Vivian Velez is all praises for Angel Locsin, disses Marian Rivera's acting

"You know, among all the actresses, siyempre marami na akong nakilalang mga artista rin, di ba? Pero si Angel talaga ang naiiba. Ibang klase siya. Talagang wala siyang sumpong, napaka-down to earth," says Vivian Velez about Imortal co-star Angel Locsin.


Malaki ang paghanga ng nagbabalik-showbiz, at tinaguriang original Miss Body Beautiful ng Pilipinas, na si Vivian Velez kay Angel Locsin. Magkasama sina Vivian at Angel sa bagong fantaserye ng ABS-CBN, Imortal, na napapanood gabi-gabi sa Primetime Bida pagkatapos ng Noah.

Panay papuri nga kay Angel ang namutawi sa bibig ni Vivian nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press sa grand thanksgiving presscon na ibinigay ng ABS-CBN para sa cast, directors, at staff ng Imortal, na ginanap kagabi, October 11, sa Dolphy Theater.

"Fan talaga ako ni Angel," sambit ni Vivian. "Kasi sa mga artista ngayon, she's so down to earth. Tapos I was not wrong kasi ngayong kasama ko siya, talagang mas na-appreciate ko siya. Ang bait-bait ng batang yun at saka talagang totoong tao siya.

"You know, among all the actresses, siyempre marami na akong nakilalang mga artista rin, di ba? Pero si Angel talaga ang naiiba. Ibang klase siya. Talagang wala siyang sumpong, napaka-down to earth.

"Tama yung sinasabi ni John Lloyd [Cruz], walang plastik yun, ha. She's so maasikaso sa aming lahat."

BECAUSE OF ANGEL. Isa raw si Angel sa dahilan kaya tinanggap niya ang Imortal at binalikan ang mundo ng showbiz. Ang huling drama series na ginawa ni Vivian ay ang Rio del Mar, produced by TAPE Inc. at ipinalabas sa GMA-7 noong February 1999 hanggang March 2001.

Bakit sa Kapamilya network niya napiling gumawa muli ng teleserye?

"Kasi nandito si Angel, e. At saka nandito ang Imortal," nakangiti niyang sagot.

"But seriously, it just came at the right time kasi katatapos ko lang kay Marilou Diaz-Abaya. So, I was with her for two years at nag-study ako ng filmmaking.

"Actually, in-offer sa akin yung Imortal ng creative team because Henry Quitain (creative head) was my classmate. So, before they were asking me but sabi ko, 'No, I'm not ready because I want to finish my filmmaking.' Kasi akala nila okay na ako to go back to the business.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero nung sinabi nila na Angel at saka Imortal, umoo na ako because yung Lobo lang talaga ang tinapos ko. Yung Lobo lang talaga ang napanood ko," sabi ni Vivian, na ang tinutukoy ay ang unang teleserye ni Angel sa bakuran ng ABS-CBN kasama si Piolo Pascual.

"Kasi even in school," patuloy ng actress, "ina-analyze talaga namin yung Lobo, yung lighting, yung ganun-ganun. Kasi siyempre, it's also part of the course. Tapos nung inumpisahan ko nang panoorin, nagustuhan ko siya, so tinuloy-tuloy ko na."

Nakikita niya ba kay Angel yung kabataan niya noong araw?

"Hindi, kasi mabait si Angel, e," pabiro pero diretsang sagot ni Vivian. "I mean, you know, I live my life to the fullest. I enjoyed it.

"Si Angel kasi disciplined. E, ako, rebelde ako, e, di ba? Ina-admit ko naman. Pero nagbago na ako ngayon kasi may mga anak na ako."

Bilang Miss Body Beautiful, sino sa tingin niya sa mga kabataang artista ngayon ang puwedeng magmana ng kanyang titulo?

"Definitely Angel. Di ba voluptuous? Type na type ko talaga si Angel," sambit ni Vivian.

JOHN LLOYD CRUZ. Bukod kay Angel, pinuri rin ni Vivian ang isa pang bida ng Imortal na si John Lloyd Cruz.

"Si John Lloyd, super bait. Yung akala mo minsan serious, di ba? At saka very ano siya sa lines niya, may direksiyon.

"At saka, you know, di ba, nung panahon namin, di ba pasaway kami? Sa totoo lang. Pero ngayon, iba sila, talagang mga professional sila, super. Pag sinabi mong 7 o'clock ang call time, 7 o'clock nandun sila. Walang superstar. Si John Loyd at saka si Angel, wala.

"Minsan nga nauuna kami sa tent, tapos wala nga sila minsang maupuan. Wala lang, nandun lang sila, nandun lang sila sa tabi. Can you imagine? E, noong araw, kami, hindi puwede yun, di ba?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

REMAKES OF HER MOVIE. Nagsimula sa showbiz si Vivian noong mid-'70s. Pero sumikat siya at nagkaroon ng hit movies noong '80s hanggang '90s.

Ilan sa mga sikat na pelikula ni Vivian ay nagawan na ng remake sa telebisyon gaya ng Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang ng GMA-7, kung saan ginampanan ni Marian Rivera ang role niyang Proserfina noon; at ang Pieta ng ABS-CBN, kung saan si Krista Ranillo naman ang gumanap sa kanyang role na Martha.

Sabi ni Vivian, hindi niya raw nagustuhan ang mga TV remakes ng pelikula niya dahil marami ang nabago sa istorya.

Pero ang mas matinding rebelasyon ni Vivian ay ang hindi niya pagkagusto sa pagganap ni Marian sa Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang.

"Hindi bagay. Sorry, that is my [opinion]. Akin yun, e. Hindi bagay," sabi niya.

Hindi niya rin daw nagustuhan ang acting ni Marian dito.

"Kasi alam n'yo nung ginagawa namin yung Hinugot, napaka-complex nung character nung babae, very, very complex. Ang kailangan lang talaga doon...kulang ng anghang. Si Marian kasi, mukhang mabait, di ba?"

Kung siya ang pipili ng gaganap kay Proserfina, kanino niya ibibigay?

"Bagay pa kay Angel," sagot ni Vivian. "Si Angel naman kasi, napakagaling na artista. You watch out for her. She's really, really good. Minsan sa set namin, nagugulat ako sa kanya. Magaling talaga si Angel."

Bukod sa Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang, ano pang movie niya ang gusto niyang ipa-remake kay Angel?

"Yung Paradise Inn. Ako na yung gaganap na Lolita Rodriguez, tapos si Angel na yung Vivian Velez. Di ba, kasi mother and daughter yun? Yun, bagay kay Angel yun."

Ang Paradise Inn, directed by Celso Ad Castillo, ang nagbigay kay Vivian ng dalawang Best Actress awards—sa 1985 Metro Manila Film Festival at sa FAMAS noong 1986.

Nanalo ring Best Actress sa Film Academy of the Philippines si Vivian noong 1984 para naman sa pelikulang Pieta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SHOWBIZ, THEN & NOW. Ano ang mas gusto niyang sistema sa showbiz, yung noon o ngayon?

"Hindi mo maiko-compare," sabi niya. "Masarap lang kasi noon, masaya. Kasi lahat ng artista may individuality.

"Ngayon kasi, because of the network, may direksyon lahat, e. Kung ano yung sinabi sa iyo ng management, iyon ang gagawin mo.

"Kami noon, may kanya-kanya kami. May positive at negative. Pero as an individual na artista, mas okay noon kasi mas meron kang freedom."

Ano ang feeling niya na hanggang ngayon ay maganda pa rin ang treatment sa kanya at maganda ang pag-welcome sa pagbabalik-showbiz niya?

"Siyempre, masaya because ang babait nila—from the producers, the directors, the cast and the staff. Grabe sina John Lloyd at saka si Angel, totoong tao talaga," sambit ni Vivian.

Puwede niya bang sabihin na she has done something good in the past kaya hanggang ngayon ay nirerespeto pa rin siya ng showbiz?

"That's a good question. I think so. Siguro naman," sagot niya.

WANTS TO DIRECT. Bukod sa pag-arte, ang gusto talagang gawin ni Vivian ngayon ay ang magdirek at mag-produce.

Dati na siyang nagpo-produce ng ilan sa kanyang mga sariling pelikula noon. Gusto naman niyang subukan pagdidirek. Kaya nga raw siya nag-aral ng filmmaking under Direk Marilou Diaz-Abaya.

"Produce and direct, 'yan ang talagang gusto ko. Nag-graduate ako sa filmmaking last December. Pero hindi ko masasabing nag-graduate ako hangga't hindi ako nakakagawa ng pelikula.

"Kaya lang siyempre, sino ba ang magtitiwala sa akin, di ba? Kasi siyempre, I have yet to prove myself as a director. Sana mabigyan ako ng opportunity," asam niya.

Kung siya ang masusunod, gusto niya raw idirek kahit sa isang indie film si Angel Locsin.

"Gusto ko si Angel, kung papayagan siya ng Star Cinema. Kasi gusto ring mag-indie ni Angel, e."

FAMILY & BUSINESS. Happily married na si Vivian sa kanyang Canadian-German husband na si Sam Groskopf. Wala silang anak, pero may dalawang anak si Vivian sa kanyang dating Israeli husband—sina Patrick, 16, at Daniel, 14.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May hilig din ba sa showbiz ang dalawa niyang anak?

"Wala, e. Hindi pa marunong mag-Tagalog, e. Yung isa, yung younger, gustong maging NBA [player], sa basketball gusto," sabi ni Vivian.

Habang wala raw sa showbiz ay naging busy rin si Vivian sa kanilang business.

"I have a marketing firm," banggit niya. "My husband is an investment banker. Most of our corporations are all diverse.

"Pero ako kasi, I was the one who put up the marketing business, mga environmental concerns...marami, iba-ibang products, e. We're so diverse. Merong mining, merong commodities."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN