PEP EXCLUSIVE: Liezl Sicangco wants son back, says Robin has no time for the kid

Liezl Sicangco, the mother of Robin Padilla's four children, tells the action star that if he can't find time for their son, she will take him back. "Willing akong kumuha ng lawyer para sa custody ni Ali, kasi hindi normal ang buhay na binibigay sa kanya ni Robin diyan," she tells PEP.


Kahapon, Agosto 11, pasado alas tres ng hapon, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) via long distance si Liezl Sicangco, na naka-base ngayon sa Gold Coast sa Australia.

Si Liezl ay ang naging kabiyak ni action star Robin Padilla sa loob ng 20 taon. Ang pagsasama nilang iyon ay nagbunga ng apat na anak—sina Rose Elizabeth (Queenie), 18; Kylie Nicole (Kylie), 17; Sherileen Zel (Zhen-Zhen), 16; at Robinhood Fernando (Ali), 10.

Sinikap ng PEP na muling makuha ang panig ni Liezl sa biglaang pagkakasangkot ng pangalan niya sa kontrobersyang dulot ng magandang pagtitinginan ngayon nina Robin at Mariel Rodriguez.

Ang pinag-ugatan ng lahat ay ang pagpapa-interview ni Liezl sa reporter na si Joey Sarmiento hinggil sa bagong romansa sa buhay ni Robin. Sa interview, nakapagbitiw si Liezl ng ilang maaanghang na salita laban sa ama ng kanyang mga anak.

Inilabas ni Sarmiento ang kanyang report noong August 8 sa Aksyon Weekend, isang pang-gabing news program ng istasyong TV5. Ang nasabing report ay nailathala rin dito sa PEP kahapon. (CLICK HERE to read related story.)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang direktang tumawag ang PEP kay Liezl kahapon, sinabi naming marami pa kaming nais malinawan sa isyu kaya namin siya hinagilap. Iyon ay kanya namang ikinatuwa.

"Oo, kasi, wala na akong koneksyon diyan..." bungad niya sa PEP. "Hindi ko alam sino kakausapin. Buti tinawagan mo ako. 'Yon kasing interview sa akin [ni Joey Sarmiento], putol-putol...hindi naman nilabas lahat."

DI GALIT KAY MARIEL. Ang unang gustong linawin ni Liezl ay ang tungkol kay Mariel. Baka raw ma-misinterpret ng mga tao ang mga sinabi niya at akalaing galit siya o di kaya'y insecure sa TV host na tahasang nililigawan ni Robin sa telebisyon.

Paliwanag ni Liezl: "After kasi ng interview ko, may mga anonymous na nagte-text sa akin, na kesyo bitter daw ako, naghahabol....masaya na raw sina Robin at Mariel...Sabi pa nga, magpapa-interview lang din daw ako, sa hindi pa sikat.

"Ako, walang kaso sa akin kung sila. Noon ko pa alam na sila. Hindi ako galit kay Mariel. Kaya ko siyang kausapin any time.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"The problem is between me and Robin. Nagkataon lang talaga na nakapag-air ako ng side ko, habang pinag-uusapan sila ni Mariel diyan. Kaya ang dating siguro diyan, bitter daw ako.

"God knows, hindi ako bitter. Tahimik na ako dito at masaya—ang ikinalulungkot ko lang is wala dito si Ali."

Si Ali ay ang sampung-taong gulang na anak nila ni Robin na ipinanganak sa Australia, at naka-base ngayon sa Pilipinas. Nakatira ang bata kasama ni Robin sa bahay nito sa Fairview, Quezon City.

Si Ali at ang kalagayan nito ngayon ang puno't dulo raw ng mga hinaing ni Liezl.

"Okay naman kami ni Robin," paunang paliwanag ni Liezl. "Nag-uusap kami lagi niyan sa phone tungkol sa mga bata. Ako pa ang nagsabi sa kanya noon na, 'Mag-asawa ka na para may mag-alaga sa 'yo.' Sabi niya noon, hindi na raw siya mag-aasawa para maka-focus siya kay Ali. Until nga lately..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Liezl, nasasaktan siya sa tuwing tatawagan niya ang anak na si Ali at umiiyak ito sa kabilang linya.

"Kasi minsan daw, may one week silang di nagkikita mag-ama," himutok ni Liezl. "Ang dahilan daw e, nagkasakit daw siya kaya hindi niya puwedeng puntahan si Ali... madalang na sila mag-bonding. So, tine-text ko si Robin na ibalik na lang niya sa akin si Ali, tutal busy naman siya. Hindi ako sinasagot... Ayoko lang namang nalulungkot ang anak ko."

Muli ay iginiit ni Liezl na hindi niya idinidiin si Mariel sa isyu nila ni Robin. "Walang problema kay Mariel."

ANG MGA ANAK. Tinanong namin si Liezl kung bakit nga naririto sa Pilipinas ang mga anak nila, maliban kay Zhen-Zhen na pangalawa sa bunso.

"Si Queenie kasi, 18 years old na," paliwanag ni Liezl. "Nag-decide siya na gusto niya talagang mag-artista. Pati din si Kylie. Mas gusto na raw nila diyan sa Pilipinas. Si Zhen lang ang nasa akin ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noong umuwi kami diyan [November] last year, nag-decide din si Ali na diyan muna siya sa papa niya. Na okey lang naman sa akin kasi tatay niya 'yon, saka para makapag-bonding sila.

"That time nga 'yong sinabi ni Robin na hindi na siya mag-aasawa para maka-focus siya kay Ali...So, hinayaan ko lang si Ali diyan. E, si Robin mabait naman 'yan. Kaya nga lang, lately busy siya, hindi siya halos nakikita ni Ali.

"Si Queenie kasi has her own place na, sa condo. Tapos, before, nag-rent ng condo si Robin sa Eastwood, kasama niya si Kylie saka si Ali. Pero bumalik na din sila sa Fairview ulit."

Matagal na niya umanong gustong bawiin si Ali at ibalik sa Australia. Ngunit pabago-bago raw ang isip ng bata, at naniniwala si Liezl na may kinalaman si Robin sa pagbago-bago ng desisyon ng bata.

HEALTH, MIND, EDUCATION. "Matagal ko na siyang gustong kunin talaga," pagpapatuloy ni Liezl. "Four months ago, nagkasakit 'yan, e. Naoperahan, apendicitis. Kasi si Ali, hindi nagsasabi na masakit na pala tiyan niya. Kasi ang turo sa kanya ng papa niya, 'Bawal umiyak, you have to be strong, you have to feel the pain.' Tama ba 'yon?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin daw niya ikinatutuwa ang mga nailalagay sa murang isip ni Ali tungkol sa pag-aasawa.

"Si Ali kasi mismo ang nagkuwento sa akin na, 'Papa said I can have four wives when I grow up...' Ten years old, sinasabihan nang ganoon!"

Sa relihiyon at kulturang Muslim, katanggap-tanggap ang pagkakaroon ng apat na asawa ng isang lalaki.

"So, three weeks ago, mga ganoon, nandiyan ako, e [sa Pilipinas]. Kakabalik ko lang dito, e. Nasa akin si Ali noon. Alam ko nang sila na ni Mariel noon, which is okay lang kasi nasa akin si Ali noon. Puwera lang pag umuuwi ako ng Pampanga. Hindi ko siya kasama.

"Kausap ko si Ali, gusto na niyang bamalik dito...tapos, tinawagan yata siya ni Robin, pinagalitan, 'You're such a cry baby, Ali.'

"Tapos, kagabi [August 10]. Kausap ko si Ali sa phone, sa akin naman galit na galit ang anak ko. Sabi niya sa akin, bakit daw ako nagpa-interview? Sabi, 'You don't have to do that.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi sinasabihan nga siya ng papa niya na 'wag siyang iyak nang iyak. Di dapat siya maging lonely. Sabi pa sa akin ng anak ko, 'You have to say sorry [to Papa]."

Pero ang higit daw niyang ikinagagalit kay Robin ay ang diumano'y maluwag na pagpapaubaya ni Robin sa hindi pagpasok ni Ali sa eskwelahan.

"Actually, ang nag-ano talaga ng galit ko, noong nag-[Pilipinas] Win na Win siya. Nakikita ko lagi sa YouTube ang anak ko na nasa TV—almost two weeks hindi nag-aaral ang bata!

"E, kung ako lang, ayoko namang mag-artista ang mga anak ko, magulo diyan [sa showbiz]...Gusto ko mag-aral sila. E, si Robin, nakikinig 'yan sa ten-year old. Pag sinabi ni Ali na 'I don't want to go to school,' sasabihin niyan, 'Then don't go!' Si 'enjoy life' 'yan, e.

"At kung pumapasok man, kawawa naman na pag-uwi niya ng bahay, nag-iisa. Hindi naman literal na nag-iisa, kasi inaalagaan naman siya ng pamangkin ni Robin. Ang ano lang is, wala ni isang parent na kasama. Kumbaga, nawala na nga ang ilaw ng tahanan, wala pang hagdan. E, dito, mababantayan ko siya...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, tine-text ko si Robin na ibalik na lang muna sa akin si Ali, tutal busy nga naman siya. Hindi ako sinasagot. Hanggang ngayon, wala."

GALIT SI ROBIN. Nagalit ba si Robin sa pagpapa-interview ni Liezl sa TV5?

"Siguro. Hindi niya nga ako kinakausap. Pero alam ko galit 'yon. Hindi niya sinasagot ang mga texts ko."

Dagdag niya, may mga masasamang texts na dumarating sa kaniya: "Basta may nagte-text sa akin nang kung anu-ano...feeling ko siya din 'yon."

Sa puntong ito, ayon kay Liezl, handa niyang ipaglaban sa korte ang kustodiya ng menor de edad na si Ali, sakaling magmatigas si Robin.

"Willing akong kumuha ng lawyer para sa custody ni Ali, kasi hindi normal ang buhay na binibigay sa kanya ni Robin diyan. Buti kung teenager na 'yon, sige. E, ten years old lang ang anak ko."

BAKIT BUMITAW SI LIEZL. Samantala, Nobyembre ng 2009 nang kumalat sa Pilipinas ang balitang separado na sina Robin at Liezl. Una itong nailathala ni Ricky Lo sa Philippine Star noong Nobyembre 6, 2009. Ito'y hindi naman ikinaila ni Robin, bagama't tumanggi itong magbigay ng anumang detalye tungkol sa kanilang paghihiwalay noon, at maging hanggang ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinikap ng PEP na hingan si Liezl ng ilang paglilinaw tungkol sa isyung ito, kabilang na ang isyu ng pagkakaroon niya ng bagong asawa.

Hindi naman naging madamot si Liezl sa kanyang pahayag.

"'Yong kasal namin ni Robin noon, dalawang beses 'yon, pero iisang araw lang pareho—'yong Muslim [wedding], saka civil. Iyon 'yong sa Muntinlupa ginawa, sa prison. I think that was 1995? July 5? Kinalimutan ko na kasi 'yon, e," natatawang sabi ni Liezl sa kanyang pagbabalik-tanaw.

"'Yong totoo, kinasal ako dito [Australia] last year [2009], sa isang Kiwi national, from New Zealand. Na-divorce kami ni Robin dito [Gold Coast, Australia], sa isang mosque dito, mga three years ago sa October. Three years na."

Tanggap na tanggap daw ng mga anak niya ang kanilang stepfather. Ang mga bata pa nga raw ang noon pa'y nagtutulak na sa kanyang mag-asawa na. "Sabi nila sa akin dati, 'Ma, why are you so martyr?'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aminado si Liezl na ang pagiging diumano'y womanizer pa rin ni Robin ang dahilan kung bakit finally ay bumitiw na siya.

"Tinatanong pa ba kung ano dahilan?" natatawang balik-tanong niya. "Alam n'yo na 'yon."

Wala kaming nabalitaan, pag-amin namin kay Liezl.

"Hindi kasi taga-showbiz..." ang sagot niya, patukoy sa naging huling girlfriend ni Robin.

Sa puntong ito, tila si Liezl pa ang nagulat sa pagkabigla namin. "Hindi lang isa...marami," dugtong niya. "'Yong huli, di ko na kaya."

Ipinaalala namin sa kanya na 20 taon na niyang kinaya.

"Tama na. Twenty years na akong back and forth sa hell," halakhak niya. "Gusto ko nang magpahinga."

Sinabi raw niya ang desisyon niya kay Robin noong bumisita ito sa Australia noong bandang 2008.

"Sabi ko, maghiwalay na kami. Pumayag naman siya. Sabi niya, 'Sige, puwede na.' Siya pa nga ang nag-ayos ng divorce papers namin dito, saka sa Marawi, sa Zamboanga."

HINDI PA SILA HIWALAY? Kaya naman laking gulat ni Liezl nang madiskubre noong Nobyembre 2009 na hindi pa pala tuluyang maayos ang divorce papers nila ni Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"November last year, umuwi kami diyan ng mga bata. Inayos ko ang mga papers ko kasi mag-a-apply na ako ng [Australian] citizenship," kuwento ni Liezl. "Pagpunta ko ng embassy, nagka-problema. 'Yong divorce papers namin, hindi pala naka-rehistro sa NSO [National Statistics Office] diyan. So, lumabas na I'm still married to Robin Padilla! Kailangan ko ng CENOMAR (Certificate of No Marriage Record)."

Ang CENOMAR, ayon sa website na WeddingsAtWork.com ay ito: "It is a certification issued by the National Statistics Office (NSO) stating that a person has not contracted marriage. A CENOMAR is not a requirement for marriage. It is only essential if you want to be certain that the civil status of the person you are marrying is still single and that he or she is unattached."

Napabungtung-hininga si Liezl sa puntong ito ng kanyang salaysay, dahil lumalabas na hindi pa rin maituturing na valid ang kanyang kasal sa New Zealander na katuwang niya ngayon sa buhay sa Australia.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"May binigay sa akin si Robin noon na papales, kasi inasikaso na raw niya sa Marawi, sa Zamboanga, 'yong divorce namin. 'Yon pala, hindi valid 'yon [divorce papers]! Kailangan ko talaga ng CENOMAR."

Pero umaasa siya, "Sabi naman ni Robin sa akin dati, inaasikaso naman na daw niya. Hopefully, in five months, makuha ko na."

Once mapasakamay ito ni Liezl ay agad raw siyang magpa-file ng Australian citizenship—kasama ang anak na si Zhen na mas piniling manirahan sa Australia, at si Ali na bagama't doon ipinanganak ay nananatiling Filipino citizen.

"Iba kasi sa Australia, di gaya sa Amerika," sabi pa ni Liezl. "Sina Queenie at Kylie, nag-decide na sila na diyan, e."

ROBIN LOVES MARIEL. Sa kabilang banda, si Robin naman ay kasalukuyang pinuputakti ngayon dala na rin ng kanyang very public announcement of love sa ABS-CBN star na si Mariel Rodriguez.

Matatandaang noong August 8, sa birthday celebration ni Mariel sa sariling programang Entertainment Live, lantarang ipinahayag ni Robin ang kanyang hangad na pakasalan ang TV host.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Habang ipinapakita sa publiko ang regalong diamond ring kay Mariel ay binibitiwan ni Robin ang mga katagang ito:

"Umaapaw ang pag-ibig sa puso ko...napaka-espesyal mo...'Yong sinasabing kasal, hindi namin ho itatago 'yon, at 'yon ay kung papayag kang pakasalan ako...ako, hindi ako nagsinungaling sa'yo...totoo, sagutin mo ako; hindi, itago mo 'yang singsing. Anuman ang mangyari, itago mo 'yan, sa 'yo 'yan. Ako hindi ako nagsinungaling sa 'yo, Mariel, mahal kita, okey?"

Nagkapalagayan ng loob ang dalawa nang magkasama sila nang dalawang linggo sa programang Wowowee, kung saan regular co-host si Mariel, habang si Robin naman ay nagpinch-hit sa host ng show na si Willie Revillame.

Kasabay ng pag-ingay ng intrigang nagkakamabutihan ang dalawa ay ang pagputok din ng balitang pag-break nina Mariel at ng boyfriend nito of three years na si Zanjoe Marudo.

Bagama't itinanggi na ni Mariel na may third party sa kanilang paghihiwalay, tuluyan nang binitiwan ng media ang paghimay sa isyu, lalo pa't natabunan na ito ng nakakakilig na isyu ng pagiging malapit nila ni Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bagama't hindi pa umaamin si Mariel kung sinagot na niya si Robin, tinanggap naman ng dalaga ang regalo nitong P1.2M diamond ring, na duda ng marami ay siya nang engagement ring ni Robin sa kanya.

Sa panayam ng PEP kay Liezl Sicangco, lumalabas na matagal na niyang alam na "sila" Robin at Mariel nga. Ang tawag nga niya kay Mariel ay "girlfriend ni Robin," na kung minsan daw ay "doon umuwi" sa bahay ng mga Padilla sa Fairview.

STATEMENT FROM ROBIN'S CAMP. Sa pamamagitan ng isang tawag sa telepono at mahabang text message, inisa-isa ng PEP managing editor na si Karen Pagsolingan ang mga hinaing ni Liezl sa manager ni Robin na si Betchay Vidanes. Sinabi ng PEP kay Betchay na hihintayin namin ang sagot ni Robin o ng tagapagsalita nito bago ilabas ang interbyu kay Liezl.

Bandang alas dos y medya ng hapon sa araw na ito, isang text ang natanggap ng PEP mula kay Vidanes. Nakasaad sa dulo na ito ay galing kay Romel Padilla, kapatid ni Robin. Ang kabuuan ng sagot ng kampo ni Robin Padilla:

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nirerespeto ni Robin at hinahangaan ang pagiging INA ni Liezl at nagpupugay sa malalim niyang pagmamahal at pagpapalaki sa kanilang mga anak...

"Ang pagsamo ni Robin sa kanya bilang isang magulang ay kanya ring namnamin ang kanyang pagiging AMA...

"Si ALI ay lalaki at sa kanyang edad ngayon na 10 taong gulang ay dapat na siyang magpakalalaki...

"At hindi nagkaroon at magkakaroon ng pagpapabaya sapagkat pamilya namin ang nakapaligid sa mga anak ni Robin at kailanman ay hindi sila lalayo at magpapabaya sapagkat ang puhunan nila'y buhay para sa buhay."


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN