Direk Joey Reyes to Kimerald fans: "Why are you hurting them?"

"Sana naman, ma-realize ng mga tao na ang mga batang iniidolo at minamahal natin at patuloy naming binibigyan ng pag-aaruga ay mga tao rin. Mga tao rin sila na may pribadong damdamin, na mga tao ring may karapatan sa sarili nilang kaligayahan," says writer-director Joey Reyes about the obsessive fans of Gerald Anderson and Kim Chiu.


Masaya ang pagsisimula ng presscon ng Till My Heartaches End kahapon ng tanghali, October 12, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN bago naganap ang emotional breakdown ng lead young actor na si Gerald Anderson, habang katabi niya at seryosong nakikinig ang leading lady niyang si Kim Chiu.

Masalimuot ang pangyayari ngayon sa buhay ni Gerald, bunga ng napabalitang ugnayan nila ng kapwa-Kapamilya star na si Bea Alonzo, at ang sinasabing hiwalayan nila ni Kim Chiu.

Sangkot sa isyu ang malaking hukbo ng tagahanga nina Kim at Gerald—ang Kimerald fans—na tila napaka-obssessive ng pag-a-idolize sa dalawa, to the point na may lumabas na mga ulat ng pagbabanta laban kina Gerald at Bea, na labis ikinasama ng loob ng young actor.

Matapos ang pagbe-breakdown ni Gerald ay umalis ito sa kanyang upuan at hanggang sa pagtatapos ng presscon ay hindi na nakabalik. Nag-hyperventilate, ayon sa isa nitong staff, at kailangan nang magpahinga muna ni Gerald.

Sa puntong 'yon, nag-react ang direktor ng pelikula, si Jose Javier Reyes, sa nasaksihan niyang eksena.

"Sana naman, ma-realize ng mga tao na ang mga batang iniidolo at minamahal natin at patuloy naming binibigyan ng pag-aaruga ay mga tao rin. Mga tao rin sila na may pribadong damdamin, na mga tao ring may karapatan sa sarili nilang kaligayahan," pahayag ng writer-director.

Nauunawaan daw ni Direk Joey ang damdamin ng mga tagahanga, o ng publiko, na naniniwala ring ang mga artista ay so-called "public property." Pero may paliwanag din siya tungkol sa bagay na ito.

Aniya, "Kahit pag-aari natin sila dahil bahagi sila ng ating hinahangaan, may kabilang side 'yon, which is their tunay at pribadong buhay.

"Kung minsan lamang ay hindi natin alam na dahil sa tindi ng pagmamahal natin sa imahen nila, nasasaktan natin sila sa kanilang pribadong buhay. At kasing-halaga ang kanilang pribadong buhay ng kanilang public image."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

APPEAL TO KIMERALD FANS. Looking back, nabuo ang team-up nina Kim at Gerald matapos ang Pinoy Big Brother (PBB) Teen Edition noong 2006. Nagsama sila sa una nilang teleseryeng Sana Maulit Muli sa ABS-CBN. Since then, napatunayan ang totoong lakas ng team-up, mapa-teleserye o maski sa pelikula.

Sabi ni Direk Joey, "Alam natin na hinangaan sina Kim at Gerald dahil ang pagkakaibigan at kung anumang relasyon meron sila ay nakita nating umusbong sa ating mga mata dahil sa PBB.

"Para tayong nanilip sa buhay nila, mula sa kanilang pagkakakilala hanggang sa inabot nila itong kinalalagayan nila ngayon, na kinaiinggitan ng karamihan at hinahangaan ng mas marami.

"Sana lamang, bigyan din natin ng nauukol na sensitibong pagmamahal. Dahil may karapatan din sila sa kanilang sariling kaligayahan. Di po ba?

"Dahil kung tutuusin ninyo, higit na malaking inspirasyon ang ibinigay ng dalawang batang ito sa napakarami, dito sa mundo nating ang gulo-gulo at kung minsan ay puro masasamang balita lamang ang nasasagap.

"Huwag na natin silang saktan," pakiusap ng direktor.

REEL-AND-REAL-LIFE TANDEMS. Masasabing hindi lang premyadong direktor ng TV drama at pelikula si Joey Reyes. Beteranong direktor din siya ng love teams, o mga pareha na nagkataong may totoong relasyon, habang ginagawa ang mga projects na nag-iwan ng matinding tatak sa isipan ng mga manonood.

Kabilang dito ang team-ups noong early '90s nina Richard Gomez at Dawn Zulueta (Iisa Pa Lamang), Aga Muhlach at Aiko Melendez (May Minamahal), Carmina Villarroel at Rustom Padilla (Hindi Magbabago), hanggang sa kasalukuyang panahon.

Ano nga ba ang kaibahan ng pakikipagtrabaho niya sa screen and real-life lovers noon at sa kasalukuyan with Kim and Gerald in 'Till My Heartaches End?

Nagbalik-tanaw bigla si Direk Joey.

Aniya, "Naalala ko yung kauna-unahang love team na idinirek ko, yung kay Dawn at Richard, yung Iisa Pa Lamang. That was years ago," pagtukoy ni Joey sa 1991 movie ng Richard-Dawn tandem.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nag-iiba-iba, e. In the sense that, kasi ang relasyon ng bawat love team ay nagre-reflect sa kapanahunan, kung kailan sila sumisikat.

"Ibang-iba ang loveteam nina Dawn at Richard, through the years, sa uri ng relasyon na nakita ko kina Kim at Gerald sa movie na ito.

"Sa tunay na buhay, kahanga-hanga ang pinagdadaanan nila. Wala akong nakikitang tensiyon. They care for each other, so why are you hurting them? They're just doing their jobs and they have their following," wari'y inulit ni Direk Joey ang kanyang panawagan sa masusugid na tagahanga ng dalawa niyang artista.

ART IMITATES LIFE. Sa mga pahayag din ni Direk Joey ay masasalamin ang katotohanang hindi nga nalalayo sa totoong buhay at karanasan sa pag-ibig ng sikat na mga idolo ang kuwento ng pag-iibigan ng mga tauhang ginagampanan nila sa Till My Heartaches End—siKim bilang Agnes at Gerald bilang Paolo—na dumaan sa iba't ibang pagsubok sa kanilang relasyon.

Pero ayon kay Direk Joey, "Bigyan lang natin ng konting panahon, bigyan natin ng kaunting pag-iisip, ay darating at darating ang araw na you look back and say gano'n lang pala 'yon.

"Dahil kung minsan talaga, isa sa pinakamalaking pagkakamali ay 'pag sobra-sobra nang minahal ang isang tao, na nagugulat ka at di mo nakikita ang mas importanteng reyalidad sa buhay."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN