Mommy Dionisia Pacquiao collapses at ringside at the sight of Manny being hit by Margarito

"Nakita kong tamaan ang anak ko, kaya hindi ako nakapigil sa sarili ko kaya... Buti nga, hindi ako high blood. Kung high blood ako, ewan ko lang kung makalakad pa ba ako," says Mommy Dionisia Pacquiao about fainting during the fight of son Manny against Antonio Margarito.


Bukod sa naging tagumpay ni Manny Pacquiao laban sa Mexican boxer na si Antonio Margarito, naging agaw-eksena ang balitang hinimatay ang ina ng Pambansang Kamao, na si Mommy Dionisia, sa loob mismo ng Cowboys Stadium sa Arlington, Texas, kung saan ginanap ang laban ng anak niya.

Hindi raw kasi nakayanan ni Mommy Dionisia na makita ang kanyang anak na natatamaan ng mga suntok ni Margarito.

Pero nang makausap ng Showbiz Central si Mommy Dionisia kahapon, November 14, via phone patch, ay medyo maayos na ang boses nito.

"Magandang hapon diyan...hapon na diyan?" bungad nito.

"A, Rufa, nami-miss na kita, Rufa," dagdag pa nito nang malamang isa si Rufa Mae Quinto sa mga nag-i-interview sa kanya.

Kinumusta ni Rufa Mae ang kalagayan ni Mommy Dionisia.

"Okay naman, hindi na masyadong nahihilo," sagot ng ina ni Manny.

Kuwento pa niya, "Nahilo talaga ako, Rufa. Kanina nakita ko ang anak ko, natamaan na ano.

"Sabi nga ng manager ko, adviser ko, bakit daw ako nanood pa, dapat daw nagpaiwan na lang ako sa hotel.

"'Ay, huwag na lang kayong humarap sa laban ni Manny!' sabi niya. Sabi ko, 'Kaya ko 'to, kaya ko.'

"Nakita ko natamaan si Manny sa... Isa lang nakita ko, tinamaan sa right side ng ano..."

Dati na raw siyang ninenerbiyos kapag may laban si Manny.

"Ako, oo, kaya nga, ito lang ang naharap kong medyo malaki ang kalaban niya, malaki pa sa timbang.

"Hindi, nerbiyos lang... Naawa ako sa anak ko nang tamaaan," sabi ni Mommy Dionisia.

Habang kausap ng Showbiz Central si Mommy Dionisia ay nasa hotel room na siya. Pero hindi pa raw sila ulit nagkikita ng anak niya after the fight.

MOM FEELS SON'S PAIN. First time ni Mommy Dionisia na manood sa mismong venue ng laban ni Manny, samantalang dati ay sa TV lang siya nanonood—at panay ang dasal habang nakikipagbakbakan ang anak niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Madaling-araw pa lang daw ay nagdarasal na siya at maraming mysteries na ng rosary ang natapos niya.

"Kaya lang, ngayon lang ako nakakita na natamaan siya sa ano. Tumakbo si Manny nung natamaan.

"Totoo, nagsabi siya na ang sakit, masakit daw! Kinuwento na nila ngayon nandito, nakalabas na ako.

"Ang nakita ko lang bigla sa mata ko, natamaan siya sa right. Tumakbo siya, parang nasaktan, nakita ko, naawa ako talaga," kuwento ni Mommy Dionisia.

Dahil sa kanyang nasaksihan, sinabi ng ina ng Pambansang Kamao na hindi na siya ulit manonood nang live sa laban ng anak.

"Oo, hindi na!" bulalas niya.

"Sabi nga ni Manny, 'Mang, suportahan mo ako. Last na ito, last na ito, isa na lang!'

"Last na daw. Sabi niya, 'Last na ito!'

"Mag-uusap kami ulit, hindi pa kami nagkikita.

"Sabi ko, 'Ano, pipili ka lang? Gusto mo pa bang matamaan ang katawan mo o makikita mo pa ang nanay mo?' sabi ko.

"Ngayon, pahinga muna siya. Bukas na lang kami magkikita.

"Pahinga rin muna ako, parang nanghihina pa ako," sabi pa ni Mommy Dionisia.

Napahalakhak naman si Mommy Dionisia nang biruin ni Rufa Mae na kaya ito natumba sa kinauupuan ay dahil nalaman niya kung magkano ang iuuwing premyo ng anak—almost US$15 million.

Pero muli nitong inulit ang hirap na naramdaman niya nang nakitang tinatamaan ng suntok si Manny.

"Nakita kong tamaan ang anak ko, kaya hindi ako nakapigil sa sarili ko kaya... Buti nga, hindi ako high blood. Kung high blood ako, ewan ko lang kung makalakad pa ba ako."

Nang muling tanungin kung kailan sila mag-uusap ni Manny, ang sagot nito ay: "Wala pa, hindi pa. Kasama ko mga kamag-anak ko, nandito ako sa kuwarto ko dito.

"Maraming tao doon sa may salas, sa kuwarto ni Manny."

COMING HOME. Matagal pa ba siya sa States o uuwi na siya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Uuwi na ako sa ano...may gagawin pa ako diyan. Sa Maynila pa ako mag-stay, hindi pa ako makauwi ng GenSan [General Santos City]," sagot ni Mommy Dionisia.

Muli nitong sinabi na, "Ayoko na manood nang matamaan ang anak ko!"

Sinabi naman ni Rufa Mae na effective ang lahat ng pagdarasal ni Mommy Dionisia.

"Oo, oo! Nakita ako ng pamilya ko, nakaluhod.

"Sabi ng anak ko, 'Tayo ka na, Mang. Upo ka lang, ang daming tao nakatingin sa yo.'

"Sabi ko, 'Bahala na ang mga tao, wala akong pakialam sa kanila.' Basta luhod ako, luhod.

"Ipinagdadasal ko ang anak ko, sana walang mangyari, sana hindi mabagsak si Manny, sana makamtan pa niya ang napanalunan niya," saad ni Mommy Dionisia.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN