FIRST READ ON PEP (Updated) Robin Padilla claims: "Walang kasal na naganap!" Question: So, was the wedding a promotional gimmick for his and Mariel's upcoming TV show?

Are they married or not? Robin Padilla says that his reported wedding to Mariel Rodriguez in Baguio City is not real, but has something to do with their upcoming show. Also in the photo is Ali Padilla (left).


Humingi ng paumanhin si Robin Padilla sa kalituhang nangyari tungkol sa kasalan nila ni Mariel Rodriguez na naganap noong September 13 sa Baguio City.

"Walang kasal na naganap!" ito ang maikling pahayag na binitiwan ng action star sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Ito ay sinabi niya sa pagtatapos na ng kanyang press conference para sa Liwanag ng Kapayapaan Foundation (LKF) kahapon, September 18, sa Maple Street, West Avenue, Quezon City.

Paliwanag ni Robin: "Mga artista kami at mayroon kaming show na kung ibibigay namin ang mga detalye ay paano naman ang show naming iyon? Basta sa ngayon, ito na muna ang nagaganap na kabanata sa pag-iibigan namin ni Mariel.

"Abangan na lamang po natin ang iba pang magaganap, at humihingi kami ng patawad sa mga kalituhan na nangyari," aniya.

Ang tinutukoy na "programa sa ABS-CBN" ay isang sitcom na pagtatambalan nila ni Mariel.

Matapos ng maiksing pahayag ay ayaw nang pag-usapan pa ni Robin ang tungkol sa kasal. Nagpakita na ito nang kaunting iritasyon sa pag-ulirat ng media rito.

Ang gusto lang daw niyang pag-usapan ay ang tungkol sa Foundation.

KAGULUHANG MALAKI. Ngunit malaki ngang kalituhan ito. Hindi na nga lang "kalituhan." Kaguluhan. Ang tanong: Anong laro ito? Nino? Para sa ano?

Ano ang game plan ni Robin?

Ito ba ay para mapahinahon ang mga nagbigay sa kanya ng product endorsements? May nakasaad ba sa kontrata niyang nagbabawal ng sudden marriage?

Kung hindi, bakit biglang itinatanggi ang kasal? Nakita na ang lola ni Mariel na umiiyak sa E-Live, kahapon September 18, dahil sinabihan lang daw sila ni Mariel tungkol sa kasal nang matapos na ito. Sa E-Live rin, pati ang kapatid ni Mariel ay nag-congratulate sa nangyaring kasal.

Kung hindi nga ito tunay na kasal at para lang sa isang show, may sanction ba ang ABS-CBN para sa ganitong promotional gimmick?

Kung ganun, bakit ibinalita ito sa sariling news program bilang isang wedding? Nagkulang ba ng coordination ang news and public affairs division nito at ang entertainment division?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Napabalita na sa lahat ng media ang kasal nina Robin Padilla at Mariel Rodriguez.

Una ngang nireport ito sa TV Patrol, ang news program ng mismong ABS-CBN, noong September 16.

Pinikup ito ng maraming websites, kasama na ang PEP.

Lumabas din ang istorya sa mga major broadsheets noong September 18.

Ayon sa Inquirer, na sa pagkakasulat ay gumawa ng sariling pananaliksik: "The priest thought it was just a movie shoot. Monday in Baguio City, actor Robin Padilla and television host Mariel Rodriguez were wed in a tribal ceremony officiated by an Ibaloi mambunong (ritual priest).

'The secret rites were held in a compound owned by Padilla's relatives in Barangay Camp 7.

"Marvin Binay-an, barangay captain, said many of the participants were given details of the event on the day itself."

Sabi ng Philippine Star, citing a report from the website of ABS-CBN: "Jimmy Ong, the mamburong who performed the ceremony, confirmed to ABS-CBN News in an exclusive interview on Thursday that the ceremony took place last Sept. 13 at 3 p. m.

"Ong said he initially thought he was just attending a shooting, but was caught by surprise when he found the couple (Robin and Mariel) wearing the traditional clothes of the Ibaloi.

"Tanong daw ni Ong kay Robin: Kasal ba talaga ito? Sabi niya, Oo, kasal talaga. Kaya sinimulan ko na.

"Uminom ng rice wine at sumayaw ng Tayao ang dalawa to show that they are officially married," ayon kay Ong.

"'Ang kasal na ito ay legal sa kultura ng mga Igorot, binabasbasan ko sila na hanggang kamatayan magsasama sila,'" ayon sa mambuburong."

Batay sa unang report ng ABS-CBN news Baguio reporter Mira Wallis, na inere ng TV Patrol World noong September 16: Dalawang beses daw ikinasal si Robin at Mariel sa Baguio City noong September 13.

Ang una raw ay sa pamamagitan ng isang Ibaloi ceremony. Isang pastor naman daw ang nag-officiate sa pangalawang kasal. (CLICK HERE to read related article.)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kahapon, naka-sentro ang usapan sa foundation ng action star. Pagkatapos na lamang ng presscon nakausap ng PEP ang aktor tungkol sa naganap na kasalan.

Nabanggit ang nangyayaring pagtuligsa sa pagpasok ni Robin sa rituwal na Ibaloi gayong isa siyang Muslim.

"Ako, Igorot ako. Mga kamag-anak ko iyon. Pero ako, hindi ako gagawa ng isang bagay na sasagasa sa pananampalataya ko. Wala akong ginawang mali na magbibigay dahilan para talikuran ko ang pananampalataya ko.

"Kung sinuman ang naghusga sa akin, hindi niya alam ang pananampalataya niya," mariing sabi pa ni Robin.

ROBIN'S SCHOOL FOR MUSLIM KIDS. During the actual presscon, nagkuwento ang aktor tungkol sa kanyang project, ang LKF, isang paaralang itinatag para sa mga kapos sa yaman na mga batang estudyanteng Muslim at mga Kristiyano.

Kasama sa nasabing maliit na presscon sina Mariel Rodriguez, ang kapatid ni Robin na si Rommel Padilla, at ang mga anak na sina Kylie at Ali.

In-announce ni Robin ang pagbibitiw niya bilang presidente ng LKF at paglipat ng katungkulang ito sa kapatid niyang si Rommel, na nagsilbingisang opisyal ng Nueva Ecija mula 2007 hanggang 2009.

Sinabi rin niya ang pagkakaroon ng posisyon ni Mariel sa Paaralan ng Liwanag ng Kapayapaan.

ROMMEL AS NEW LKF PRESIDENT. Ani Robin, kinailangan niyang magbitiw bilang presidente ng LKF dahil sa ginagawa nilang pelikula ni Mariel.

"Sa ibang bansa kasi namin gagawin yung pelikula. E, siyempre, kailangan ang foundation kasi, matutukan. Lalo na ngayon, para siyang bata na nagsisimula muli."

Matatandaang idinemanda ng isang opisyal ng barangay ng lugar na kinaroroonan ng school at foundation sina Robin ng "Violation of the National Building Code" noong June 2005. Nito lang Miyerkules, September 15, ay pormal nang na-dismiss ang kaso nila.

"Si Rommel ang napisil kong pumalit sa akin, dahil alam niyo naman, naging opisyal din ito ng probinsiya ng Nueva Ecija. Isang buong probinsiya ang pinatakbo nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"E, gusto nga sana nitong bumalik sa pag-aartista, pero sabi ko, 'Tol, paano naman ang foundation natin?' Kaya, on hold muna ang pagbabalik niya sa artista at ito munang foundation ang pagtutuunan namin ng pansin.

"Katulong pa rin naman ako. May tutulong din sa kanyang board of directors. Pagtutulungan naming simulan uli yung foundation. Ang hirap nga noon na gumawa ng relief operations, dahil may kaso nga at hindi naman recognized ang Liwanag ng Kapayapaan.

"Kaya ngayon, nagpapasalamat kami na na-dismiss na ang kaso at tuluy-tuloy na kami sa pagtulong," paliwanag pa ni Robin.

Si Rommel naman, handang-handa nang ibigay ang buong oras niya sa kanyang bagong tungkulin.

"Full time na ito. Isasantabi muna natin ang pag-aartista. Ang pangunahing adhikain ko talaga ngayon ay ipagpatuloy yung nasimulan ni Robin na libreng paaral sa mga kabataang kapos, Muslim man o Kristiyano.

"Edukasyon muna talaga ang pagtutuunan natin ng pansin," sabi pa ni Rommel sa eksklusibong panayam nito sa PEP.

Nakaisang termino ng paglilingkod bilang board member ng Nueva Ecija si Rommel at, aniya, hihikayatin niya ang iba pa niyang mga kaibigang pulitiko na makatulong sa pagpapaaral nang libre sa mga kabataan.

Dagdag pa ni Rommel, "Ito naman kasi dapat ang tutukan ng mga mambabatas natin, yung libreng edukasyon sa lahat. Hindi yung jueteng o kung anupaman. Bakit yung mga ganung problema ang tinututukan? Dapat ang mga pagpapaaral muna sa mga kabataan. Edukasyon muna."

MARIEL'S ROLE IN SCHOOL. Naniniwala si Robin na may malaking maitutulong ang Pilipinas, Win na Win! co-host, na napabalitang pinakasalan niya.

"Si Mariel po kasi, tututukan niya yung pagtuturo at kung paano mas matututo ang mga bata. Tutulong po si Mariel sa pagde-develop nung conversational English. Kasi, yung Tagalog naman po, hindi naman po natin kakalimutan 'yan. 'Yan po ay atin at ating mamahalin.

"Pero sa panahon ngayon, gusto po natin na ang mga estudyante ay makasabay sa sinasabi nilang global [standard]. At ang salitang Ingles ay mas ginagamit ng karamihan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ayoko pong lumaki ang mga estudyante natin na kaunti ang kaalaman sa pagsasalita ng Ingles, na maloko at mapariwara o maapi dahil hindi lang makapagsalita ng maayos na Ingles. Kailangan po nating sumabay sa panahon at sa ibang bansa," sabi pa ni Robin.

Pero higit pa sa pagtuturo ng conversational English ang gagawin ni Mariel sa school. Hinirang siya ni Robin bilang Board Director In Charge of Education ng Liwanag ng Kapayapaan Foundation.

Ang paliwanang ni Mariel, "Parang I have to make sure na yung mga teachers, nasusunod yung curriculum na napag-usapan sa board. And, I think, I have to make sure lahat ng estudyante ay natututo."

Hindi ba siya nag-aalalang may kumuwestiyon sa kakayahan o kredibilidad niya sa posisyon niya sa paaralan ni Robin?

Ang sagot ng Kapamilya host-actress, "Hindi ko naman sinasabi na mayroon akong doctorate degree. Kaya nga, conversational English lang ang sa akin."

At kung kailangan i-pursue pa raw niya ang pag-aaral, gagawin niya para lang makatulong sa mga bata.

Sa pagpapatuloy ni Mariel, "Noon pa kasi gusto kong tumulong sa mga bata, at kung kinakailangan talaga... sino ba naman ang ayaw na makatapos ng degree para makatulong sa mga bata? Basta kakayanin ng oras ko, gagawin ko para sa mga bata."

"Kung sinuman ang naghusga sa akin, hindi niya alam ang pananampalataya niya," mariing sabi pa ni Robin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN