Star In A Million contestant MJ Ringor takes another crack at his singing career

"Dumating na yung chance ko ulit. Siguro live life to the fullest bago ako tumanda. Ie-enjoy ko na po ito. Ayoko nang sayangin itong opportunity na ito, so go for gold," says MJ Ringor about being given a second chance in the music scene.


Handa na ang baguhang singer na si MJ Ringor sa kumpetisyon sa recording scene, kahit pa sa kanyang mga ka-batch sa Star In A Million Season 1 na sina Erik Santos at Christian Bautista, na parehong singing stars na ngayon.

"Opo, kaya ko na pong humarap sa kanila. Hindi naman po sa nakikipagkumpitensya ako sa kanila. I'm doing this for self-fulfillment.

"Siguro po kung may kumpetisyon man, it's going to be a friendly one. Actually, given the chance gusto ko po silang maging kaibigan. I'm sure marami akong matutunan sa mga pinagdaanan nila sa music industry," pahayag ni MJ.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si MJ sa presscon at launching niya bilang newest recording artist at concert performer na ginanap kagabi, September 8, sa Hai restobar sa Fort Bonifacio Global City sa Taguig.

Ayon kay MJ, pareho raw sila ng pinagdaanan ni Erik na pagkatapos manalo sa weekly finals ay natalo sa monthly finals ng Star In A Million, ang singing search ng ABS-CBN. Pero nabigyan sila ng pagkakataon na bumalik sa pamamagitan ng wildcard competition, na napanalunan ni Erik hanggang sa umabot ito ng grand finals at tanghaling champion.

Bakit hindi niya itinuloy ang pagiging singer noon?

"Siyempre po, it's but natural na ang mas mabibigyan ng atensiyon at opportunities, yung nanalo, si Erik. Pati yung grand finalists like si Sheryn Regis and then si Christian nga," sagot ni MJ.

Dahil hindi raw naging successful ang first try niya sa music scene ay itinuon na lang ni MJ ang sarili sa kanyang pagiging industrial designer hanggang sa makapagpatayo siya ng sarili niyang negosyo, ang M2 Builders Design Concepts, na involved sa construction at interior design for two years na.

SECOND CHANCE. Pero sadyang nasa puso ni MJ ang pagkanta. Kaya naman nang muling kumatok ang oportunidad ay sinunggaban na ito ni MJ.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Habang kumakanta siya sa isang event ay nagkataong naghahanap ang beauty icon na si Fanny Serrano ng baguhang singer na kakanta ng theme song ng pelikula niyang Tarima, ang "Napapagod Din Ang Puso." Nang kausapin daw siya ni Fanny ay hindi na siya nagdalawang-isip na tanggapin ang offer na mag-audition.

"Noong una po kasi, dalawa kaming nag-audition. Akala ko yung girl version na ang makukuha. I didn't know na yung lalaking version yung makukuha, which is yung sa akin.

"Kasi that time, nung nag-record kami, that time ko lang napag-aralan yung song and the lyrics. So, ni-record kaagad.

"So, akala ko, wala na. Kaya kinalimutan ko na. Sabi ko sa sarili ko, 'Ano ba 'yan, pabalik-balik yung chances na ino-offer sa akin na kumanta.' Kaya minsan, mas mabuting huwag na lang mag-expect talaga."

Pero laking tuwa niya raw nang ang version niya ang napili. Malaki nga ang pasasalamat ni MJ kay Fanny.

"Malaki po ang utang na loob ko sa kanya, kasi isang Fanny Serrano po ang nag-offer sa akin. It's an honor po na ako yung napili nila. Very happy ako. Sabi ko, 'Wow, napunta sa akin. Ito ba ay senyales na papasok ulit ako sa larangan ng musika?'

"Siyempre, kay Direk Ronald (Carballo) po, thank you, kasi malaki rin ang itinutulong niya sa akin ngayon sa career ko."

Positibo raw na hinaharap ni MJ ang second chance niya sa music scene.

"Kasi po dumating na yung chance ko ulit. Siguro live life to the fullest bago ako tumanda. Ie-enjoy ko na po ito. Ayoko nang sayangin itong opportunity na ito, so go for gold."

Naniniwala ba siya na may tamang timing din ang pagpasok sa showbiz?

"Opo, naniniwala po ako," sagot ni MJ. "Kasama po ng dasal at pagpupursige. Kasi po kung hindi naman talaga para sa inyo, hindi rin ibibigay ni God. So, sabi nga, try and try lang po talaga until you succeed."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DEBUT ALBUM. Naka-schedule ngang gawin ni MJ ang kanyang debut album na ipo-produce ng sikat na composer at album producer na si Vehnee Saturno. Ire-release ang album sa ilalim ng sariling music label ni Vehnee. Naganap ang contract signing sa pagitan nina MJ at Vehnee last Tuesday, September 7.

Ano ang feeling na si Vehnee Saturno pa ang magpo-produce ng kanyang debut album?

"Of course, siya po yung our very own hitmaker kaya very happy po ako. Hopefully po makapag-release din kami ng hit na song para sa mga tao para mai-share ko sa kanila ang talent ko," sabi ni MJ.

Ano ang first advice na ibinigay ni Vehnee sa kanya?

"Ang advice niya po sa akin ay kung ano po yung nasa puso ko, yun ang ilabas ko sa pagkanta. Tapos sabi niya na, 'Hindi na biro itong pinasok mo, MJ. Seryoso na ito.'

"Medyo kinakabahan din po ako. Pero siguro time management na lang din po para mabalanse ko yung career ko at saka yung business ko."

Base sa napag-usapan nila, may anim na tracks na kasama sa album.

Apat na kantang likha ni Vehnee kabilang ang dalawang bagong original songs at dalawang 80's hit songs, ang "Only Me and You" originally sung by Donna Cruz at ang "Sana Naman" ni Roeder.

Ang isa pang kanta ay ang George Canseco hit na pinasikat ni Zsa Zsa Padilla, ang "Hiram," na bibigyan ni MJ ng bagong taste at male version. Ang huling kanta nga ay ang "Napapagod Din Ang Puso," ang theme song ng pelikulang pinagbibidahan nina Fanny Serrano at Rocky Salumbides.

Sa tingin niya ba kaya niyang pasikatin ang mga popular songs na ire-revive niya sa album?

"Gagawin ko po ang best ko," sagot ni MJ. "Hindi ko naman sinasabing papantayan o lalampasan ko ang kasikatang tinamasa ng mga kantang ito noon. Hopefully po suportahan ako ng mga tao at magustuhan nila ang version ko ng mga kantang ito."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Malaking pressure ba sa kanya na ang signature song ni Zsa Zsa Padilla na "Hiram" ang isa sa ire-revive niya?

"Opo, malaking pressure po kasi nga Zsa Zsa Padilla na siya. And, kumbaga, sa kanya na yung song, e. Nakilala yung song dahil sa kanya. Ang intention ko po kasi ay gawan ng male version yung kanta. Kinakanta ko na rin po kasi siya dati pa, e. Isa siya sa mga paborito ko."

READY TO FACE INTRIGUES. Sa pagpasok niya sa music at show business ay kasabay nito ang pagdating ng mga intriga. Ready na ba siya sa pagharap sa mga intriga?

"Opo, ready na po ako," mabilis na tugon ni MJ. "Kung anuman po yung ibato nila sa akin, I'll take it as a challenge. Basta lagi lang po akong magiging positive sa mga ginagawa ko."

Masasabi niya bang wala siyang hidden skeletons in the closet o sikretong itinatago katulad ng ibang artista na may mga anak na pero hindi nila inamin kaagad?

"Wala po akong itinatagong anak. Single po ako. Wala akong asawa. Wala akong naanakan. Certified bachelor po ako," sabi niya.

Handa na rin ba siyang harapin ang intrigang kadalasang ikinakabit sa ibang male singers at actors—ang pagiging bading daw?

"Okay lang po sa akin. Kung yun po ang opinyon nila. Ang mahalaga po, kilala ko ang sarili ko. Alam ko ang totoo na lalaki ako. Alam ng family ko ang totoo, ng mga kaibigan ko, pati ng mga nagtatrabaho sa kumpanya ko."

Sa ngayon daw ay single and loveless si MJ.

"Sa ngayon po, single muna tayo. Ayoko na po kasing magmahal muna. Gusto ko kung magmamahal ako yung may time na po ako para sa kanila and ready na po ako."

Three years ago na raw ang last relationship niya at talagang nasaktan daw siya sa hindi magandang kinahinatnan ng relasyon niya. Paano siya naka-move on?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Inisip ko na walang mangyayari sa buhay ko at hindi puwedeng magmumukmok na lang ako sa isang tabi. Hindi lang naman siya yung buhay ko. I mean, meron pang bukas para sa akin. At saka mas natutunan kong pahalagahan ang pamilya ko.

"So, ang ginawa ko, bumuo ako ng sariling kumpanya ko para makalimutan ko yung mga hindi magandang nangyari. Naging busy ako sa work."

Bukod sa kanyang debut album, this early ay magiging busy na rin si MJ sa paghahanda para sa kanyang Valentine concert titled My Jealous Heart na gaganapin sa susunod na taon, February 14 at 15, sa Teatrino sa Promenade Greenhills.

Surprise pa ang magiging guests niya sa concert na ididirek ng live events-indie film director at entertainment columnist na si Ronald Carballo.

Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto ni MJ na maka-duet sa concert si Sarah Geronimo. Gusto rin niyang maging guest ang crush niyang sexy actress na si Cristine Reyes.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN