Survivor jury member Aira Bermudez wants Akihiro Sato to win as Sole Survivor

"Nasaktan ako dahil naisip kong sa lahat pala ng hirap na pinagdaanan ko at ginawa ko para sa kanila, wala pala akong kakampi," sabi ni Aira Bermudez tungkol sa pagkakatanggal niya sa Survivor Philippines Celebrity Showdown.


Inamin ng SexBomb Girl na si Aira Bermudez na nasaktan siya sa pagkakatanggal niya sa Survivor Philippines Celebrity Showdown. Siya ang ikalawang miyembro ng Jury na pipili kung sino ang tatanghaling Sole Celebrity Survivor at mananalo ng three-million cash prize.

Natanggal si Aira noong October 29 episode ng naturang reality show ng GMA-7.

"Nasaktan ako dahil naisip kong sa lahat pala ng hirap na pinagdaanan ko at ginawa ko para sa kanila, wala pala akong kakampi," sabi niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal) during the pocket presscon para sa kanilang tatlo ng kapwa niya Jury members na sina Jon Hall at Michelle Madrigal last Wednesday, November 10.

Pagkatapos nina Jon, Aira, at Michelle, si Ahron Villena ang sumunod na na-vote-out kagabi, November 11.

"Hanggang kinabukasan 'yon," banggit pa ni Aira. "Pero after that, wala na ang sama ng loob ko. Alam kong game 'yon at kailangang mag-survive ka talaga sa mga challenges.

"Ang ayaw ko lang ngayong napapanood ko na ang bawat episode ng show, may sinasabi pa pala sila laban sa akin kahit wala na ako doon at nasa tribal jury house na ako."



JURY HOUSE. Pero in-enjoy raw talaga nila ang stay nila sa jury house dahil sagana sila sa pagkain doon.

"Masarap magluto si Michelle!" bulalas ni Aira. "Luto siya nang luto doon kasi available naman ang ingredients ng lulutuin niya. Kung wala naman, nagagawan niya ng paraan.

"Ang sarap ding maligo at matulog nang maayos sa bed. Sa jury house kasi, kanya-kanya kami ng room, pero open ang mga doors namin. At marami ring staff ng show ang kasama namin doon."



Pero ngayon ay okay na raw si Aira, lalo na't madalas niyang nakakasama ang ibang castaways sa out-of-town shows nila para mai-promote ang Survivor.

EXPERIENCES AS A CASTAWAY. Nagkuwento rin si Aira ng mga naging karanasan niya bilang castaway sa Survivor Philippines.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Second day ko pa lang sa island, gusto ko nang mag-quit," pag-amin ng dancer.

"Kasi, for the first three days, wala talaga kaming kinain. Tubig lang ang iniinom namin.

"Dahil lagi ngang umuulan, natutulog kaming basa ang damit namin. Raincoat lang ang suot namin.

"After three days, 'yong reward namin, isang slice ng pizza ang kinain namin.

"Pero nag-decide na akong magpatuloy. Sayang naman ang effort ko at 'yong mga hirap ko nang naranasan kung hihinto agad ako."

May regrets ba siya sa pagsali niya sa reality show?

"Wala, wala po akong regrets," nakangiting sabi ni Aira.

"Doon ko po nakilala ang sarili ko. Na kaya ko palang mabuhay na walang cell phone, nakatiis na hindi kumain.

"Natuto akong makisama sa iba't ibang ugali ng mga castaways, lalo na nang maging head ako ng aming tribal group na Sar Mayee. Na sinikap kong makatulong sa ibang castaways, pero binigyan nila 'yon ng ibang kahulugan.

"Maliban doon sa na-allergy ako dahil sa kagat ng mga insekto," patuloy niya, "na nadala pa ako sa hospital, wala naman akong naging sakit doon. Ni hindi ako nilagnat o sinipon.

"Yun lang, nagka-phobia na ako ngayon sa malakas na ulan dahil ibang klaseng bagyo ang naranasan namin doon. Kaya kahit nandito na ako, natatakot na ako basta umulan nang malakas.

"Hindi ko rin makaya ang sobrang lamig dahil naranasan kong lahat 'yon doon."

THE GRAND FINALE. Sa December 3 na ang finale ng Survivor Philippines Celebrity Showdown. Doon na rin malalaman kung sino ang mananalo bilang Sole Survivor.

Sino ba ang gustong manalo ni Aira?

"Basta boboto lang ako as one of the tribal jury sa kung sino talaga ang deserving manalo," sabi niya.

Pero kung si Aira raw ang masusunod, si Akihiro Sato ang gusto niyang manalo.

Paliwanag niya, "Napakabait kasi ni Aki. Kahit lumalaban siya, may puso siya, may concern sa mga kapwa castaways.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung hindi siya, gusto ko rin si Mommy Elma [Muros] ang manalo dahil isa pa rin siya sa talagang dinidibdib ang paglalaro. Masipag siya. Wala akong narinig na masamang salitang sinabi niya laban sa mga castaways."

ARTIST CENTER TALENT? May balitang lumabas na pipirma na ang SexBomb Girls sa GMA Artist Center, ang talent arm ng Kapuso network. Wala na ba sila kay Joy Cancio?

"Buo pa rin po ang SexBomb under Ate Joy. Pero ang alam kong iku-co-manage ng GMA Artist Center—ako, si Sunshine [Garcia], Mia [Pangyarihan], at si Ate Rochelle [Pangilinan]. Pero wala pa po namang sinasabi sa amin si Ate Joy," sabi ni Aira.

Nabanggit din ni Aira na sa November 13 ay magkakaroon ng charity show ang SexBomb sa Batangas para sa kanilang 11th anniversary bilang grupo.

For 11 years na member siya ng SexBomb, may mga naipundar na ba siya mula sa talent fees niya?

"Thankful po ako dahil makalilipat na ako sa isang condo unit sa may Mindanao Avenue. Bayad ko na ang three-bedroom unit ko.

"Ipinaayos ko rin ngayon ang bahay ng mama ko sa Antipolo City, kasama niya doon ang uncle ko na kapatid niya.

"Ang apat ko namang kapatid, may kanya-kanya na silang family at ibinigay ko na sa kanila ang bahay namin sa Tondo, Manila.

"May dalawa na rin akong sasakyan na nabili at nagbabalak akong mag-business," sabi ni Aira.

AIRA'S LOVE LIFE. Tungkol naman sa love life, masaya raw si Aira sa relasyon nila ng boyfriend niyang si Christian Adrales, isang commercial model.

"Six years na kami, pero nag-cool-off kami nang mag-join ako ng Survivor. Pero inayos po namin uli ang relasyon namin nang makabalik ako. Graduating na rin siya sa March sa course niyang Radiology," sabi ni Aira.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN