Direk Joel Lamangan on advocacy films: "Kailangang gumawa ng pelikula na nagsasalamin sa katotohanan ng bayan."

Lamangan's Sigwa is about the First Quarter Storm, a period of civil unrest in the Philippines when students and labor joined forces to protest the Marcos administration. Next up for the acclaimed director is Deadline, which tackles the killing of journalists.


Nagtataka si Direk Joel Lamangan kung bakit walang konsultasyong nangyari sa mga kasapi ng film industry nang matalaga si G. Briccio Santos bilang pinuno ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Ayon sa direktor na nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Huwebes, September 30, sa kanyang tanggapan sa Cabrera Building, Timog Avenue, Quezon City, marami raw silang pangalang inilagay sa listahan na ibinigay kay Sen. Jinggoy Estrada.

Isa na rito ang kay Tirso Cruz III na matunog noon na baka mahirang na pinuno ng FDCP.

"Si Jinggoy daw ang aming kausap tungkol sa bagay na ito. Siya ang humingi sa amin ng mga pangalan, pati mga posisyon na gustong gawin. Si Senator Jinggoy daw ang nakikipag-lobby kay President Aquino dahil siya ang binigyan ng karapatan para lumapit sa Pangulo tungkol sa bagay na ito," sabi ni Direk Joel.

NO CONSULTATION. Sa pagkakaalam ni Lamangan, si Senator Estrada ang naatasang tagapamagitan ng film industry kay President Noynoy Aquino, batay sa sinabi ng kapatid nito na si Kris Aquino.

Kaya nagtaka na lamang sina Direk Joel at ilang kasamahan nang ang maging FDCP chairman ay si G. Briccio Santos, na di kilala sa industriya. Ito marahil ay dahil nakabase si G. Santos sa Paris, naiulat ni Ricky Lo sa kanyang column noong September 10, bago pa man ianunsiyo ang appointment.

"Nagulat kami kasi wala man lang konsultasyon... Wala naman kinunsulta sa industriya na yun na pala ang ilalagay," sabi ni Direk Joel.

Aniya pa, "Ito ay sentiment ng mga taga-Film Academy of the Philippines, mga kasapi ng Nagkakaisang Manggagawa ng Film Industry, mga taga-Directors Guild at ibang pang grupo sa film industry, dahil nais nga namin na magkaroon ng National Film Commission para i-expand ang power ng FDCP."

Nasulat sa isang column sa isang tabloid na nagmamaktol diumano ang grupo ni Direk Joel dahil sa pagkakatalaga kay Mr. Santos sa FDCP.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero pinabulaanan ito ng direktor. "Bakit naman kami magagalit? Bakit naman ako magagalit? Hindi naman nakasalalay ang hanapbuhay ko riyan," wika niya.

"Siguro nagdamdam [din kami] dahil wala man lang kumausap sa amin. Mali pala ang sinabi na si Jinggoy. Hindi pala si Jinggoy," patuloy pa ni Direk Joel.

WHO IS BRICCIO SANTOS? Ayon pa rin sa column ni Ricky Lo, isa raw sa pinakamakapangyarihang ahensiya sa movie industry ang FDCP. Kabilang sa ilalim nito ang Cinema Evaluation Board at Film Academy of the Philippines.

Kaya ang tanong ni Direk Joel, sino raw ba sa industriya ang nakakalilala kay Briccio Santos, na isang indie filmmaker. Nabanggit ang Ala Verde, Ala Pobre na dinirek niya noong 2005 at pinagbidahan ni Ana Capri.

"O, isang pelikula. Nakita ba natin kung gaano kalawak ang kanyang kaalaman sa industriya?" tanong pa ni Direk Joel.

Sa naulat sa Pilipino Star noong September 17, matapos siyang ma-appoint, si Santos daw ay isang "award-winning filmmaker, artist, photographer, gallery owner, Southeast Asian representative to FIPA [a French audiovisual foundation] and IT entrepreneur."

Sa filmography niyang nakalagay sa website na Internet Movie Database, between 1986 to 2008, ay nakagawa siya ng anim na pelikula, kunsaan nagsilbi rin siyang writer, cinematographer at production designer sa ilan sa mga ito.

Nanalo siya in 2005 and 2006 sa Cinemanila International Film Festival, at na-nominate sa Gawad Urian noong 2006 para sa kanyang direksiyon at production design sa Ala Verde, Ala Pobre.

At sa mga matagal nang nanonood ng pelikulang Pilipino, baka matatandaan nila siya sa Mike de Leon film na Kung Mangarap Ka't Magising (1977) bilang asawa ni Hilda Koronel.

SIGWA. Ipinalabas sa Cinemalaya last July ang acclaimed movie ni Direk Joel na Sigwa na tungkol sa First Quarter Storm. Ang kilalang kabanatang ito sa kasaysayan ng Pilipinas, na popular na tawagin ding FQS, ay tungkol sa mga unang buwan ng 1970 na punung-puno ng iba't ibang uri ng protesta laban sa pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ngayon ay umiikot ang pelikula sa iba't ibang lugar sa Pilpinas. Naipalabas na ito sa Davao, Baguio at Cebu, at ipalalabas din ito sa Amerika.

In competition ang Sigwa sa Cairo International Film Festival na gaganapin sa huling linggo ng Nobyembre. Dadalo si Direk Joel sa festival.

Sa Cairo rin nanalo ng Best Picture ang Flor Contemplacion Story, kung saan nagwagi rin ang lead actress nito na si Nora Aunor ng Best Actress award.

Was he disappointed na hindi nanalo ang Sigwa sa katatapos na Cinemalaya?

"Hindi naman, kasi contest naman iyon. Depende naman iyon kung sino ang judge. Hindi porke hindi nanalo ay hindi maganda. The mere fact na siya ang pinakaraming nanonood, I think that speaks for Sigwa.

"The mere fact na ang Sigwa ang may pinakamaraming imbitasyon sa mga international film festivals, ibig sabihin marami ang naniniwala na maganda siya," pahayag ni Direk Joel.

ADVOCACY FILMS. Sa mga nakalipas na taon ay laging may entry sa Metro Manila Film Festival si Direk Joel, pero this year ay hindi siya sasali. Gusto raw muna niyang mag-concentrate sa pagdidirek sa TV at paggawa ng advocacy films tulad ng Sigwa at Dukot.

"Matagal na rin naman ako sa mainstream bagamat maganda rin naman ang ibang nagagawa ko sa mainstream. Pero parang talagang kailangan gumawa ng pelikula na nagsasalamin sa katotohanan ng bayan, kaya gusto ko gumawa ng advocacy films.

"At may audience ang advocacy films. Madaling i-market katulad ng Dukot. All over the world na ang Dukot. Balik agad ang pera dahil sa advocacy movie. Ganoon din ang Sigwa. Ganito rin ang mangyayari sa Deadline," wika ni Direk Joel.

"Maganda ang market sa advocacy films pero at the same time nakakapagpakita ka ng katotohanan, isang bagay na dapat ipakita dahil magiging dokumento na ito ng kasaysayan."

Ang Deadline ay tumatalakay sa pagpatay sa mga journalists. Baka raw magsimula na sila ng shooting this October, pero sa ngayon ay naghahanap pa sila ng mga artistang babagay sa mga roles dito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mayroon na raw silang nililigawan na artista para maging bahagi ng movie pero hindi pa raw ito puwedeng pangalanan ni Direk Joel.

Gusto raw nilang maipalabas ang Deadline sa December 10, kasabay ng Human Rights Week.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN