FPJ and other National Artists honored by PhilPost with their own commemorative stamps

Queen of Philippine Movies Susan Roces and MTRCB chief Mary Grace Poe Llamanzares led the other guests during the unveiling of the commemorative stamps of the late Fernando Poe Jr. and other National Artists. The ceremony was held earlier today, November 10, at the Manila Post Office.


Maagang dumating ang mag-inang Ms. Susan Roces at Mary Grace Poe Llamanzares sa pormal na paglulunsad ng National Artists Series/Stamps Collection, na proyekto ng Philippine Postal Service (PhilPost) sa 227th Anniversary ng tanggapan, sa Manila Post Office building kaninang umaga, Nobyembre 10.

Nagsimula ang seremonyas sa ganap na ika-10 ng umaga sa pamamagitan ng pagpapakilala sa panauhing pandangal na si Mary Grace Poe Llamanzares, ang bagong na-appoint na Chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Sinaksihan ng maraming tao, mga empleyado, at taga-media ang kaganapan, bilang pagsuporta sa pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag PhilPost sa pangunguna ni Antonio de Guzman, ang kasalukuyang Postmaster General.

Pinakatampok sa pagdiriwang ang formal launch ng Commemorative Stamps Collection na ngayong taon ay laan sa apat na nahirang na Pambansang Alagad ng Sining (National Artist)—Fernando Poe, Jr., para sa sining ng Pelikula; Levi Celerio, para sa sining ng Musika; Leonor Orosa-Goquinco, para sa sining ng Sayaw; at Nick Joaquin (Quijano de Manila), para sa sining ng Panitikan.

Sina Ms. Susan at Mary Grace ang kumatawan sa Hari ng Pelikulang Pilipino na si FPJ; si Cornelio Levi Celerio, para sa kanyang ama na si Mang Levi; si Dr. Benjamin Orosa Goquinco, para sa kanyang ina na si Madam Leonor; at si Charo Joaquin Villegas, para sa kanyang tiyuhing si Nick Joaquin.

Ang mga kinatawang ito ng apat na pinarangalang National Artists, sa pamamagitan ng kani-kanilang commemorative stamps collection, ay isa-isang ipinakilala kasabay ng unveiling ng malaking naka-frame na National Artists Stamps Collection Series.

Mahalaga ang okasyon ngayong buwan ng Nobyembre, bilang National Stamps Collecting Month, in honor of our National Artists.

Kaugnay nito ay ang pagbubukas din ng Philatelic Exhibit, isang malaking proyekto ng PhilPost.

Sina Ms. Susan at Mary Grace ang nanguna sa ceremonial ribbon-cutting, matapos ang talumpati ng MTRCB chief at ang unveiling rites.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kabilang sa mga naka-exhibit ngayon sa Manila Post Office lobby ang mga natatanging koleksiyon ng mga selyo na tampok ang mga dakilang bayani, mga dating pangulo at pangalawang pangulo, kasalukuyang opisyal pampamahalaan, mga institusyong tanggapan, mga likas-yaman ng bansa, at iba pang bahagi ng kultura ng lahing Pilipino.

Mayroon ding kuwadro ng mga lumang larawan ng 1960s Movie Queen na si Ms. Susan, na kaugnay ng koleksiyon ng mga selyo na ipinapakita ang larawan ni FPJ sa iba't iba nitong tauhang ginampanan sa mga maaaksiyong pelikula, tulad ng Ang Panday, Umpisahan Mo, Tatapusin Ko, at Hindi Ka na Sisikatan ng Araw.

INSPIRATION FROM NATIONAL ARTISTS. Sa kanyang talumpati ay naipunto ni Mary Grace ang realidad ng pagkawala ng malaking bahagi ng tagatangkilik ng mga serbisyo ng PhilPost dahil sa teknolohiya; o pagkauso ng mga e-mail, mobile phone texting at iba pang pumalit sa nakagawiang pagsusulat at pagpapadala ng mga liham, sa loob at labas ng bansa.

Pero tulad ng gusaling tanggapan nito, na isa na ring historical landmark, "PhilPost has continued to reinvent itself," wika niya.

At sa pamamagitan ng inilunsad nitong serye ng Stamps Collection, "the National Artists continue to inspire others," banggit din ng batambatang MTRCB Chair.

Sa sumunod na media interviews, matapos ang exhibit opening, muling binigyang-diin ni Mary Grace ang halaga ng inilunsad na mga stamps collection ng National Artists sa kasalukuyang panahon.

"I think it can best be utilized by promoting it to collectors, especially the ones who are abroad, who [still] receive mails and greeting cards," sabi niya.

IN HONOR OF FPJ. Nagbigay rin ng maikling pahayag si Mary Grace sa PEP (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa kahalagahan ng okasyon para sa kanilang buong pamilya.

"Kami po'y natutuwa kasi, akalain mo, yung larawan ng iyong ama ay mapapaskil at makakaabot, hindi lamang dito sa ating bansa kundi sa ibang bansa rin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, para sa akin, pag nakita ito ng mga kamag-anak namin, sa ibang bansa, o kaya'y ng mga naging fans ni FPJ, yung mga OFW [Overseas Filipino Workers], na nag-migrate na... Siyempre, kahit papa'no, may kurot sa puso, maaalala nila ang kanilang bayan.

"At malaking karangalan na ang simbolo ni FPJ ay simbolo din ng Pilipinas, kahit papaano."

Ang imahe ni FPJ bilang King of Philippine Movies ay lalong napreserba ngayon sa pamamagitan ng mga selyong bahagi ng ating kultura ay itinuturing ding malaking karangalan ng anak ng yumaong National Artist.

"Opo. Na-preserba at, for them, giving this honor to my father is like giving honor to my mom [Susan Roces]," masayang sabi ni Mary Grace.

"Siya [Susan] talaga ang nagpursige na maitago lahat ng layout [movie ads, at iba pang memorabilia] ni FPJ. Kasi, alam mo naman sa pelikula, pag nagmamadali kang gumawa ng pelikula, mismong [ang] mga script ay nawawala.

"Pero ang mom ko, talagang maingat at masinop. So, meron tayo ngayong maipamamana, kahit sa mga anak natin."

THE MOVIE QUEEN. Dahil hindi pa rin kumukupas ang ganda at ningning ng tulad niya, na itinuturing pa ring isang reyna ng local showbiz, pinagkaguluhan at ninais ng maraming taga-media at publikong bahagi ng PhilPost na makausap at makapagpakuha ng larawan na kasama si Ms. Susan.

Bahagi ng mga pahayag ni Susan sa media ang magkahalong damdamin ng kasiyahan at lungkot.

"Maligayang-maligaya kami. It's such a big honor. Thank you!" nakangiting wika ni Susan nang batiin ng PEP para sa karangalang naibigay sa yumao niyang asawa.

Pero hindi rin nito maitago ang lungkot na nadarama, na matapat na binanggit: "Katulad ng madalas ko nang sabihin... paminsan-minsan ay sumasagi din ang panghihinayang sa buhay na sana hanggang ngayon, nandito pa siya [FPJ]."

Naitanong din kay Ms. Susan ang tungkol sa plano niya sa kanyang pagiging artista, kung mayroon man, sa ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I have no plans," sagot niya. "I have reached a point in my career that I don't make plans... It depends, if the script will suit my present age."

Tinanong din ng PEP si Ms. Susan tungkol sa kanyang damdamin sa pagkaka-appoint ng kanilang anak ni FPJ na si Mary Grace bilang bagong MTRCB Chief.

"Well, I wish her luck. I will remain to be supportive of her, as her mother. Outside of her work, she knows the responsibilities that come with the assignment," saad ng Queen of Philippine Movies.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN