Rufa Mae Quinto on the identity of Mr. M: "Hindi si Mikey. Hindi rin yung tatay niya."

"Lalabas naman siya kung kailan gusto namin. Hindi dahil gusto ng iba. Or if ever kaka-come out kami, ang pangit na sasagutin niya ang tanong tungkol sa ibang lalake, ang pangit!" says Rufa Mae Quinto about her mystery boyfriend.


Bago nai-report ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang pag-iyak ni Rufa Mae Quinto sa presscon ng Kaya ng Powers kahapon, July 20, naikuwento na ng sexy comedienne sa iba pang press na napaiyak na siya noong una dahil sa tanong sa kanya tungkol sa misteryosong si "Mr. M." Meron kasing naisulat sa isang tabloid kamakailan na "tinuhog" daw ni Rufa Mae ang mag-amang Mike at Mikey Arroyo, na sinasabing si "Mr. M."

"Naiyak ako noong tinatanong nila ako tungkol nga do'n—Mr. M. E, wala...ewan ko... I wish, I wish, di ba, nandoon na kaming dalawa to answer? O, may kasama rin akong nagsasalita, or at the same time, wala... Sana huwag nilang gawing comedy rin ang lovelife ko.

"Siyempre, minsan naiiyak ka rin lalo na kung hindi maganda ang nakasulat. Ikaw kaya, biruin mo, tungkol sa tatay-tatay, tuhog-tuhog! Doon pala ako naiyak! Naalala ko! Ano ako, barbecue? Noong una, okey lang, comedy, e. Bandang huli... E, yun siguro, may day na sensitive ka, tapos biglang sasabihin sa 'yo yun. Di ba, nakakaano?" paliwanag ni Rufa Mae.

Ilang beses nang pinandigan ni Rufa Mae na may kasalan talagang magaganap sa kanila ng sinasabing si "Mr. M." Pero ang tanong: Kailan ba magaganap ang kasalang ito?

"Basta I'm engaged. Wala pang date," sagot ni Rufa Mae. "Ayoko rin magsabi na next year. But definitely, hindi ngayon. Gets n'yo? Wala pang plano. May plano na kasal, pero wala pang planong date kung kailan. Basta I'm engaged, yun lang."

WHO IS MR. M? Pero hindi ba siya naiinis kapag may mga nagdududa pa rin kung totoo ba ang sinasabi niya at tipong "imaginary fiancé" lang daw ang sinasabi niya dahil hindi naman niya ito maipakilala o maipakita sa publiko?

"Yun na nga...ayoko nang magsalita. Ewan ko ba, ayoko nang magsalita. Pero, salita naman ako nang salita!" natatawa rin niyang sabi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ba talaga ang problema at hindi niya mai-reveal kung sino ang pakakasalan niya?

"Low profile," mabilis na sagot ni Rufa Mae. "Ibang status siya, e, kaya naiintindihan ko. Kapag sinabi nilang low profile, low profile. Alam mo naman ang mga Noypi, may pamilya 'yan, may magulang, ayaw nila ng ganyan-ganyan."

May nagsasabi na baka may asawa na raw siguro ang sinasabi niyang boyfriend at may inaayos pa kaya hindi pa sila makapag-come out in the open. Ano ang masasabi niya rito?

"Alam mo, lahat naman, kahit naman si Manong Joey [Marquez], sinasabi na ganoon talaga kapag may edad na kayo, wala nang tinginan ng nakaraan."

Dugtong niya, "May inaayos pa kami. May ganoong anggulo. Hindi legalities, feelings... At saka, sinabi ko na, low profile raw kasi. Businessman na mayaman!"

Ano ang pakiramdam ng boyfriend niya na ang napaghihinalaang "Mr. M" ay si Mikey Arroyo?

"Alam n'yo, para masaya, kalimutan na muna natin si Mikey. Hindi kami ikakasal ni Mikey," sabi ni Rufa Mae.

So, hindi si Mikey si Mr. M?

"Hindi si Mikey. Hindi rin yung tatay niya," giit niya.

Nagkakausap ba sila ni Mikey tungkol sa isyu sa kanila?

"Nagkausap kami dati. Kailan pa yun, a week ago. Kasi yung tungkol sa name niya, lumabas-labas, di ba?"

Tumawag si Mikey sa kanya?

"Hindi ko na alam kung sino ang tumawag kanino... A, tumawag pala siya noong nag-happy birthday ako sa daddy niya. Pero, hindi... Ayoko na pala siyang pag-usapan. Alam mo yun, move on...move on naman. Baka hindi pa matuloy ang kasal ko dahil diyan. Nahihiya ako actually sa kanya, sa kanila, dahil okey naman noong umpisa. Pero, parang hindi na nawala ang names nila sa picture."

Kung makakasal siya, sa U.S. na ba siya maninirahan?

"Dito rin, e. Pero sa probinsiya. Malapit lang naman, sa Pampanga. Yun pa ang isa, papagawa muna kami ng bahay," sabi ni Rufa Mae.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NEW CODENAME. Ayaw ba ng boyfriend niya na once and for all ay magpakilala na para mawala na rin ang haka-haka kung sino ba talaga siya?

"Kalimutan n'yo na si Mr. M," sagot ng sexy comedienne. "Hey, Dyo! Yun na lang, as in, dyowa! Nahihiya siya, e. Hindi yata siya ganoong artistahin."

Biro namin kay Rufa Mae, pangit ba ang boyfriend niya kaya ayaw magpakita?

"O, tingnan n'yo, hayan na naman, kawawa naman si Dyo!" mabilis na sabi ni Rufa Mae, na may bagong codename sa kanyang mystery boyfriend. "Lalabas naman siya kung kailan gusto namin. Hindi dahil gusto ng iba. Or if ever kaka-come out kami, ang pangit na sasagutin niya ang tanong tungkol sa ibang lalake, ang pangit!"

Kung lalabas sila, yung tipong kasalan na?

"Hindi naman, mag-a-awards night muna kami!" sabi niya. "Hindi nga, yun ang gusto ko, gown-gownan. I'm tired of going to awards night nang walang partner. Yun ang plano ko."

Ano ba ang gusto nilang ma-achieve muna bago sila lumantad?

"Ang pagiging walang sabit," sagot ni Rufa Mae, na ikinatawa ng entertainment press na nag-i-interview sa kanya dahil tila inconsistent ito sa una niyang pahayag nang tanungin kung may asawa na ang kanyang boyfriend.

Paliwanag naman niya, "E, kasi, mahirap, maraming nai-involve na tao."

Ano ang ibig niyang sabihin sa "sabit"? May inaayos pang kasal?

"Hindi...may inaayos kami... Alam mo, I don't ask about other girl. The fact na na-engage kami, definitely wala naman ako dapat na isyu sa iba-iba," medyo magulong sagot ni Rufa Mae

When she means engaged, it means there's already a proposal, engagement ring?

"Yes, may ring ako, nilagay ko lang sa vault," sagot niya.

Sa huli, tinanong namin si Rufa Mae kung masaya ba siya ngayon?

"Masayang-masaya ako. It shows naman," aniya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN