Mr. Fu leaves Energy FM for a new radio station

"Ako naman, aaminin ko naman na money is one consideration. Hindi naman ako magpapakaplastik sa bagay na yun. Pero isa lang yun sa mga factors, may iba pang considerations," says Mr. Fu about his decision to leave Energy FM to transfer to a new radio station.


Unang lumabas dito sa PEP Alerts! ang tungkol sa gagawing pag-alis ni Mr. Fu sa 91.5 Energy FM para lumipat at maging Star DJ (disc jockey) ng isang bagong radio station na ilulunsad ngayong Agosto. (CLICK HERE to PEP Alerts! page.)

Dahil marami na ang nagtatanong sa kanya tungkol dito, kagabi, August 3, nagsalita na si Mr. Fu sa showbiz program ng Q-11 na Tweetbiz para kumpirmahin ang balita.

"Unang-una, nasa Energy FM pa po ako. Pero it's true that I'm leaving my radio show any time, I don't know kung ngayong linggo o next week. Pero definitely iiwan ko na po yung radio show ko sa Energy FM para po simulan ang isang bagong istasyon," pagsisiwalat ni Mr. Fu.

Bago pa naging isa sa main hosts ng Tweetbiz si Mr. Fu ay una siyang nakilala bilang DJ sa radio station na Energy FM, kung saan siya nag-stay for two and a half years. Dito nga pinasikat niya ang mga katagang "May ganun!"

Nakapagpaalam naman daw siya nang maayos sa Energy FM.

"Nakapag-usap naman po kami ng Energy FM at naintindihan naman nila yung mga rason ko. At ginagawa ko ito dahil gusto kong mas magpaligaya ng mas maraming tao, di ba? Very bold itong decision ko. This is a risk pero ganun naman talaga ang buhay, di ba?" pahayag ng radio and TV host.

Inihalintulad pa ni Mr. Fu ang kanyang desisyon sa pagsali sa isang beauty contest na ang main goal ay makuha ang korona.

"Lagi kong sinasabi sa desisyon natin sa buhay, parang beauty contest 'yan. Sumasali ka sa beauty contest para makuha yung korona, hindi para maging runner-up. Hindi ka sumasali sa beauty contest para for the sake na sumali pero dahil gusto mong manalo. So, sa desisyon ko sa buhay, naniniwala ako na panalo ako. Kung hindi man ako manalo, next. Ganun lang naman, e. It's the next principle."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang main reason daw ng kanyang paglipat ay gusto niyang maging "bolder" sa mga gagawin niya sa kanyang buhay at gusto niyang mag-evolve as a DJ.

"Kasi, ayokong dumating sa point na mawala yung flavor ko bilang Mr. Fu. So, gumagawa ako ng mga paraan para lalo pang mag-evolve yung character ni Mr. Fu," paliwanag niya.

HARD DECISION. Sa isang bahagi ng kanyang pagsasalita ay hindi naiwasang maging emosyonal ni Mr. Fu nang ipahayag niya kung gaano siya nahirapan sa pagdedesisyong iwan ang kanyang kasalukuyang radio show.

"Napakahirap na desisyon nito, promise. Eto ha, lagi kong sinasabi na when you're not happy, leave. But with this one, I am happy. But I just have to leave. But I am happy. I am happy with Energy FM. But I have to leave because of future plans sa buhay. Yun lang talaga," sabi ni Mr. Fu habang tumutulo ang kanyang luha.

Siyempre, hindi nakalimutang magpasalamat ni Mr. Fu sa Energy FM.

"I am very thankful sa Energy FM because doon ako nagsimula, doon ako nakilala. Maraming salamat sa Panga. I will always be Panga. Yun lang."

Para ma-break ang kanyang pag-iyak, nagpatawa na lang si Mr. Fu.

"Ayokong umiyak kasi baka offer-an ako ng soap opera. Hindi na po kaya ng schedule ko. Baka magkaroon pa kami ng kumpetisyon ni Maxene Magalona, ayoko! Ma'am Wilma [Galvante, GMA SVP for Entertainment TV], hindi pa po ako ready mag-soap opera!" biro ni Mr. Fu bilang pagtatapos sa kanyang revelation.

ADDITIONAL EXPLANATION. Pagkatapos ng episode na ito ay nagkaroon pa ng pagkakataon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na ma-interview si Mr. Fu para hingan siya dagdag na paliwanag. Kaagad ngang tinanong ng PEP kung bakit siya naging ganun kaemosyonal sa kanyang Tweetbiz revelation?

"Sabi ko nga, una akong nakilala sa Energy FM. Doon din ako talagang nagsimula. At sabi ko nga, happy naman ako sa Energy FM, it's just that kailangan ko lang maging lumevel up. Mahirap para sa akin na iwan yung nagbigay sa akin ng napakalaking opportunity. Pero kailangan kong gawin dahil may mga future plans ako na gusto kong gawin sa buhay ko. At naiintindihan naman ng Energy FM yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Maraming beses kaming nag-usap bago ako nagdesisyon. Umabot yata ng dalawang buwan ang pag-iisip ko. Ganun katagal. Pero nagpapasalamat ako sa Energy FM dahil naiintindihan nila ako. Maraming-maraming salamat sa kanila," saad niya.

Maihahalintulad niya nga raw ang pag-alis niyang ito sa pakikipaghiwalay sa isang karelasyon o minamahal.

"Korek!" bulalas niya. "Para akong nakipag-break sa dyowa na nakarelasyon ko nang matagal na panahon. Although magti-three years pa lang ako sa Energy FM. Pero sobra kasi yung naging suporta nila sa akin. At saka sobra yung blessings na naibigay ng Energy sa akin. Kaya napakahirap. Pero siyempre nga, may mga bagay na kahit masaya tayo kailangan nating itigil dahil feeling natin, mayroon pang mas masayang bagay na mangyayari."

Hindi ba tinapatan ng Energy FM kung anuman ang alok sa kanya ng lilipatan niyang radio station?

"Siyempre, dumating sa puntong may dumating na counter-offer. E, ako naman, aaminin ko naman na money is one consideration. Hindi naman ako magpapakaplastik sa bagay na yun. Pero isa lang yun sa mga factors, may iba pang considerations. In all fairness sa Energy FM, inisip naman nila yung welfare ko. Inisip naman nila yung mga benepisyong gusto kong makuha. Pero siyempre, kailangang magdesisyon. Kailangang tingnan yung mga bagay-bagay sa iba't ibang aspeto."

NEW RADIO STATION. Hindi pa mai-reveal ni Mr. Fu ang pangalan ng bagong radio station na lilipatan niya dahil bawal pa raw.

"Baka kasi ma-preempt kung anuman yung gagawin nila like yung launching this August, ganun. Ang masasabi ko na lang, mula sa 91.5 Energy FM, medyo lalayo ka ng pagpihit. Aakyat ka pataas o pipihit ka pakanan. It will still be a masa station na kaliga ng Energy FM. Bagong radio station siya at hindi nag-e-exist na pangalan. Bahagi siya ng group of radio stations," banggit niya.

Maraming radio stations na nagke-claim na sila ang number one, pero bakit sa isang bagong radio station siya lilipat na wala pang napu-prove?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nage-get ko yun na kung lilipat ako, dapat sa number one station," sabi ni Mr. Fu. "Pero kasi, mas natsa-challenge ako sa isang bagong istasyon kasi mas marami akong magagawa, mas fresh, bago at kami ang magsisimula. May ilang radio stations na rin ang nag-offer sa akin at gusto akong piratahin, pero walang impact sa akin. Kahit kinakausap ako, nagiging polite lang ako pero hindi ko feel. Pero itong huling ito, yung bagong station, sabi ko, aba, may something, parang may future. Napangiti ako. But, of course, pinag-isipan ko at marami akong kinonsulta."

Sa desisyon niya raw na ito ay malaking suporta ang ibinigay sa kanya ng kanyang manager na si Noel Ferrer, same manager ni Ryan Agoncillo.

"Siyempre, isa siya sa mga unang tinanong ko. Kinonsulta ko talaga siya. Though ang usapan namin ni Noel, pagdating sa radyo, akin yun. I mean, desisyon ko yun. Ako yung nakikipag-usap kasi yun talaga ang main kong trabaho. Si Noel sa TV ko at saka sa iba pang mga projects. Pero kinausap ko pa rin siya, tinanong ko rin siya. Siyempre suportado ni Noel yung desisyon ko na lumipat. Pero binigyan niya rin ako ng time na mag-isip," sabi ni Mr. Fu

SECOND HIGHEST PAID DJ. Ano naman ang masasabi niya sa isyung siya na raw ang second highest paid DJ sa bansa after DJ Mo Twister?

"May ganun?" bulalas niya. "Ang alam ko talaga, ang pinakamalaking bayad bilang DJ ay si Mo Twister. Yung pangalawa, hindi ko alam. Kasi wala naman yun basehan. Wala namang maglalabas ng record ng suweldo na magsasabi ng ganun. Ayoko namang i-claim o manggaling sa akin na ako nga yung second highest paid.

"Pero kung totoo man yun, siyempre, flattered ako kasi lumalabas daw sa mga survey ng advertisers na pagdating sa high-end, si Mo yun, sa masa ako. So, natutuwa ako na may ganun. Kung sa tingin nila ako yung second place, bongga! Basta ako, happy naman ako sa natatanggap ko ngayon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano niya hina-handle yung kasikatan niya ngayon na siya na ang hinahabol?

"Hindi ko siya nilalagay sa utak ko. Basta objective ko siyang hinaharap. So, pag may mga taong nagsasabing natutuwa sila sa akin o nabibigyan ako ng opportunity, as much as possible, objective lang ako. Nagpapasalamat lang ako. I say thank you every day, every moment of my life. Kasi hindi rin naging madali para sa akin ang lahat ng ito. Dumating din ako sa point na nare-reject ako, naliligwak ako. Pero ito na yung tamang panahon na ibinigay ni Lord para magawa ko yung gusto kong gawin, which is magpasaya ng maraming tao."

Ano ang message niya sa avid listeners niya?

"Siyempre, hindi naman ako magpapakaipokrito na hindi ko sila iimbitahin na makinig sa akin, di ba? Pero choice naman nila yun. Basta ako, pagbubutihan ko. Iimbitahan ko sila na bigyan ulit ng chance yung bagong radio show ko. Nasa kanila yun. Kung hindi nila ako susuportahan, okay lang naman. Kung susuportahan nila ako, siyempre bonggang-bonggang okay. Positive naman ako na magugustuhan nila. Abangan nila ngayong buwan na ito."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN