Singer-comedian Blakdyak blames piracy for lack of offers

"Masyado kasing pinapatay ng piracy ang recording industry, kahit nga ang pelikula apektado rin. Hangga't may piracy, malabong yumabong ulit ang paggawa ng album. Kaya naman kung titingnan mo, maraming magagaling na singers ang bakante at walang trabaho," says Blakdyak.


Dahil humihina na ang raket at paggawa ng album ay minabuti na lang ng singer-comedian na si Blakdyak na magtayo ng kanyang sariling negosyo para may pagkunan ng pang araw-araw na gastusin ang kanyang pamilya.

Isang restaurant ang negosyo ni Blakdyak, ang Blakdyak's Inasal Grill na matatagpuan sa Fairview, Quezon City

"Matagal ko nang gustong magkaroon ng restaurant. Pero yun nga, kailangan munang mag-ipon ng capital. Kasi hindi naman biro-biro ang gagastusin mo sa pagtatayo ng ganitong negosyo," sabi niya nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa telepono noong October 11.

"Kaya naman wala akong ginawa kung hindi kumayod nang kumayod. Kanta dito, kanta doon para makaipon. Kaya nga mas pinili ko ang mag-abroad noon kesa manatili sa bansa para mas malaki ang kita.

"Yun yung mga panahon na medyo matumal yung dating ng trabaho sa akin. Buti na lang may mga alok sa akin na mag-perform abroad kaya yun muna yung pinagkaabalahan ko. Kaya medyo nakaipon-ipon ng kaunti.

"At nang makalikom na ako ng sapat na salapi para magkaroon ng restaurant, naghanap kaagad ako ng puwesto at bumili ng mga gamit. At 'eto na ang katas ng pagsisikap at tiyaga.

"Sobrang saya ko kasi sa wakas, natupad na rin yung matagal ko nang pangarap na magkaroon ng sariling restaurant, at least may pagkukunan na kami ng mga gastusin namin sa pang-araw-araw.

"Ngayon kasi, mas lalong tumutumal ang dating ng trabaho kaya kailangang dumiskarte ka. Mahirap namang maubos yung inipon mong pera. Dapat mas lumago yung naipon mo kaysa unti-unting maglaho, kaya nakaisip kong magnegosyo."


THE EFFECT OF PIRACY. Piracy ang itinuturong dahilan ni Blakdyak kung bakit naapektuhan ang kanyang recording career.

"Masyado kasing pinapatay ng piracy ang recording industry, kahit nga ang pelikula apektado rin," sabi niya. "Hangga't may piracy, malabong yumabong ulit ang paggawa ng album. Kaya naman kung titingnan mo, maraming magagaling na singers ang bakante at walang trabaho.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sino ba naman kasing record producer ngayon ang susugal ng milyun-milyon sa isang singer, tapos pag labas pa lang sa unang araw, napirata na. E, di talo at lugi na sila kaagad. So, imbes na mag-produce ng album, ibang negosyo na lang ang papasukin nila.

"Kaya nga mga big recording company na lang ang nakaka-afford na gumawa ng album. Pero hindi tulad ng dati na sunod-sunod. Ngayon, yung mga sikat na singers na lang ang makikita mong may bagong album. Sino bang makikita mong palaging may bagong album? Di ba yung mga sikat? Dahil siguradong maraming mga fans nila ang bibili.

"O kaya, ikaw ang magpo-produce ng sarili mong album para magkaroon ka. Pero sugal yun kasi hindi mo alam kung makakabawi ka. Imbes naman kasi na bilhin yung album mo, mas bibilhin na nila yung nabibili nila sa bangketa ng 30 pesos, minsan nga may nakita ako sampung piso na lang. Nakakalungkot."

Ilan sa mga kantang pinasikat ni Blakdyak ay ang "Modelong Charing" at "Bikining Itim."

RECORD PRODUCER. Bukod sa kanyang restaurant ay may ibang negosyo pang gustong pasukin si Blakdyak.

"Meron akong naiisip, pero kailangan ko pang pag-ipunan ulit kasi medyo magastos din yun. Balak ko kasing magtayo ng sariling production na tutulong sa aspiring singers na walang kakayanan na gumastos para sa kanilang album.

"Bale yung production ko ang magpo-produce ng album ng mga mahuhusay na baguhang singers, yun bang susugalan namin. Pero matagal-tagal pa yun. Masyadong malaki kasi yung nagastos ko dito sa restaurant, ipon muna ulit."

Hindi ba niya nami-miss ang pag-arte sa telebisyon at pelikula? Noong kasagsagan kasi ng kanyang career ay nakagawa siya ng ilang pelikula para sa Viva Films.

"Siyempre, nami-miss ko rin," sagot ng Best Novelty Artist of the Year awardee ng Star Awards for Music. "Kasi, hindi mo naman basta-basta na lang makakalimutan ang pag arte dahil minsan ko rin siyang ginawa at diyan ako nakilala bilang isang comedian.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yun nga lang, ganyan talaga ang buhay. Noon, marami kang acting projects. Pero paggising mo na lang isang umaga, wala na.

"Hopefully, sana makaarte ako ulit. May producer sana na kumuha ulit sa akin at isama ako sa kanilang pelikula o kaya bagong TV show.

"Kaya nanawagan ako sa mga film producer at sa lahat ng TV networks na kunin ako dahil miss na miss ko na ang-pag arte!" natatawang sabi ni Blakdyak.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN