Charice Pempengco enjoys one-week vacation in Manila before major concert in New York City this November 30

Ang pop singer na si Charice Pempengco ay nandirito ngayon sa Pilipinas para magbakasyon at magkuwento tungkol sa mga susunod niyang plano para sa industriya ng musika. Bukod doon ay magbibigay linaw din siya sa mga intriga tungkol sa pagiging insecure diumano niya sa isang bagay na ibananggit ng mentor niyang si David Foster.


Kagagaling lang ni Charice Pempengco sa kanyang Asian concert tour at nandirito siya ngayon sa Pilipinas para magbakasyon muna kasama ang kanyang pamilya sa bahay nila sa Tagaytay. Ngunit ang bakasyon na ito'y panandalian lamang dahil marami pang kailangan gawin ang international pop star.

Kabilang sa mga aasikasuhin ni Charice ay ang pagbabalik niya bilang Sunshine Corazon sa sikat na U.S. television series na Glee. Bukod doon ay sisimulan na niyang i-record ang 2nd international album niya. Ikatlo ay ang pagperform niya kasama ang iba pang sikat na mangangawit sa "Christmas at the Rockefeller Center Special" sa New York [mababasa ang buong istorya dito].

Sa dami ng trabaho, may panahon pa rin para pumasok ang intriga sa pintuan ni Charice. Isa na rito ang pagsabi diumano ng mentor niyang si David Foster na kukuha pa siya ng iba pang Filipino singers. Totoo ba na nagseselos at nagiging insecure si Charice?

Para sagutin ang tanong na ito at iba pang detalye tungkol kay Charice, lumabas siya nang live sa The Buzz kahapon, November 7, 2010. Mukhang maayos at relaxed ang singer at binati ang The Buzz host na si Charlene Muhlach.

Nang maitanong ni Charlene kung sandali lang si Charice sa Pilipinas, inamin ng singer na isang linggo ay matagal nang bakasyon. "For me po, e mahaba na talaga iyon kasi minsan po pag bumabalik ako dito, e two or three days," sabi niya. "One week vacation for me!"

Marami nang magandang nangyayari sa buhay ni Charice ngayon. Ano kaya ang nararamdaman niya sa patuloy na pag-angat ng kanyang kasikatan?

"Uhm, feeling ko po ay nananaginip pa rin ako," ngiti ni Charice. "Iyong dream ko po ay maging singer po dito sa Philippines, but never ko talagang [maisip] na magiging ganito."

Ano na ba ang nagbago kay Charice ngayon? Ibang tao na ba siya mula noong nakamit niya ang kasikatan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I think wala naman nagbago sa lahat," sabi niya. "Ang nagbago po talaga ay ang pangarap ko po para sa buhay namin ng family ko like sa pangangailangan namin. [Ang nagbago ay]...mga dreams ko para sa career ko at mga tao sa paligid ko po."

"FAN AKO NI NE-YO!" Kilalang-kilala na si Charice sa mundo ng Hollywood at nakikita siya kasama ang malalaking pangalan tulad ng actor na si Tom Hanks, pop singer na si Justin Bieber at siyempre, and host na si Oprah Winfrey.

Para kay Charice, ano ang pinaka-magandang experience niya sa Hollywood?

Tumawa at napaisip nang sandali si Charice pero sinabi niya, "Lahat po. Pero iyong kumanta ako kasama si Ne-Yo. Sa sobrang hiya ko , e hindi ko siya nabati. Sobrang fan ako ni Ne-Yo. Pero lumapit siya at sabi niya na gusto niya na mag-work kami together. Overwhelmed talaga ako!"

Baka naman gusto manligaw ni Ne-Yo kay Charice?

Tumawa lang si Charice at imbes lumawak pa ang usapan, ikinuwento na lang niya ang palapit na major event niya sa New York City sa November 30.

"Two days ago ko lang nalaman ang lineup," kuwento ni Charice, "and right now pinaghahandaan namin ang song na kakantahin ko sa November 30. Since mabibigat mga kasama ko, e dapat kailangan talaga na maganda ang song para doon."

GRAMMY AWARD? POSIBLE. Binanggit ni David Foster noong dumating sila ni Charice dito sa Pilipinas na naghahanap pa siya ng mga Pinoy artist.

Balita, nagseselos raw si Charice. Totoo ba ito?

Ngumiti si Charice at binanggit niya na, "Sa totoo lang po, e ako ang nagpu-push sa kanya na maghanap ng next artist from here. Pag wala kaming ginagawa, e pinapakita ko sa kanya ang mga YouTube videos dito like si Sarah [Geronimo]. Dito kasi sa Pilipinas, e marami talagang talent."

Patuloy ni Charice, "Gusto ko mag-open ng pinto para sa ibang talented singers dito sa Philippines. Gusto ko i-share sa lahat na ma-experience nila ang na-experience ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Balita na bilib na bilib si David na malapit nang magkaroon si Charice ng Grammy Awards. Ang Grammy Awards ay parangal para sa mga magagaling na musikero sa U.S. Ano ang komento niya doon?

"Lagi niya daw sinasabi niya sure daw ako na mananalo ng Grammy," sabi ni Charice. "Kung hindi ngayon, e next year. Naniniwala ako sa kanya and nagpe-pray ako."

ANG DOLL HOUSE. Sinurpresa ng The Buzz si Charice noong i-announce nila na nandoon sa set ang nanay niyang si Racquel. Dala ng ina ang isang Barbie house set. Itong doll house daw ay matagal nang ipinangarap makuha ni Charice noong bata pa siya.

Paliwanag ni mommy, "Noong araw, e gusto niya na magkaroon ng bahay na malaki na laruan. Barbie house. Wala naman akong pambili, kasi mga napapanalunan niya sa amateur contest, e ilalaan ko na lang sa pangbayad sa apartment.

"Ito ang time na siguro na ibigay ko sa kanya although nabili na niya ang [totoong] dream house niya. Pero ito, ibibigay ko na hinahanap-hanap niya noong bata pa siya."

Nang makita ang doll house, bakas sa mukha ni Charice ang saya. Makikitang simple lang talaga ang kaligayahan ng teenager dahil sa ekpresyon niya at sa malakas na sigaw, "Yeah!"

"Thank you po," ngiti ni Charice sa ina. "Kasi bukod sa doll house, e tanong niya kung ano daw maibibigay ko pag laki ko. Sabi ko 'Bahay.' And nabigay ko iyon, at ngayon naman nabigyan niya ako ng doll house."

"Siyempre, proud ako bilang mommy mo," ngiti ng ina.

Ano naman ang masasabi ni Charice tungkol sa mommy niya?

"Si mommy po parang, siya na po ang lahat. My best friend, dad," amin ni Charice. "Sobra po kaming hinahangaan ng mga tao sa ibang bansa dahil sa strong relationship namin. Sabi nila na sana daw ganoon ang relationship nila sa mga family nila. Kahit na wala ang dad ko, e I feel complete. It's not because of me, but because of her."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang mensahe niya sa mga fans bilang pagtatapos sa interview?

"Very thankful ako at happy ako," aniya. "Masasabi ko po na tuwing makakakuha ako ng ganitong achievement, e lagi ko iniisp na although big, e nagsisimula pa rin ako. Ang heart ko dito pa rin sa Pilipinas. Kahit anong achivement na ibinigay ng Amerika o sa ibang bansa, e iba pa rin dito sa Pilipinas dahil dito ako nagsimula."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN