Ayon kay Robin Padilla, ikinasal sila ni Mariel Rodriguez noon pang August 19 sa India

Ayon kay Robin Padilla: "Ako po ay maligayang-maligaya na ibabalita sa inyo na isang buwan na po kaming kasal ni Mariel Rodriguez. Ang kasal po na 'yan ay nangyari sa India, sa Taj Mahal. August 19 po kami ikinasal."


"Isang buwan na po kaming kasal ni Mariel Rodriguez."

Ito ang pinakabagong deklarasyon ng aktor na si Robin Padilla sa usapan ng "kasal" nila ng TV host.

Ngunit hindi ang napabalitang Ibaloi wedding ceremony noong September 13 sa Baguio City ang tinutukoy niyang kasalan.

Ayon kay Robin, ang kasalang naganap ay isang Muslim wedding noon pang August 19, sa India, sa siyudad ng Agra kung saan natatagpuan ang Taj Mahal.

Ang panibagong pahayag na ito ay ginawa ni Robin sa panayam sa kanya ni Tina Monzon-Palma sa The World Tonight, na napanood sa ABS-CBN news channel na ANC, kagabi, September 21.

"Ngayon po ay puwede ko nang harapin ang patungkol sa sarili ko at kay Mariel," pasakalye muna ni Robin bago niya ianunsiyo ang tinatawag niyang "buong katotohanan."

Ayon kay Robin, "Ako po ay maligayang-maligaya na ibabalita sa inyo na isang buwan na po kaming kasal ni Mariel Rodriguez."

Ayon kay Robin, "Ang kasal po na 'yan ay nangyari sa India, sa Taj Mahal. August 19 po kami ikinasal."

Ayon kay Robin, "At 'yan po ang katotohanan. 'Yan po ang pawang katotohanan at pawang katotohanan." Sinabayan niya ito ng konting tawa.

Kung totoo ito, nagpakasal sina Robin at Mariel apat na buwan mula nang sila'y unang magkakilala sa dating noontime show ng ABS-CBN na Wowowee. Naging special guest co-host sa loob ng dalawang linggo si Robin noong buwan ng Mayo ng taong kasalukuyan.

SIMPLE QUESTIONS, LONG ANSWERS. Tinanong ni Tina si Robin kung noong nagplano silang magpakasal ay hiningi niya ang kamay ni Mariel sa mga magulang nito, at kung sinabihan din ng aktor ang sarili niyang pamilya.

Gaya ng inaasahan, imbes na sagutin ng maikling "Oo" o "Hindi" ang katanungan, isang mahabang salaysayin ang isinagot ni Robin.

Umpisa ni Robin, "Napakagandang katanungan po, Ma'am."

Ayon kay Robin, "Unang-una po ay ang pagmamahal po ni Mariel sa kanyang mga magulang, sa kanyang lolo't lola ay hanggang langit. Kapagka kami'y magkasama, wala siyang iniisip kundi ang kanyang mga magulang, lalo na ang kanyang lolo't lola."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Robin, "Ako po, sa tanda kong ito, isa lang ang pinangarap ko magmula po noong ako ay nahiwalay." Ang tinutukoy niya dito malamang ay ang pakikipaghiwalay niya sa kanyang unang asawa na si Liezl Sicangco.

Ayon kay Robin: "Noong ako'y nagtungo sa Taj Mahal, unang-unang punta, ako po ay... Kasi 'yan ang ano [Taj Mahal], e, monumento ng pag-ibig. Nagpunta po ako diyan, solo lang."

Ang Taj Mahal ay isang world-famous mausoleum na matatagpuan sa India. Itinayo ito ng Muslim emperor na si Shah Jahan para sa namatay niyang asawa na si Mumtaz Mahal. Itinuturing ang lugar na ito na isa sa Eight Wonders of the World.

Ayon kay Robin, "Nung nakarating ako, ang sabi ko, sana maibigay n'yo sa akin ang babaeng mamahalin ko muli.

"Kaya nga po noong nagkaroon ng magandang pangyayari sa Wowowee, hindi ko na po pinakawalan ang oportunidad na magpakita ng aking pagmamahal kay Mariel.

"At humantong na po sa punto na sinabi ko sa kanya yung pangarap ko. Na sana makasama kita sa Taj Mahal.

"Kaya po noong panahon ng Ramadan [buwan ng pangingilin ng mga Muslim], noong ako'y pumunta sa India, meron pong isang pangyayari na aksidente, na hindi ko natatanggap ang kanyang [Mariel] messages sa telepono po.

"Ang akala ko, nakalimutan na niya ako... Totoo po 'yang istorya na 'yan kahit na tanungin n'yo siya. Hanggang sa ako'y nalugmok."

Ayon kay Robin, kasama niya noong panahong 'yon sa India ang staff ng Star Studio, ang local entertainment magazine ng ABS-CBN Publishing.

Ayon kay Robin, "Nakita nila na ako ay malaki na ang kalungkutan. 'E, puwede na lang ba nating tawagan si Mariel? Kasi hindi naman natin puwedeng kasama si Robin na ganyan na lang ang hitsura niyan.'"

Ayon kay Robin, "Kaya po tinawagan namin si Mariel. Sabi ko, 'Ako ba talaga nakalimutan mo na? Hindi mo ako tine-text.'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi niya, 'Hindi, tine-text kita. Araw-araw kitang tine-text.'

"Sabi ko, 'Wala akong natatanggap.' Sabi ko, isa lang, 'Pupunta ka ba dito o hindi?'

"Sabi niya, 'Kailangan mo ba ako?'

"Sabi ko sa kanya, 'Oo, kailangan kita.'

"Tapos sabi niya, 'Sandali, kakausapin ko lang si Tito Boy [Abunda, Mariel's talent manager].'

"Pagtawag ko po uli, ay, nagkabiglaan na. Nagkita na po kami sa India. 'Yan po ang mga pangyayari."

Sa hinaba-haba ng sinabi ni Robin ay hindi niya nasagot ang tanong ni Tina.

Sunod na tanong ni Tina Palma: Alam ba ni Mariel na ikakasal sila kaya ito sumunod sa India?

Ayon kay Robin, "Alam n'yo po, ito lang ang masasabi ko, ke sa ayaw at gusto niya, sa oras na 'yon, papayag siya!"

HONEYMOON PERIOD. Tinanong din ni Tina si Robin kung babalik pa sila ni Mariel sa programang Pilipinas, Win Na Win!, na iniwan nila pagkatapos lamang ng isang linggo mula nang mag-pilot ito noong July 31.

Ayon kay Robin, "'Yan po ay isang obligasyon namin sa pamunuan ng ABS-CBN."

Ayon kay Robin, "Ngunit alam din naman po ng ating pamunuan na meron din po kaming uumpisahan na pelikula nga na kanila din, pinipilit nilang magawa na."

Ayon kay Robin, ang pelikulang tinutukoy niya ay pagsasamahan nila ni Mariel at kukunan sa India.

Taliwas nga lamang ito sa nakuhang impormasyon ng PEP mula sa Star Cinema, ang film arm ng ABS-CBN, na malamang ay siyang tinutukoy niyang film outfit.

Ang sabi ng Star Cinema noong Linggo, September 19, "Wala kaming movie kay Robin."

Ayon kay Robin, "Kaya ngayon po ay pinag-iisipan namin kung alin ba dapat ang aming umpisahan pagkatapos ng aming honeymoon."

MARIEL'S EXPLANATION. Sa pagtatapos ng interview ni Tina kay Robin ay tinawag ng veteran newscaster si Mariel, na nasa loob din ng studio, upang tumabi kay Robin at makausap na rin niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagpaunlak naman si Mariel kahit hindi siya naka-makeup.

Pagkatapos kumustahin ay tinanong ni Tina si Mariel at si Robin ng ganito: Ang pakiramdam ng nakararami ay pinaikot-ikot ninyo ang media, mga fans, dun sa mga lumabas na litrato, dun sa mga kuwentong engagement, at sa mga kuwentong rituwal na dinaanan n'yo sa Ibaloi, which is actually a valid marriage. Papaano n'yo ngayon ie-explain sa publiko 'yon?

Si Mariel ang nagkusang sumagot nito.

Ayon kay Mariel, "To begin with, we did not come out with those information, with those photos."

Ayon kay Mariel, "So, we never lied. We never lied, we never denied."

Ayon kay Mariel, "Walang paikot-ikot. Hindi sa amin nanggaling 'yong..." Ang tinutukoy ni Mariel ay ang report at mga larawan na lumabas sa TV Patrol noong September 16 na nagsasabing ikinasal sila sa Baguio City.

Ngunit tila nakalimutan ni Mariel ang sinabi niya sa panayam sa kanya ng E-Live noong August 28, o siyam na araw pagkatapos ng "kasal" nila ni Robin sa "India" noong "August 19."

Itinanggi niya sa interview na ikinasal na sila sa India. Sinabi pa niyang kung sakali man ay hindi nila ito isisikreto ang kanilang kasal sa publiko nila. (CLICK HERE to read related story.)

Ang sabi pa ni Mariel sa telebisyon noong mga panahong iyon, "napag-uusapan" lang nila ang kasal.

Ayon pa rin kay Mariel sa E-Live: "Yes, napag-uusapan namin. Wala pa namang definite na kung kailan. It's just something nice to dream about, di ba? Nice to talk about. Di naman kailangan magmadali."

Lumalabas na noong sinasabi niya ito ay alam niya sa kanyang sarili na kasal na sila ni Robin.

WHAT HAPPENED IN BAGUIO? Sa interview ni Tina kina Robin at Mariel, tinanong ang "bagong kasal" kung hindi ba sila ang nagbigay ng sound bytes para mabuo yung mga kuwentong ikinasal sila. Bakit sinasabi ng native priest na si Jimmy Ong na ikinasal sila sa Ibaloi tradition?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Mariel, "What happened in Baguio, if I may, actually, Robin just wanted to introduce me to his relatives, the Cariño side, and they wanted to show me a little of their culture. Yun talaga 'yon.'"

Ayon kay Mariel, "May war dance na naganap. Meron po bang kasal na may war dance, na nag-iitakan? Hindi naman po siguro." Sinabayan niya ito ng tawa na parang nagsasabing, "Use your head."

Ngunit taliwas din ito sa sinasabi ng mga kamag-anak ni Robin na "engagement" lamang daw ang naganap sa Baguio.

Kaya ang tanong ngayon ng marami ay bakit pa kailangan ng engagement ceremony gayong kasal na sila?

Ano naman ang pinanggalingan ngayon nitong "engagement" story?

Tanong uli si Tina: So, ang sinasabi n'yo, yung mga salitang gano'n na kayo ay ikinasal ay hindi nanggaling sa inyong dalawa, at ito ay naging interpretasyon ng mga sumulat ng mga istoryang 'yon? At yung usap-usapan na ng mga Jimmy Ong, ng members of indigenous people, na nagbigay ng kahulugan sa ano ang nakita nila, hindi sa inyo galing 'yon?

Ayon kay Robin, "E, ako po siguro dapat ang [sumagot] at mga katribo ko po 'tong pinag-uusapan natin. Unang-una, ang akin pong respeto at pagmamahal, pagpupugay sa aking tribo."

Ayon kay Robin, "Wala pong nanggaling sa amin na ganung klaseng impormasyon."

Ayon kay Robin, "Kung anuman po ang nasabi ng aming pari at ng aking ibang mga katribo, yun po ay yung sa kanilang sariling paniniwala at alam ko naman pong wala din silang ninanais na masama."

Hindi lang malinaw kung ano ang magiging damdamin ng tribal priest at participants sa Baguio ceremony, dahil sinasabi ni Robin dito na mali sila—karapatan daw nilang magsalita pero mali sila.

Ayon kay Robin, "Siguro ang dapat na lang nating pakiusapan dito ay yung ating mga kasama sa hanapbuhay. Na kapag may mga isyu sana... Tutal, tatlo naman kami sa picture, e, mas magandang tatlo kaming nainterbyu."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tinutukoy ni Robin ay ang larawang kuha sa Baguio City kung saan kasama nila ni Mariel ang Ibaloi priest na nagkasal diumano sa kanila.

Ang hindi sinasabi ni Robin ay hindi naman nila sinasagot ni Mariel ang mga text messages at tawag sa telepono ng media noong panahong iyon.

Pati manager ni Robin na si Bechay Vidanes ay hindi nag-pick up ng kaniyang telepono sa buong panahong maraming katanungan.

Ang tanging sumagot ay ang manager ni Mariel, si Boy Abunda, pero ito ay nagsabing wala rin siyang alam sa mga pangyayari.

Ayon kay Robin, "Kailangan po sanang tatlo kaming nahingan ng opinyon upang huwag naman po kaming mabansagang...medyo nahilo po ako sa sobrang ikot-ikot!"

Sa huli ay inulit ni Robin ang una niyang sinabi: "Inuulit lang po naming matagal na...ikinasal na noong August 19 pa."

Ayon kay Robin, "At 'yan po ang naganap at hindi naman pupuwedeng kulitin natin ang Panginoong Diyos na magpakasal kami nang paulit-ulit. Isang beses lang po ang kasal."

Ayon kay Robin, "At kung anuman po yung nangyaring sumunod, siguro po ay wala po kaming, muli, pinasisinungalingan. May kanya-kanya po tayong paniniwala. May kanya-kanya tayong opinyon. Respetuhin po natin."

Ayon kay Robin, "At sana yung pagmamahalan na sumasabog sa aming mga puso, sa aming mga mata, e, maging inspirasyon sa ating lahat na magmahalan po tayo."

Ayon kay Robin, "Let's make love, not war. The World Tonight." Nagpapakuwela siya rito.

Pagkatapos ng interview nila sa programa ni Tina Monzon-Palma ay live ding nag-guest sina Robin at Mariel sa showbiz news program na SNN ng ABS-CBN.

Dito naman, taliwas ang sinabi ni Mariel sa sinabi ni Robin na isang beses lang sila ikakasal.

Ayon kay Mariel—sa panayam sa kanya ng manager niyang si Boy Abunda, ang main host ng SNN, at ng kaibigan niyang si Bianca Gonzales, na co-host sa SNN—magkakaroon din sila ng "Catholic blessing."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN