UPDATED Maggie Wilson reveals unpleasant experience during Miss World 2007 competition

"When I was competing in China, I was physically harassed by our sponsors. Hinawakan yung puwet ko, tapos yung ibang girls, dinakma ang boobs!" reveals Maggie Wilson about her experience at the Miss World beauty pageant in 2007.


Isa pang beauty queen ang naglabas ng kanyang saloobin tungkol sa founder at chairman ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) na si Stella Marquez Araneta. Ito ay ang Bb. Pilipinas-World 2007 na si Maggie Wilson.

Sa presscon kagabi, October 12, ng kinabibilangang primetime series ni Maggie sa GMA-7, ang Beauty Queen, ay naungkat ang tungkol sa nangyari sa kanya nang sumali siya sa Miss World beauty pageant, na ginanap sa Sanya, China, noong 2007.

ELUSIVE TITLE. Nagsimula ang lahat nang naitanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Maggie kung bakit sa palagay niya ay mailap ang Miss World crown sa Pilipinas.

Sa major international beauty pageants kasi ay tanging sa Miss World lang wala pang korona ang Philippines. Mayroon na tayong dalawa sa Miss Universe (Gloria Diaz in 1969 and Margie Moran in 1973) at apat sa Miss International (Gemma Cruz in 1964, Aurora Pijuan in 1970, Melanie Marquez in 1979, and Precious Lara Quigaman in 2005).

Ang pinakamalapit na nakuha nating puwesto sa Miss World ay nang maging first runner-up si Evangeline Pascual noong 1973.

Ayon kay Maggie, "I don't think there's a problem. I just think if it's really for you, it's really for you, di ba?

"Kung naging beauty queen ako, kung nanalo ako, e, di hindi ko makikilala yung magiging asawa ko, di ba?"

Ang tinutukoy ng beauty queen-actress ay ang businessman na si Victor Consunji, na papakasalan niya on December 18, 2010.

"So I'm happy where I am now," patuloy ni Maggie. "I think also the girls need to be trained some more. Kailangan nila ng mas...a lot more training."

Sa palagay ba niya ay kulang ang training sa mga beauty queen dito sa Pilipinas?

"Oo. I think talaga kulang ang training," sagot niya.

MAGGIE'S REVELATIONS. Pagkatapos nito ay may nagtanong kay Maggie kung nakuha na ba niya ang lahat ng premyo niya sa pagiging Binibining Pilipinas winner.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"No comment!" ang natatawang isinagot ni Maggie.

"Off the record, sasabihin ko sa inyo," pahabol pa niya.

Hindi kaya magalit sa kanya si Mrs. Marquez-Araneta sa reaksiyon niya?

"Ay, matagal nang galit sa akin si Stella, 'no! Matagal na," nakakagulat na rebelasyon ni Maggie.

Kumpara sa ibang beauty queens na nagmula sa Binibining Pilipinas—gaya ni Maria Isabel Lopez (Bb. Pilipinas-Universe 1982)—ay tila hindi very vocal si Maggie sa kanyang saloobin, dahil ito ang unang pagkakataon na nalaman ng press na galit sa kanya ang tinatawag na Madam Stella.

"Ay, hindi. Alam ng mga nagtatanong sa akin kung ano talaga ang nangyari sa akin sa Binibini. Oo, hindi talaga ako happy noon," sabi ni Maggie.

MISS WORLD EXPERIENCE. Ano ba ang nangyari at hindi siya masaya kay Madam Stella?

"Why I am not happy with her? I guess because when I was competing in China, I was physically harassed by our sponsors. Hinawakan yung puwet ko, tapos yung ibang girls, dinakma ang boobs! Siyempre, hindi nilabas sa press kasi nasa kontrata ko, bawal," pagsisiwalat ni Maggie.

Aniya pa, "Chinese sponsors sila, isang malaking kumpanya. Nabastos ako. Ay, sinampal ko talaga siya, 'no! Yung humawak sa akin. Sabi ko, 'Don't touch me!' Ginanun ko siya."

Hindi pa raw tapos ang Miss World pageant noon, pero wala raw pakialam si Maggie.

"Dyusko, I'd rather have my dignity, di ba? I'd rather have my dignity than pumayag ako na bastusin ako para manalo ako, di ba?

"Nang tumawag ako kay Stella, sinabihan niya ako na tapusin ko, wala siyang ginawa. Gusko ko nang umalis, ayoko na, sinabihan lang niya ako na 'Just finish it, you have to finish it.'

"Sabi ko... You know, wala na akong nagawa. And naano ako sa kanya dahil wala siyang ginawa para matulungan ako or anything. So, na-put off ako. Tinapos ko siya [the pageant], pero alam ko na noon na ayokong manalo," lahad ni Maggie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit?

"Kasi yun nga... Yung Miss World din, wala rin silang ginawa. Yung organization mismo wala rin silang ginawa," himutok niya.

Hindi lang siya ang kandidata na naka-experience nun?

"Hindi, 80 percent ng girls, binastos!" sabi ni Maggie.

"Kasi nung dumating kami, alas-diyes na [ng gabi], tapos lasing na yung mga sponsors. Tapos yung ginawa nila, two girls per table, puro lalaki lahat.

"Sabi ko, 'Hindi ako prostitute, beauty queen ako, ambassadress ako ng country ko, hindi ganito dapat ang turing ninyo sa akin.'

"Tapos siyempre, parang na-put off talaga ako sa pagiging beauty queen, na parang, 'You know what, if I have to sell myself to these people, huwag na lang.'"

Ano ang ginawa nung Chinese pagkasampal niya?

"Wala, siyempre nagulat siya sa akin. Tapos in-English ko siya, hindi niya ako maintindihan. Pero nakita niya Philippines ang sash ko," sabi ni Maggie.

CUTTING TIES WITH BB. PILIPINAS. Pag-uwi niya sa Pilipinas, kinumpronta ba niya si Mrs. Araneta?

"Hindi na," sagot ni Maggie.

Hindi na sila nag-usap?

"Hindi na. Sinabihan ko lang siya na parang, 'I'm done!' Na magtatrabaho na ako with GMA.

"Kasi nung time na yun, ayaw niya akong mag-soap, pinatigil niya lahat ng trabaho ko. Wala lang, kasi ayaw lang niya ma-expose yung girls siguro.

"So, nung pagbalik ko from Miss World, nag-usap na kami ng manager ko na si Tito Neil [de Guia], na mag-i-start na talaga ako ng work sa ayaw at sa gusto ni Stella. Kasi kailangan ko ring magtrabaho, 'no, kailangan ko ring kumita, di ba?"

BEAUTY QUEEN. Masaya si Maggie na binigyan siya ng matinding project ng GMA-7, ang Beauty Queen. Mga ganitong kapangitan daw sa mga beauty pageant ang ipapakita sa kanilang programa na pinagbibidahan ni Iza Calzado.

"Kasi ang story nitong Beauty Queen is about the good, the bad, and the ugly. Yung mga hindi nakikita ng mga tao sa TV.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi yung konsepto ng mga tao sa beauty pageants, napaka-glamoroso, di ba? Hindi nila alam talaga kung ano ang nangyayari behind the scenes. Kaya ito, ipapakita," sabi niya.

Ano ang advice niya sa mga sasali sa pageants?

"Ang problema kasi sa akin noon, nung 17 ako, hindi pa ako ready. Parang isinabak lang ako, hindi pa ako ready.

"Sabi ko nga, if I had one more year to prepare, matatanggap ko lahat. Okay yung ano ko, mape-prepare ko yung sarili ko.

"Sa mga gustong maging beauty queen, kung nasa puso talaga nila, sumali sila," saad ni Maggie.

Hindi naman daw sa lahat ng panahon at hindi sa lahat ng pageants ay may nagaganap na pambabastos.

"Hindi naman sa lahat ng beauty pageants nangyayari 'yon. Nagkataon lang nung taon ko, nangyari 'yon.

"Kasi kinausap ko rin yung mga beauty queens bago sa akin, e. Wala naman silang naging problemang ganun. Nagkataon lang sa taon ko," sabi ni Maggie.

NO REACTION. Sinubukan ng PEP na kunin ang panig ni Mrs. Stella Marquez Araneta sa pamamagitan ng pagpapadala ng dalawang text messages (5:20 p.m. at 5:52 p.m.) sa Corporate Affairs ng BPCI, pero wala kaming natanggap na sagot.

Mananatiling bukas ang PEP kay Mrs. Stella Marquez Araneta at sa BPCI kung sakaling nais nilang sagutin ang mga naging pahayag ni Maggie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN