Sharon Cuneta on why Gabby Concepcion is not a guest on her upcoming concert: "'Wag na, made-develop na naman sa akin yun!"

Sharon Cuneta says ex-hubby Gabby Concepcion is not a guest artist in her Megadrama concert at the Araneta Coliseum on August 7. However, she announced—in jest—that they will do a movie, as soon as she's slim enough for the movie screen. "Yung talagang payat na payat na ako, na parang ninenerbiyos siya araw-araw pag nakikita niya. Yun ang gusto kong maging feeling niya. Yung parang kitang-kita sa screen pag may eksena kami, 'Tingnan mo si


Come August 7, magbabalik sa concert scene ang Megastar na si Sharon Cuneta sa kanyang Araneta Coliseum concert dubbed Megadrama.

Sasamahan si Sharon sa concert niyang ito ng mga kaibigan niyang sina Kuh Ledesma, Zsa Zsa Padilla, Ogie Alcasid, Ai-Ai delas Alas, Pokwang, at may special appearance din ang Popstar Princess na si Sarah Geronimo.

Pero kahit na Megadrama ang title ng kanyang concert, hindi naman daw puro "kadramahan" ang mangyayari rito.

"Hindi lang ito basta concert na singing from beginning to end. Ito, singing na medyo yung drama, e, masaya," paliwanag ng magiliw na si Sharon sa press conference niya kaninang hapon, July 22, sa 41st floor function room ng Discovery Suites sa Pasig City.

Panay ang biro nito sa mga inabutang showbiz press people nang dumating siya sa presscon. "In fairness, maaga ako ngayon, ha, 1:30 [p.m.]."

Alas-dose kasi ang call time ng presscon, at nasanay na ang mga kaibigan niya sa press sa pagdating ni Sharon nang late sa presscon. Napapatawad naman siya ng mga ito dahil sa pagiging malambing at magiliw nga sa mga ito.

THE "DRAMA" IN SHARON'S LIFE. Puro OPM (Original Pinoy Music) ang repertoire sa concert niya. Karamihan ng mga kanta ay galing sa last CD niya from Sony Music Philippines na Musika at Pag-ibig.

Hindi naman lingid sa lahat ang pagiging makulay at madrama ng personal na buhay ni Sharon na kadikit na ng kanyang showbiz career dahil nga sa pagiging sikat niyang showbiz personality. Mula sa kanyang mga magagandang sandali at kabiguan sa pag-ibig at pati na rin sa pagiging matagumpay niyang singer, aktres, asawa, at ina ay ilalahad sa Megadrama na lalapatan niya ng mga awiting OPM na kinalakhan at naging bahagi na ng kanyang buhay.

Unang naging tanong tuloy kay Sharon sa presscon niya ay kumusta na nga ba ang "drama" ngayon sa buhay ng Megastar?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Napakasaya ko sa personal na buhay," sagot ni Sharon na taliwas naman sa tunay na kahulugan ng salitang drama.

Naglahad din siya ng mga balita tungkol naman sa kanyang showbiz career na pawang masaya rin at mabuti. "I had a meeting with my ABS-CBN bosses, and there will be some changes. Some major...and there will be some major additions to my career. Parang on every platform of ABS, I will be having a project. I'll announce that later on."

Ibinalita rin ni Sharon ang pagiging success ng kanyang sariling magazine na Sharon At Home na aniya'y siya mismo ang nag-e-edit.

"I really enjoy doing the magazine. I'm really hands-on. I edit it with my main editor. I like handwriting my reply to my letter writers. I'm very excited, and I even have the Christmas issue buo in my head right now, as we speak."

Mayroon din daw siyang ilo-launch na product line na pinangalan na niyang "Celebrations by Sharon for the Home" at marami pa raw iba pang sorpresa mula sa kanya sa mga darating na buwan at bago matapos ang taon.

"Billboards on August..." sabay turo ni Sharon sa poster ng kanyang concert. "September mag-uumpisa na yung mga surpresa. Tapos kailangan sa birthday ko, puwede na akong mag-bold star!" biro niya na ikinatawa ng mga naroroong press people.

Target daw kasi ng Megastar na magpapayat talaga at maganda raw na meron siyang target date at hindi lang yung basta na lang nagbabawas ng timbang. Nang sa gayon, obligado siya talagang gawin ang lahat ng paraan para muling numipis at masimulan na ang mga proyektong dapat sana'y noon pa niya ginawa kung slim lang siya.

WHERE'S GABBY? Pawang de-kalibre at may mga "kadramahan" ding pinagsamahan si Sharon sa kanyang mga guest sa darating niyang concert sa Agosto. Pero na-curious ang press kung bakit—since "kadramahan" na rin naman ang tema ng kanyang concert—wala bilang guest ang ex-husband niyang si Gabby Concepcion, gayong umaawit na rin naman ito at nagka-album pa nga: Gabby Concepcion (2009, Warner Music Philippines) at Unforgettable (2010, Warner Music Philippines).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala naman yata rito yun ngayon, e," sabi ng actress-singer sabay kumpirma sa kanyang assistants kung wala nga sa bansa si Gabo. "Nasa States na naman? Hindi naman ako uuwian ng pasalubong ng taong 'yan..."

Tawanan tuloy ang press sa narinig na biro ng Megastar tungkol sa kanyang dating asawa. Pero paano nga kung inimbitahan at umuwi para mag-guest sa kanyang concert?

"'Wag na, made-develop na naman sa akin yun!" birong sagot ni Sharon sa nagtanong na reporter na ikinaloka ng mga naroroon. "Ang sama ng tingin sa akin, e. Parang may pagsisisi. May crush pa rin sa 'kin hanggang ngayon. 'Wag na. Tahimik na ang buhay namin."

Kailan lang kasi ay nag-guest si Gabby sa self-titled Sunday show ni Sharon sa Dos para i-promote ang I'll Be There, kasama ang anak nilang si KC Concepcion. Parang naging venue ang Sharon sa "closure" o pagsasara at pagsasantabi na ng mga mapapait at masasamang saloobin nina Sharon at Gabby sa isa't isa mula nang maghiwalay bilang mag-asawa. Ngayon nga, hindi na gaya ng dati si Sharon na iniiwasang pag-usapan si Gabby. Nagagawa pa niyang gawan ito ng biro.

"Pero kami ang pinaka-cute na naging pamilya niya...ang kapal ng mukha ko!" sabay halakhak ni Sharon. "Parang hindi kayo nakakibo?

"Pati sa Senado, kami ang pinaka-cute na pamilya ng senador, yun lang ang gusto kong sabihin." Nang makitang tila kumokontra ang host ng presscon at scriptwriter ng concert na si Noel Ferrer, "Totoo naman yun. Mag-isip ka nga! Bukod kina Ate Vi [Vilma Santos-Recto's family], mag-isip ka!"

Tuluy-tuloy sa pagbibiro si Sharon at sinabing ganito ang maaasahang "drama" sa kanyang Megadrama concert. "E, di uuwi kayong masaya, walang problema. Hanggang pag-uwi n'yo, walang tubig. Pag naman nagkatubig, maraming malulunod, dahil baha. Ano ba 'yan?! Ano ba ang nangyari sa akin? May sapi ako ngayon?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tawanan lang nang tawanan ang press sa pagpapatawa ni Sharon, pero di pa rin nito sinasagot nang seryoso kung magkakaroon nga ba ng pagkakataon na magkakasama na talaga sila ni Gabby sa isang show.

"Why not? E, maggagawa rin kami ng movie," pahayag ni Sharon na sinundan na naman niya ng biro, "yung talagang payat na payat na ako, na parang ninenerbiyos siya araw-araw pag nakikita niya. Yun ang gusto kong maging feeling niya. Yung parang kitang-kita sa screen pag may eksena kami, 'Tingnan mo si Gabby, ba't nanginginig?' Gano'n. Ang ganda. Parang nanggigigil na walang magawa, pag nakakulong."

Tawa uli ang press sa mga pahayag ni Sharon. "Ewan ko ba. Hindi ko alam kung sinong sumapi sa akin today."

Kung may ihahandog naman daw na OPM song si Sharon para kay Gabby, ano naman kaya ito?

"Isipin mo naman, 'Pangarap na Bituin,' 'Bituing Walang Ningning,' 'Sana'y Wala Nang Wakas.' Lahat yun hindi bagay sa kanya." Napakamot ng ulo si Sharon, sabay sabi, "'Dear Heart!'"

Hindi rin tinanggap ni Sharon ang suggestion na puwede ring kanta kay Gabby ang "Dapat Ka Bang Mahalin?."

"'Wag na. Tapos na. Yun ang kanta ko sa kanya 10 years ago. Masaya na ako. Ang cute naming pamilya... Kaya lang sana, bago man lang kami nagkahiwalay... Ay, ano ba 'tong nangyayari sa 'kin?"

Tinawanan muli ng press ang huling sinabi ni Sharon. May nakapagsabi raw kasi sa kanya na dapat sana'y nakaapat man lang silang anak ni Gabby bago sila naghiwalay. "Oo, nga. Hindi ko kasi akalain. Ang ganda sana ng humanity, ng human race.

"Pero ang gaganda ng mga anak ko!" bawi ni Sharon. Pagmamalaki pa niya, "At kaya maganda si KC dahil ako ang nanay."

Halakhakan muli ang press sa patawa ni Sharon. "O, isipin n'yo, isipin n'yo. Isa-isahin mo!" hamon pa nito. "Lord, pasensiya na po kayo, gutom lang ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masaya ang lahat hanggang sa matapos ang presscon. Pangako ni Sharon sa lahat ng naroon, hindi lang magagandang OPM songs ang maaasahan sa Megadrama kundi masasayang moments din tulad ng nangyari nga sa presscon na 'yon.

CLICK HERE to watch a video clip of Sharon's interview.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN