Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang aktres na si Angelica Panganiban sa taping ng gag show ng ABS-CBN na Banana Split kagabi, August 19. Ikinuwento niya sa amin ang pagkikita at pag-uusap nila ni Gretchen Barretto, na nai-report na rito sa PEP kagabi rin. (CLICK HERE to read related story.)
Kuwento ni Angelica, nangyari ang pagkikita nila ni Gretchen kahapon ng madaling-araw sa set ng Magkaribal, ang primetime series na pinagsasamahan ni Gretchen at ng boyfriend ni Angelica na si Derek Ramsay.
"Kasi sabi sa akin ni Derek, on call siya sa Makati, e. Tapos yun, sabi ko, 'Sige daanan kita, baka puwede tayong mag-coffee-coffee muna.' Kasi nga, tatawagan daw siya 'pag kailangan na siya sa set. So, after naming mag-coffee, isinama niya ako sa taping nila. Tapos ayun, pagdating ko, pinapababa ako ni Derek sa kotse. Sabi niya, 'Tara na, nandito si Gretchen.' Sabi ko, 'Naku, nakakahiya, nakapambahay lang ako,' as in naka-shorts lang ako, t-shirt at tsinelas lang. Sabi niya [Derek], 'Sige na, ganyan-ganyan.' Tapos ayun, bumaba ako. Pagkita namin [ni Gretchen], ayun, nag-hug kami," paglalahad ni Angelica.
Ano ang unang namutawi sa bibig niya sa pagkikita nilang yun ni Gretchen?
"Sabi ko, 'Kamusta?' Sabi naman niya, 'Wow, my new friend!'" banggit ni Angelica.
Wala ba silang ibang pinag-usapan o pinagtsismisan?
"Wala naman," sagot niya. "Sabi lang niya, 'Dalaw ka palagi rito.' Sobrang warm naman siya sa akin. Tapos siya pa yung nagsabi na, 'Tara, piktyuran ninyo kami!'"
Start na ba ito ng pagkakaibigan nila ni Gretchen?
"Oo naman. Baka nga araw-araw na akong dumalaw sa taping nila!" natatawang biro ni Angelica.
Matatandaang nagsimula ang alitan sa pagitan nina Angelica at Gretchen nang magbitiw ng "playful remarks" si Gretchen tungkol sa leading man niya sa Magkaribal na si Direk. Tila hindi ito nagustuhan ni Angelica kaya nagpasaring siya kay Gretchen sa pamamagitan ng pagpo-post niya sa kanyang Twitter account. Pero nagkaayos din ang dalawa pagkatapos mag-apologize ni Angelica kay Gretchen sa The Buzz noong August 8, at maluwag naman itong tinanggap ng huli. (CLICK HERE to read related story.)
Malaking factor ba si Derek sa pagbabati nila ni Gretchen?
"Oo naman, siya naman palagi ang nagsasabi... Si Bea [Alonzo, co-star nina Gretchen at Derek sa Magkaribal], yung mga taga-Star Cinema, sila yung mga nagsasabi, 'Naku, mabait 'yang si Madam [Gretchen], ganyan-ganyan. Hindi lang kayo nagkakaintindihan.' Basta may mga tao lang talaga sa paligid namin na sinasabing mali ang pagkakakilala namin sa isa't isa.
"So, isa sa amin ang gagawa ng move. And siguro sa part ko, ako yung nakapagsabi nang hindi maganda about her. So, sa tingin ko, ako yung dapat gumawa ng move para magkaayos na kami," saad ni Angelica.
Papayag ba siyang mag-guest kung saka-sakali sa Magkaribal?
"Oo naman, walang problema," mabilis na sagot ni Angelica.
RUMORED RIFT WITH CLAUDINE. Kung nagkaayos na sina Angelica at Gretchen, kailan naman kaya sila magkakaayos ng nakababatang kapatid ni Gretchen na si Claudine Barretto? Balitang-balita kasi na may namumuong alitan ngayon kina Angelica at Claudine, bagamat hindi pa malinaw kung ano ang pinag-ugatan nito.
Sa hiwalay na panayam ng PEP kay Claudine ay hindi nito direktang sinagot kung may away ngang namamagitan sa kanila ni Angelica. (CLICK HERE to read related story.) Kaya tinanong din namin si Angelica kung may gap ba talaga sila ni Claudine.
"Bench ako, e, hindi Gap!" natatawang sagot ni Angelica, na ang tinutukoy ay ang clothing brand na ini-endorse niya. Pagkatapos nito ay umiwas na siya sa susunod pa sana naming tanong tungkol sa isyu nila ni Claudine.
