mapanood niya sa isang TV show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noong una, akala ko si Jopay lang. Hindi ko ini-expect na may iba pa pala. Kaya nagulat ako kasi malapit sa akin ang mga umalis. Ilang season ng Daisy Siete ang mga pinagsamahan namin. May mga good times at may mga bad times kaming mga pinagdaanan, kaya nga tumibay kami at tumagal kami dahil sama-sama kami.

"Pero siguro nga, may iba na silang mga plano sa buhay nila. Nandito naman kami para suportahan sila. 'Tsaka, welcome naman silang bumalik sa grupo. Maganda naman ang naging pamamaalam nila kay Ate Joy [Cancio] kaya walang problema kung gusto nilang bumalik."

Isa nga si Mia sa mga madalas na nakakabanggaan ng kanilang manager na si Joy. Pero nananatili pa rin siyang loyal sa Sexbomb dahil malaki nga ang utang na loob niya sa grupo.

"Kami naman ni Lola Joy, may mga hindi kami napagkakasunduan. Pero hindi naman madalas, paminsan-minsan lang. Nauuwi minsan sa sigawan, pero hindi naman parati!" sabay tawa ni Mia.

"Pero madali naman kaming magkaayos ni Lola. Siyempre, magsu-sorry ako tapos pangangaralan ako. Okey lang kasi nakikinig naman ako kay Lola talaga. May pagkamakulit lang ako talaga.

"But [in spite] of it all, nandito pa rin ako sa Sexbomb. Malaki ang naging tulong sa buhay ko ang pagkakasali ko sa grupo. At sinabi ko nga kay Lola na hanggang sa dulo, magkakasama kami. Ganyan ko kamahal ang pinagsamahan namin.

"Para doon naman sa mga umalis, naiintindihan namin sila. May kanya-kanya tayong mga diskarte sa buhay at may times na gusto nating subukan ang mga ganyan. Taking the risk kumbaga.

"Hindi kami galit sa kanila. Alam nila na nandito pa rin kami kung kailangan nila ng tulong. Mami-miss namin sila Jopay, Aifha, at Evette. Hindi biro ang mga pinagsamahan namin at kung anuman ang pasukin nila ngayon, good luck sa kanila.

"Isa lang naman ang gusto ni Lola na hindi nila kalimutan, iyon ay ang parati silang magdasal at huwag kalimutan ang Panginoon sa araw-araw na gawain nila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN