Jennylyn Mercado says she saw the sincerity of Patrick Garcia to see their son

"Siguro dumarating talaga sa point na parang nakakapagod na may mga kaaway, may katampuhan, may kasamaan ng loob. Para sa akin, sige na, para matapos na ito. Para okey na lahat, para masaya na lahat pati ako. Para na rin kay AJ. Ginagawa ko naman ito para kay AJ, hindi para sa sarili ko," says Jennylyn Mercado about her decision to reconcile with the father of her child. (Right photo shows Jennylyn in character as Rosario, which is also the title


Halos iisa ang comment ng mga press na dumalo sa launching cum contract signing ni Jennylyn Mercado para sa F/X o Fashion Exchange, isang direct selling company na sister company ng Sundance, sa opisina ng kanyang manager na si Becky Aguila kahapon, July 5. Pagkaganda-ganda at pagkakinis-kinis ng kutis ng young actress-singer.

Hindi rin nakaligtas sa press ang kaseksihan ni Jennylyn ngayon. Nang tanungin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung ano ang vital statistics niya, sinabi niyang 34-24-34 ang sukat ng kanyang katawan.

Halos malunod si Jennylyn sa mga papuring natanggap mula sa press dahil sa ganda at kakaiba niyang aura.

"Talaga? Talaga ba?" namumulang sambit niya. "Hindi naman. Ano lang, naaalagaan ko lang ngayon ang sarili ko, nakakapag-gym na ako. Tapos ngayon, nakakapag-diet ako. Medyo nakakapag-exercise kahit paano. Healthy rin ang mga kinakain. Hindi kasi ako puwedeng kumain ng mga fatty food dahil may preparation for the movie. Kailangan skinny ng konti."

Ang tinutukoy nitong pelikula ay ang Rosario, na entry sa 2010 Metro Manila Film Festival. Base sa buhay ng ina ng business tycoon na si Manny V. Pangilinan ang pelikula na nakatakdang simulan ang shooting sa Huwebes, July 8.

"Kaya nga excited kaming lahat na simulan ang movie dahil maganda yung theme no'n," sabi ni Jennylyn.

Ma-achieve kaya ni Jennylyn ang requirement sa pelikula na maging skinny siya?

"Yun nga ang problema ko ngayon, e, parang kulang pa ba?" natatawa niyang sabi. "Parang kailangan ko pa talagang paliitin pa ang sarili ko."

Sa mata ng mga taong nakapalibot kay Jennylyn, tama na raw ang pangangatawan ng aktres.

"Siyempre, nagwu-worry sila," banggit ng aktres. "Yung mommy ko nga, sabi niya, 'Anak, tama na yung kaka-diet mo baka kung ano na ang mangyari sa iyo.' Pero kasi ako naman, pag nagugutom ako, hindi ko naman ginugutom ang sarili ko, kumakain pa rin naman ako kahit paano. Yun lang, bawas lang talaga."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

RECONCILIATION WITH PATRICK. Hindi itinanggi ni Jennylyn na isa sa mga rason ng pagiging masaya niya ngayon ay ang pagkakabati nila ng dating boyfriend at ama ng kanyang anak na si Patrick Garcia.

Matatandaang sumipot si Jennylyn sa birthday party ng anak ni Cheska Garcia, kapatid ni Patrick, kasama ang kanilang anak na si Alex Jazz. Ito ang unang pagkakataong nagkita ang young actor at ang anak nito kay Jennylyn.

"Oo naman," sambit ni Jennylyn. "Pag masaya naman yung nasa paligid mo, masaya na lahat ang nangyayari sa buhay mo. Lalabas naman sa aura mo, e, di ba, yung parang positive?"

Gaano katagal pinag-isipan ni Jennylyn ang desisyong ipakita kay Patrick ang kanilang anak?

"Ang tagal! Ilang taon din. Pero finally, okey na lahat, wala nang problema," nakangiti niyang sabi.

Aminado si Jen na si Cheska ang isa sa nakapagkumbinsi sa kanya na makipag-ayos na kay Patrick. Pero tumanggi siyang sabihin kung ano ang naging laman ng kanilang pag-uusap ng ate ni Patrick.

"Ayoko nang idetalye. Basta nagka-communicate na kami. Tapos, yun," maikli niyang sabi.

Matagal na ba silang may communication ni Cheska?

"Not really. Ito lang, mga past few months," sagot ni Jennylyn.

Naging malaking sorpresa para sa marami ang pagpapakita ni Jennylyn ng kanilang anak kay Patrick kaya marami talaga ang nagulat sa naging desisyon niyang ito.

"Siguro dumarating talaga sa point na parang nakakapagod na may mga kaaway, may katampuhan, may kasamaan ng loob. Para sa akin, sige na, para matapos na ito. Para okey na lahat, para masaya na lahat pati ako. Para na rin kay AJ. Ginagawa ko naman ito para kay AJ, hindi para sa sarili ko," paliwanag niya.

Wala pa rin daw kamuwang-muwang si AJ sa mga nagaganap sa paligid niya kaya hindi pa ito naghahanap.

"Sa ngayon, hindi pa naman talaga. Hindi pa naman nagsasalita yung anak ko. One year and 10 months pa lang siya. May mga iilang words na two syllables na sinasabi niya, 'Mommy, dede, yaya' lang. Pero hindi pa siya nagtatanong, wala pa siya kung anuman," saad ni Jen.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin naging madali para kay Jen ang pakikipagharap muli sa pamilya ni Patrick. Sa katunayan, kinakabahan daw siya habang bumibiyahe patungong birthday party.

"Kinakabahan din ako siyempre. Kasi after a long time, doon lang uli kami magkikita-kita. Hindi ko ma-explain yung feelings, e, mixed emotions," lahad niya.

PATRICK'S MOM. Nagsalita na rin ang ina ni Patrick na si Mrs. Bing Garcia tungkol sa pag-aayos ng kanilang pamilya at ni Jennylyn. Sinabi nitong na-excite din siya noong makita niya ang kanyang apo. Nasabi rin nito sa interview sa Showbiz Central na sorpresa ang pagdating ni Jennylyn sa party kasama ang anak nito. Hindi kasi sila sigurado kung sisipot ito, pero nang finally ay dumating aktres kasama si AJ ay natuwa raw silang lahat. (CLICK HERE to read related story.)

Ano ang masasabi ni Jennylyn dito?

"Lahat naman, kitang-kita mo naman... Yun nga, mapi-feel mo naman yung appreciation at yung sincerity. Makikita mo sa kanila na masaya sila," pagsang-ayon niya.

Payag din si Jennylyn na mahiram ng pamilya ni Patrick si AJ at ang plano ni Mrs. Garcia na turuan ang apo.

"Mapag-uusapan naman 'yan," sabi niya. "Napag-usapan na namin 'yan. Wala nang problema. Masaya nang lahat, wala nang kailangang intindihin."

Ayaw na rin daw alalahanin ni Jennylyn ang gusot na nangyari sa kanilang dalawa ni Patrick at kung paano naging malaking bahagi sa away nila ang mga naging pahayag ng ina ng aktor.

"Ayaw ko nang ibalik yun. Hindi maganda, e," sabi niya.

Kailan niya napatawad ang ina ni Patrick?

"Basta, iba kasi ang pakiramdam pag ina ka na. Yun ang pinaka...yun ang dahilan kung bakit kakalimutan na lang yung problema. Basta, masaya. Wala na akong kahit na anong nakatago sa dibdib. Ang hihilingin ko na lang, kung anuman yung meron sa amin, yun na yun, personal na namin," saad ni Jennylyn.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natuwa raw ang ina ni Patrick sa naging comment ni Jennylyn na itinuturing din nitong pamangkin si Kendra, na anak ni Cheska at ng mister niyang si Doug Kramer. Ano ang masasabi ni Jennylyn dito?

"Pamangkin ko naman talaga si Kendra, e. Naku, ang cute-cute naman talaga no'ng bata, sobrang adorable!"

THE SETUP. Hindi pa raw makapagdesisyon si Jennylyn kung paano ang magiging set-up nila ni Patrick sa kanilang anak dahil wala pa raw ang dating karelasyon.

"Wala pa kasi siya, e. Wala pa siya. Pero by that time na makabalik siya, makakapag-usap na kami," paniniguro niya.

Diin pa ni Jennylyn, wala ring problema kahit dumalaw si Patrick sa bahay niya at ang pamilya nito para bisitahin si AJ.

"Wala namang problema kung gusto nila. Okey lang naman sa akin," aniya.

Positibo rin ang naging pagtanggap ni Jennylyn sa pahayag ng pamilya ni Patrick tungkol sa pagnanais nilang makilala ng anak nito ang kanyang mga pinsan sa side ng aktor.

"Masaya, kasi masarap yung pakiramdam na masaya sila. Kasi nasa akin si AJ, di ba? Masarap yung pakiramdam na nakakapagsaya rin ako ng tao."

Ayon pa kay Jennylyn, naging maganda ang naging resulta ng reconciliation nila ng pamilya ni Patrick.

"Na-realize ko na ito ang tamang time. Lahat nasa right time, nasa right place. Nasa right situation. Ito ang tamang panahon para ayusin ang lahat," sabi niya.

Hindi niya ito plinano?

"Wala, hindi. Ayokong nagpaplano kasi, e. Kasi wala naman sa akin ang desisyon, e. Kung gusto nilang makita [si AJ], ipinakita ko, di ba?"

Nakita rin daw ni Jennylyn ang sinseridad ni Patrick na makita ang kanilang anak kaya nagdesisyon na siyang ipakita ang bata.

"Oo naman, nakita ko naman yun. Kung gusto naman nilang makita yung bata, nasa kanila naman yun."

Isa rin ang rumored boyfriend ngayon ni Jennylyn na si Dennis Trillo sa dahilan kung bakit lumambot ang puso ng aktres kay Patrick at sa pamilya nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo naman," sambit ni Jennylyn. "Nakapag-usap kami about it. Gano'n lang. Dennis is a good friend and very positive kasi yung taong yun. Malaki yung nahihingian ko siya ng advice. Kasi based on his experience, yun."

Si Dennis ay may anak na rin sa dati nitong girlfriend na si Carlene Aguilar. May panahon ding hindi magkasundo sina Dennis at Carlene pero naayos din nila ang kanilang gusot.

Naloloka lang si Jennylyn dahil sa kabila ng maayos na pagbabati nila ng pamilya ni Patrick ay may nga intrigang lumalabas na nasaktan daw siya dahil sinabi ni Cheska na hindi darating ang dating kasintahan sa nasabing party.

"Huwag namang... Basta, masaya na kami. Yung both sides, masaya na. So, sana huwag na nilang gawan ng isyu. Kung may lalabas na isyu, basta ayoko nang pansinin at sana sila, huwag silang maniwala kung anong negative issues ang lalabas. Basta kami, yung pamilya namin at yung pamilya nila, masaya nang lahat, okey nang lahat," masaya niyang sabi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN