Annabelle Rama on rift with Angeli Pangilinan-Valenciano: "Hindi pa closed yun kasi wala naman siyang sinasabing sorry."

"Kung nagparetoke man ang ibang artista, wala siyang pakialam doon. Mind your own business. Huwag ka nang makialam para wala kang kaaway. Yun lang ang advice ko sa iyo," says Annabelle Rama (left) about Angeli Pangilinan- Valenciano (right).


Para kay Annabelle Rama, hindi pa tapos ang isyu tungkol sa nangyaring iringan sa pagitan nilang dalawa ng kapwa niya talent manager na si Angeli Pangilinan.

Sangkot sa iringan ang panganay na anak ni Annabelle na si Ruffa Gutierrez.

"Hindi ko masasabing sarado ang isyu dahil hindi naman siya nagte-text sa akin. Hindi siya nagso-sorry kay Ruffa.

"Para sa akin, hindi pa closed yun kasi wala naman siyang sinasabing sorry. Kung magso-sorry siya, tatanggapin ko."

Ito ang naging pahayag ni Annabelle kahapon, September 12, sa kanyang guest appearance sa TV5 showbiz talk show na Paparazzi, kung saan isa sa mga host si Ruffa.

Si Annabelle ang namumuno sa family-owned company nilang Royale Era Entertainment & Artist Management.

Kabilang sa mga talent ng Royale Era ay ang asawa ni Annabelle na si Eddie Gutierrez at ang mga anak nilang sina Ruffa, Richard, Raymond, Elvis, at Ritchie Paul.

Ilan pa sa mga artistang mina-manage ni Annabelle ay sina TJ Trinidad, JC de Vera, Michelle Madrigal, Ehra Madrigal, Miriam Quiambao, Bubbles Paraiso, Ynna Asistio, at iba pa.

Si Angeli naman ang namamahala sa Manila Genesis Entertainment & Management Inc., kung saan ang pinakamalaking artist nila ay ang asawa ni Angeli na si Gary Valenciano.

Nasa roster of talents din ng Manila Genesis ang mga anak nina Angeli at Gary na sina Paolo, Gab, at Kiana.

Ang iba pang artists ng Manila Genesis ay sina Jericho Rosales, Donita Rose, Leo Martinez, Candy Pangilinan, Nanette Inventor, Jamie Rivera, Hilda Koronel, Duncan Ramos, at iba pa.

Incidentally, naging talent din ni Angeli si Ruffa for a short period of time. Ito ay noong panahong hindi pa nagma-manage ng mga artista si Annabelle.

CAUSE OF RIFT. Nagsimula ang alitan ng dalawang talent managers nang kumprontahin ni Annabelle si Angeli sa birthday party ni Ogie Alcasid noong August 27 sa Ayala Heights, Quezon City.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang dahilan ng kanilang alitan ay ang hindi raw magandang komento ni Angeli kay Ruffa.

Ayon sa mga naglabasang mga istorya sa tabloids, pinayuhan daw ni Angeli si Ruffa na huwag nang ipagalaw o iparetoke ang mukha nito dahil likas na itong maganda.

Hindi raw nagustuhan ni Ruffa ang "unsolicited advice" na ito ni Angeli kaya nagsumbong ito sa kanyang mommy.

Nagalit si Annabelle dahil hindi naman daw nagpaparetoke si Ruffa, at masyado na raw nanghihimasok si Angeli sa buhay ng kanyang anak.

Lumabas din sa tabloids ang pagpapahayag naman ng damdamin ng asawang singer ni Angeli na si Gary Valenciano tungkol sa nangyari.

Hindi niya raw nagustuhan ang ginawang pamamahiya ni Annabelle sa asawa niya, at inamin nito na nagalit siya sa inasal ng mommy ni Ruffa.

Samantala, may pasaring pa si Annabelle: "Angeli, sana magpakabait ka."

Sa pagharap ni Annabelle sa mga host ng Paparazzi—kasama si Ruffa at ilang invited press sa "Presscon Express" segment ng show—kaagad na inusisa ni Cristy Fermin kay Annabelle ang alitan nila ni Angeli.

"Bago ko sagutin 'yan, Cristy, ipapaalala ko muna kay Angeli, 'Baka nakalimutan mo, 'Day, na 80 candidates sa buong mundo ang tinalo ni Ruffa!'"

Ang tinutukoy ni Annabelle ay ang Miss World 1993 contest sa South Africa, kung saan itinanghal na Second Princess ang TV host-actress.

"Ang ilong ni Ruffa, pareho sa ilong ng mga anak ko, nakatingin sa langit lahat. Lahat sila, si Richard, si Raymond, lahat!

"Hindi nagmana sa akin, kasi ang ilong ko ganyan lang, hindi naman nakadapa, ganyan lang siya. Lahat sila nagmana sa ilong ni Eddie," sabi ni Annabelle, na ang tinutukoy ay ang asawang si Eddie Gutierrez.

"E, ang sabi kasi ni Angeli kay Ruffa, huwag daw... Bakit daw ginalaw ang ilong ni Ruffa at saka ang cheekbone ni Ruffa?

"Naging kamukha na raw siya ni Gretchen [Barretto]. Hoy, I'm sorry Angeli, ang kilay ni Gretchen hindi kumikibo!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Maganda si Gretchen, pero huwag niyang ikukumpara sa iyo [Ruffa] si Gretchen. May ibig siyang sabihin dun, e."

Pagkatapos nito ay binalingan ni Annabelle si Ruffa: "Ibig sabihin, kamukha mo si Gretchen—nagparetoke ka ng mukha!"

Buwelta pa ni Annabelle: "I'm sorry, Angeli, kailangan ikaw ang magparetoke sa ilong mong nakadapa!"

ANGELI'S BROTHERS & GARY. Bagamat may galit siya kay Angeli, ayaw raw idamay ni Annabelle sa away nila ang mga kapatid ni Angeli.

"Pero mahal ko si Kiko, kaibigan ko," sabi niya, na ang tinutukoy ay si Senator Francis Pangilinan, asawa ng megastar na si Sharon Cuneta.

"Kagabi, nagkita kami ni Anthony sa birthday ni Venice," dagdag niya, na ang tinutukoy naman ay sina Anthony Pangilinan, asawa ng actress-TV host na si Maricel Laxa at si Venice Bektas, ang apo niya kay Ruffa.

"Parang nahiya nga ako kay Anthony kasi sa mga sinasabi ko. Pero sabi ko, wala akong magawa.

"Kasi mabait naman ang mga kapatid niya [Angeli], mga disenteng tao. Si Anthony, ayaw naman ako siraan. Si Kiko lalo na ayaw nang magsalita.

"Kaya sabi ko, 'Angeli, tumigil ka na. Huwag ka nang makialam sa ibang artista, sa ibang tao.'

"Kung nagparetoke man ang ibang artista, wala siyang pakialam doon. Mind your own business.

"Huwag ka nang makialam para wala kang kaaway. Yun lang ang advice ko sa iyo."

Kumusta naman sila ni Gary Valenciano?

"Si Gary, talagang idol ko 'yan," sabi ni Annabelle. "Ako ang nahiya kay Gary sa nangyari nung gabing yun.

"Pero wala akong magawa kasi talaga namang pag ako nagalit, wala talaga akong sinasanto.

"At saka pag ako galit, talagang nakakalimutan ko marami palang taong nakaharap, nakalimutan ko marami pala kami. Akala ko nag-iisa lang kaming dalawa.

"I'm sorry, Gary, sa nangyari sa asawa mo, ha. Huwag kang magagalit sa akin.

"Sabihin mo sa asawa mo, huwag na siyang makialam sa kapwa artista."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May pahabol pang mensahe si Annabelle para kay Angeli.

"Angeli, sana magpakabait ka. Huwag ka nang maninira sa kapwa.

"Kung ano yung nagparetoke ng mukha, hayaan mo na sila. Pera naman nila [ang ginamit].

"At saka, gusto nilang gumanda. Pabayaan mo na lang yung taong gustong magparetoke."

RUFFA AND RICHARD'S LOVELIFE. Bukod sa isyu sa kanila ni Angeli, nagsalita rin ni Annabelle sa mga intrigang kinasasangkutan ng kanyang mga anak.

Isa na rito ang pagkaka-link ni Ruffa sa Smartmatic president na si Cesar Flores. Aprubado ba siya kay Cesar para kay Ruffa?

"Actually, kung si Cesar ang pag-uusapan, gusto ko siya para kay Ruffa," sagot ni Annabelle. "Kasi nakausap ko siya, disente namang kausap.

"At saka yung mga lalaking ganun ang gusto ko, yung may trabaho, may business, na kaya siyang [Ruffa] pakainin, pati mga anak niya.

"Pero ang problema, hindi naman nanliligaw sa kanya!"

Nag-react naman si Ruffa sa sinabi ng mommy niya, kaya tinanong tuloy siya ng co-host na si Mo Twister kung aprubado ba ito kay Cesar.

"You know, I'm not yet ready for a commitment at this point. And I don't wanna rush things," sagot ni Ruffa.

Biglang sumingit si Annabelle, "Kasi ang sinabi sa kanya ng feng shui daw, bawal sa kanyang mag-boyfriend this year. Masama, hindi maganda. Next year na lang."

Hindi lang si Ruffa ang naiintriga tungkol sa lovelife, kundi pati ang isa niyang anak na si Richard, na contract star ng GMA-7.

Sinasabing nakipag-break na raw si Richard kay Jewel Mische, na tiga-GMA-7 din, kahit na never namang umamin ang dalawa na naging sila.

At ngayon ay nali-link naman si Richard sa Survivor Philippines Celebrity Castaway castaway na si Solenn Heussaff.

Ano ang reaksiyon ni Annabelle rito?

"Hindi naman. Siguro natauhan lang si Richard na hindi muna siya mag-serious [sa lovelife] ngayon dahil talagang busy siya sa trabaho niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sayang nga, e, kung kailan ko nagustuhan si Jewel Mische, ayaw naman ni Richard na. Dati talaga, sa totoo lang, ayoko kay Jewel Mische, e.

"Mga two years yun na talagang sinisiraan ko siya kay Richard. Pero na-prove ko talaga si Jewel, na talagang sincere siya kay Richard, na hindi siya mukhang pera.

"Hindi siya nangangaliwa. Hindi siya party girl. Nagustuhan ko na siya.

"Pero kung ayaw na ng anak ko at gusto na ng anak ko na maging solo siya sa buhay niya ngayon, wala siyang girlfriend, okay na rin sa akin."

Pero kung sakaling totoo yung kina Richard at Solenn, boto ba siya kay Solenn?

"Magagalit si Georgina!" sambid ni Annabelle na ang tinutukoy ay si Georgina Wilson, ex-girlfriend ni Richard at best friend ni Solenn.

"Sinasabi ni Georgina kay Solenn na huwag muna daw anuhin si Richard kasi mag-best friend sila," sabi ni Annabelle.

Bagamat successful ang mga anak niya sa kani-kanilang career, madalas namang magkaroon ng intriga ang mga ito sa lovelife.

Bilang ina, ano ang maipapayo niya sa mga anak niya?

"Sinasabi ko naman sa kanila, e, 'Piliin mo yung babae na loyal sa iyo, na pag busy ka hindi yung lumalabas kung saan-saan.'

"Kasi minsan, pag busy ang isang tao, tapos na-bored yung babae, kung saan-saan sumasama sa lalaki. Hindi maganda yun.

"Sabi ko nga sa kanya [Richard], sa lahat ng mga anak ko, pati sina Elvis, na mamili sila ng babae na mamahalin din sila.

"Hindi dahil sa may pangalan ang kapatid nila o sino man sila.

"From my experience, kaya ako nagbuntis kay Ruffa, kasi akala ko pakasalan ako ni Eduardo.

"Hindi pala dapat ganun. Pinipilit ko siyang pakasalan niya ako, nakakahiya sa taong bayan, ayaw niya."

Sabat naman ni Ruffa, "But he did marry you."

"Because of you, Ruffa," prangkang sagot ni Annabelle sa anak. "Panay-panay ang convince ko sa daddy mo na pakasalan ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

TWITTER SENSATION. Naloloka naman si Ruffa sa pagkakaroon ngayon ng Twitter account ng kanyang mommy. Biro nga niya ay nai-stress na raw siya sa mga tweets ng ina.

Pero bilib din siya dahil umabot na raw sa mahigit 20,000 ang followers sa Twitter ng mommy niya.

"Maraming nagmamahal sa akin kasi ako, prangka," sabi ni Annabelle. "Hindi ako nagsisinungaling at hindi ako nag-iimbento ng kuwento."

Bakit niya ba naisipang magbukas ng Twitter account?

"Para at least naman, 'Day, makita ng lahat...buong mundo yung Twitter, di ba? Para makita nila kung ano yung pagkatao ko.

"Tingnan mo, nagustuhan nila ako. Kasi kasama ko lang sa bahay ang sarili ko, 'Day. Nagsasagutan kami ni Ruffa sa Twitter."

Ano ang reaksiyon niya na tinatawag na siyang "Twitter sensation" ngayon?

"I'm so happy. At least naman natalbugan ko lahat ng mga anak ko, 'no!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN