April Boy Regino on his life in the U.S.: "Doon, tao ka pala, hindi ka hari."

"Siyempre dito sa Pilipinas, ang laki ng bahay ko, ang dami kong sasakyan. May katulong, driver, bodyguard. Pagdating mo doon, sarili ninyo lang. Apat lang kayo, walang nag-aasikaso, kanya-kanya lang kayo... Ang buhay pala hindi yung isang pitik lang lalapit na yung mga katulong sa iyo. Doon, tao ka pala, hindi ka hari," says April Boy Regino about his life in the U.S.


Samu't sari ang mga isyu ngayon tungkol sa nagbabalik na recording idol na si April Boy Regino. Isa na rito ang pagiging bigo raw niya sa U.S. kaya bumalik siya ng Pilipinas.

Sa interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay April Boy, ikinuwento muna niya ang rason ng pagbabalik niya dito sa Pinas ilang buwan na ang nakararaan.

"Ito yung bago kong album," sabi ni April Boy, sabay pakita niya sa album kung saan kasama niya sa cover ang kanyang anak na si JC Regino.

"Nong umuwi kami rito, kinuha kami ni Boss Vic del Rosario ng Viva Records. Pinapirma kami ng three-year contract kasama ang anak kong si JC.

"Kare-release lang ng album namin ngayong October, ang April Boy And JC Regino Idols ang pamagat. Mga original songs ang nakapaloob diyan na puro compositions ng anak ko.

"Ang carrier single namin, 'Hindi Na 'Ko Iibig Pang Muli. Yung tatak na April Boy nandiyan pa rin, pero acoustic na kami, e. Bagets na ang dating."

REASON FOR HIS RETURN. Limang taon na sa U.S. si April Boy at ang pamilya niya. Noong January sila nagbalik-Pinas para magbakasyon, pero nabigyan daw siya ng raket kaya tumagal sila dito.

Kuwento ng 41-year-old singer, "Nakita kasi kami ni Willie Revillame sa Shangri-La. Kinuha niya ako para sa kampanya ni Senator Manny Villar at ng mga mayors.

"Dapat sana one month lang kami dito, pero tumagal kami ng tatlong buwan. Natiyempuhan na halalan pala kaya nag-stay kami ng tatlong buwan.

"After no'ng halalan, bumalik kami sa U.S. no'ng May. Isang buwan lang kami sa U.S., tapos pinabalik kami ni Boss Vic no'ng June para mag-recording kami ng album. Apat na buwan na kami dito. So, ngayon, pinu-promote namin ito.

"Pero ngayong November, kailangang bumalik kami sa U.S. Hindi kami puwedeng magtagal dito ng six months para sa green card. Kailangan kasi before matapos yung six months, bumalik ka sa U.S.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Bawal magtagal ka ng over six months outside U.S. Kailangan bumalik ka," paliwanag niya.

LIFE IN THE STATES. Hindi raw mahirap ang sitwasyon nilang magpabalik-balik sa U.S. dahil limang taon na silang naninirahan doon at puwede na silang mag-apply para maging U.S. citizen.

Ang pagkakaroon ng sariling production ang siyang bread and butter daw ng pamilya ni April Boy sa Amerika. Ang sarili niyang show o concert ang ibinebenta niya sa mga Pinoy community.

Ang misis niyang si Madel ang siyang nagpapalakad ng production at siya raw ang artist nito. Ang dalawa niyang anak ang front act ng show.

Pansamantalang nahinto ang pagma-market ni April Boy ng kanyang show sa States para bigyang-daan ang recording niya rito sa Pilipinas. Aminado siyang kailangan niyang magkaroon ng bagong hit para mas maging mabango siya sa mga concert promoter.

Ang ilan sa mga naging hit songs ni April Boy ay ang mga sumusunod: "Di Ko Kayang Tanggapin," "Umiiyak ang Puso," "Paano ang Puso Ko," at iba pa.

Ang anak niyang babae na si Sharmaine ang naiwan sa kanilang bahay sa U.S.

Pinasinungalingan ni April na nagbenta siya ng bahay nila sa States dahil naghirap siya.

"Kasi ang bahay naman doon, uutangin mo lang naman doon. Pag nautang mo, babayaran mo unti-unti. Wala namang tumatagal na 30 years para mabayaran ang isang bahay. Palipat-lipat kami.

"Noong una, wala kaming credit history. Halos lahat naman nahihirapan sa una. Kahit nga cell phone, bago ka magkaroon ng ganito, kailangang meron kang credit history. Kailangan pinapautang ka ng bangko.

"Kung wala kang credit history, wala kang mauutang na cell phone, wala kang sasakyan, wala kang bahay. Kaya ang ginawa namin noong una, gumamit kami ng ibang pangalan para makautang sa bangko. Yung guarantor," kuwento niya.

Sinabi rin ni April Boy sa PEP kung magkano ang halaga ng bahay niya sa U.S.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


"Yung unang bahay namin sa Downey, California, malapit sa L.A. ay 661,000 dollars. Masyadong mahal yun. Kulang-kulang sa 5,000 dollars monthly ang hulog namin. Ang bigat no'n!

"Unang dating kasi namin, e, gusto naming magkaroon ng bahay agad. Pero three months kaming walang bahay. Nakitira lang kami sa kaibigan namin.

"Tapos, lumipat kami sa Las Vegas, 300,000 dollars. At mas mababa ang hulog doon. Four bedrooms yun," lahad niya.

JUST A VACATION. Iginiit ni April Boy na bakasyon lang ang ipinunta nila rito sa Pinas at hindi para manirahan uli dito.

"Nagkataon lang talaga na nakuha tayo sa halalan," sabi niya. "E, mas malaki ang kita sa halalan. Tapos, kinuha nga kami ni Boss Vic.

"Dapat nga magre-retire na ako. Sinabi ko sa misis ko na hindi na ako kakanta. Nagkakaedad na ako. Pero siyempre, gusto pa ng tao na panoorin ako sa U.S. kaya sinasamantala ko na lang."


Kung sakali mang iwan na ni April Boy ang pagkanta, mabubuhay naman daw siya nang maayos sa U.S.

"Madali lang naman ang buhay namin sa U.S., e. Hindi katulad dito na show ka nang show. Doon, isang show lang ako sa isang buwan, buhay na, dollars ang kinikita mo.

"Mas masarap doon, walang kapagod-pagod. Para ka lang pahinga-pahinga. Ang ano mo lang doon, ipu-promote mo ang show mo.

"Parang yung mga artista din dito na nagpupunta sa U.S., pagdating doon, nagsu-show sila. Nagpu-promote din sila."

FIRST FEW MONTHS IN THE U.S. Hindi naman itinanggi ni April na nagdaan din sila sa hirap noong bagu-bago pa lang sila sa U.S.

"Noong mga unang mga buwan namin, kasi wala kaming sasakyan. Makikiusap ka sa mga kaibigan mo na, 'Kung puwedeng ipasyal n'yo naman kami kasi wala kaming sasakyan.'

"Pag wala silang time o hindi kami mapahiram ng sasakyan, ang ginagawa namin, yung bilihan sa 711, nilalakad lang namin. Mga dalawang kilometro. E, miles doon, e. Ang layo!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos ang kuwarto namin, ganito lang kaliit. Isang kama. Tapos yung mga anak ko, sa carpet natutulog, sa sahig.

"Siyempre dito sa Pilipinas, ang laki ng bahay ko, ang dami kong sasakyan. May katulong, driver, bodyguard. Pagdating mo doon, sarili ninyo lang. Apat lang kayo, walang nag-aasikaso, kanya-kanya lang kayo.

"Sa bahay, ang misis ko ang nagluluto. Ako ang naghuhugas ng plato. Yung mga anak ko ang naglalampaso, naglilinis ng bahay. Kanya-kanya.

"Yun nga lang, natutunan naming mabuhay sa sarili naming paa. Ang buhay pala hindi yung isang pitik lang lalapit na yung mga katulong sa iyo. Doon, tao ka pala, hindi ka hari.

"Dito, ang tingin sa iyo parang hari dahil sinisilbihan ka ng katulong. Minsan pagagalitan mo pa. Doon, wala kang pagagalitan dahil sarili mo ang gagawa, e.

"Pero enjoy ako. Ngayon masarap ang buhay ko. Kaya nga sinabi ko sa misis ko na, 'Bakit pa tayo babalik ng Pinas, e, ang sarap-sarap na ng buhay natin dito sa Amerika?' 'Hindi, magbabakasyon lang tayo.'

"Nauna siyang umuwi no'ng first week of January. Kami mga last week of January. Hindi ko naman inaasahan na halalan lang pala. Nataong may eleksiyon kaya ayun.

"No'ng makita ako ni Willie Revillame sa Shangri-La Hotel, four days pa lang ako, kinausap niya ako para kumanta sa mga kampanya ni Senator Villar."

Naging maganda rin naman ang pag-uwi ni April Boy ng Pinas dahil nagawa niyang ipaayos ang kanyang bahay sa Marikina na nasalanta dahil sa bagyong Ondoy noong nakaraang taon. Pinapinturahan niya ito at ipinagawa rin niya ang kanyang mga sasakyan.

Umabot nga raw sa 500,000 pesos ang nagastos niya sa pagpapaayos sa bahay at sa kanyang mga sasakyan.

APRIL BOY'S HEALTH. Kapansin-pansin lang ang labis na pangangayayat ni April Boy ngayon.

Unang rason niya sa amin ay ang mas mukha raw kasing bata pag payat. Gusto raw niyang sabayan ang anak niyang lalake sa pangangatawan nitong payat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero nang tanungin namin siya kung healthy ba siya, sinabi niyang mayroon siyang sakit na diabetes.

"Nagpatingin ako at sabi nga may diabetes ako," banggit niya. "Sinabi sa akin ng doktor na dahan-dahanin ko raw ang pagkain. Malakas akong kumain, e. Huwag daw akong masyadong magkakain, lalo na sa rice, malakas daw sa sugar yun. Tapos yung prutas, konti lang.

"Kumonti na ang pagkain ko. Lakas akong kumain dati, tapos umiinom pa ako ng beer. Buti na lang mababa pa yung level ng diabetes. Torture nga lang dahil siyempre iniisip mo na meron ka.

"Nagtataka nga ako kung bakit meron ako, e, ang bata ko pa. Sabi ng doktor, mana-mana raw. Kasi yung lola ko, namatay sa diabetes. Na-wheelchair tapos namatay. Ang nanay ko, may diabetes.

"Noong nagpatingin ako, meron akong diabetes. Nagpatingin ako bago ako umalis papuntang U.S.

"Maganda sa U.S. kasi libre ang gamot, tapos ang daming pagkain. Alam mo bang nabuhay kami doon na puro pakain sa amin ng mga Pilipino?

"Kailangang puntahan mo sila pag nag-invite sila. Kailangang puntahan mo kasi naghanda sila. Pag hindi mo napuntahan at yung iba napuntahan mo, magtatampo naman sila. So, kailangan mong puntahan talaga.

"Araw-araw, lahat ng mga tao, gusto kang pakainin. Ang pagkain namin doon, lahat libre. Di ba, maraming Filipino resto doon? Araw-araw, pinapapunta kami doon. Minsan dalawa, tatlong kainan ang pinupuntahan namin. May mga pabaon pa.

"Sinasabi ko nga sa misis ko na, 'Mahal, nagsasawa na ako sa mga pagkain. Puwede bang huwag na tayong pumunta muna sa mga bahay-bahay, sa mga resto?' Pero siyempre, magtampo pag hindi mo napagbigyan. Alam mo ba kung ano ang kapalit no'n? Picture lang. Yung makapagpa-picture lang sila sa iyo."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN