Jackie Rice continues to pray for her parents' reconciliation

"Siguro kung may powers lang ako na maibalik ko ang dating samahan nila, ginawa ko na. Pero tulad nga ng sabi ko, bahala na si Lord sa pamilya namin. Ipagpapatuloy ko ang pagdarasal para mabuo ulit ang family namin," says Jackie Rice about her parents.


Kung gaano kasaya si Jackie Rice sa kanyang bumubonggang career sa GMA-7, siya namang tindi ng kalungkutan niya dahil sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang. Ang ama ni Jackie ay American at Pinay naman ang kanyang ina.

Inamin ni Jackie sa PEP (Philippine Entertainment Portal), sa press launch ng bagong GMA telefantasya na Ilumina last July 27, na kahit matagal nang naghiwalay ang kanyang magulang, nararamdaman pa rin niya ang matinding lungkot dahil nami-miss niyang magkasama ang mga ito.

Matagal na raw ipinagdarasal ni Jackie na muling magkaayos ang kanyang mga magulang para maging happy family sila ulit.

"Sino ba namang anak ang ayaw magkaayos ang parents nila, di ba?" sabi niya. "Lahat naman siguro, ayaw nilang magkahiwalay ang magulang nila. Matagal na kasi silang nagkanya-kanya ng buhay. Si Mommy ang nasa bahay namin sa Olongapo City. Si Daddy naman ang kasama ko dito sa Manila.

"Kapag may time ako, umuuwi ako sa Olongapo para bisitahin ang Mommy ko. May isang kapatid pa kasi ako na nandoon pa rin na kasama niya. Yung ibang kapatid ko, may mga pamilya na sila at may nagtatrabaho sa ibang bansa.

"Kapag uuwi naman ako, pinapakamusta naman ni Daddy si Mommy. Gano'n din naman si Mommy. Alam ko naman na deep inside, they still care for each other. Siguro darating din ang panahon na magkakaayos sila," asam ng young actress.

Sinubukan na raw nilang magkakapatid na maayos muli ang samahan ng kanilang mga magulang. Pero hindi raw sila nagtagumpay sa kanilang hangaring magkabalikan ang mga ito.

"Siguro nga, hindi pa napapanahon na magkaayos sila," sabi ni Jackie. "Si Lord lang siguro ang nakakaalam kung kailan. Kaya hindi naman ako naggi-give up sa pagdarasal na one day, maging okay na ulit sila. Yung maging sweet ulit sila sa isa't isa."

Hindi raw makapaniwala noon si Jackie na mauuwi sa hiwalayan ang pagsasama ng kanyang mga magulang. Iniyakan daw niya nang husto ang nangyaring 'yon sa pamilya nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Alam ko naman na hindi perfect ang family namin. Alam ko na may mga problema. Pero hindi ko naman inasahan na aabot sa gano'n ang sitwasyon nina Mommy at Daddy. Umiyak talaga ako kasi masakit para sa akin at sa iba kong kapatid. Sanay kasi kaming makita silang magkasama. Oo, may mga misunderstandings sila, pero naaayos naman nila agad 'yon.

"Siguro kung may powers lang ako na maibalik ko ang dating samahan nila, ginawa ko na. Pero tulad nga ng sabi ko, bahala na si Lord sa pamilya namin. Ipagpapatuloy ko ang pagdarasal para mabuo ulit ang family namin."

PASAWAY NO MORE. Kaya nga todo ang sipag ngayon ni Jackie sa kanyang career at nagpapasalamat siya sa magagandang breaks na ibinibigay sa kanya ng GMA-7. Ang dati ngang nabansagan na "pasaway" ay walang tigil ngayon sa pagtatrabaho.

"Yun naman ang goal ko since last year. Yung maayos ko na ulit ang sarili ko," sabi ni Jackie. "I realize kasi na marami akong pagkakataon na pinalampas. Maraming nagalit sa akin, maraming nanghinayang. Kaya noong mabigyan ako ulit ng chance, pinagbutihan ko na ang pagtrabaho.

"Nakita naman ng GMA-7 na serious na ako sa career ko, kaya heto sunud-sunod na ang mga trabaho ko. Nangako naman ako na priority ko ang work. Gusto ko na kasing yumaman!" Sabay tawa ang dalaga.

Nagkaroon ng TV comeback ang Starstruck 3 Ultimate Female Survivor sa GMA telefantasya na Dyesebel noong 2008. Ito ay matapos ang halos isang taon na wala siyang trabaho. Nasundan ito ng ilang shows tulad ng Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang, Kung Aagawin Mo ang Lahat sa Akin, Dear Friend Presents Tisay, Bubble Gang, at ang pinakahuli ay ang Darna.

At ngayon nga ay kasama siya sa cast ng Ilumina, kunsaan ginagampanan niya ang papel ni Krisanta. Magsisimula na itong mapanood sa Lunes, August 2.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN