Wally Bayola admits partner Jose Manalo is the better comedian

"Kapag off-cam, off-stage, seryoso raw akong tao. Loner... Laging mag-isa lang, ganoon. Sometimes bine-break ko yung sarili ko sa ingay. Minsan ganyan, nagkukulong ka sa kuwarto, nagbabasa, nanonood ka ng TV," says comedian Wally Bayola about himself.


Malayo na ang narating ng comedian na si Wally Bayola.

Mula sa pagiging isang stand-up comedian sa Library maraming taon na ang nakararaan, isa na siya ngayong household name dahil na rin sa pagiging mainstay niya sa Eat Bulaga!—ang longest-running noontime show sa bansa.

Bukod sa Eat Bulaga!, napapanood din siya sa comedy-game show ng TV5 na Laugh or Lose (LoL), kasama sina Vic Sotto at Jose Manalo.

Madalas ding lumagare sina Wally at Jose sa live show. Isa na rito ang mapapanood bukas, November 20, sa Zirkoh, Tomas Morato, 9 p.m., ang show titled Luv 2 Laff, kasama ang Mocha Girls at si Aljur Abrenica with Knights Band.

Pagbabalik-tanaw ni Wally, "Nag-start ako sa EB [Eat Bulaga], May 3, 2000. Nagdye-jester-jester pa ako sa EB bago ako nag-main [host] talaga.

"Siguro 2005, nag-start kaming mag-show ni Jose. So, heto na talaga yung tandem namin. Tapos, nag-start siyang mag-produce ng show-show sa Malate.

"Madali namang nag-jive 'yong chemistry namin."

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Wally nang matiyempuhan namin siya noong Miyerkules, November 17, bago mag-show sa Klownz, Quezon Avenue .

"Iyong kulitan yung patok sa amin," patuloy niya. "Siya yung lalaking makulit, ako babading-bading.

"Tipong pag sa lalaki naman, feeling guwapo kaming dalawa. Kapag sa kulitan naman, kunwari crush na crush ko siya, sobrang naguguwapuhan ako sa kanya.

"Ganun ang gusto ng tao, e, tapos gagaguhin niya ako!" nakatawang dagdag niya.

Dumating na ba sa punto na nagkapikunan sila ni Jose?

"Hindi, hindi pa naman," sabi niya habang umiiling.

"Sa aming dalawa, kapag dumating o kapag bagong gising siguro, walang batukan. Kasi si Jose naman kahit tumatama 'yan, alam mo namang kontrolado e."

Masasabi ba niyang dahil sa popular segment ng Eat Bulaga! na "Juan For All, All For Juan: Sugod Bahay" ay mas lalo silang sumikat ni Jose?

"Hindi naman!" nakatawang wika niya. "Ganoon pa rin naman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero ang mas maganda ay maraming natutulungan ang Eat Bulaga! at napapakinabangan ang mga plastic, nakakabawas pa tayo sa mga basura na madalas ay ito ang nagiging sanhi ng baha kapag bumabara ang mga plastic na ito sa estero."

Ang mga plastic na tinutukoy ni Wally ay ang kinokolekta nila sa mga pinupuntahan nilang mga barangay para maging silya na magagamit ng mga estudyante.

IDOL SI JOSE. Aminado si Wally na mas magaling sa kanya si Jose. Katunayan ay idolo raw niya ito.

"Minsan may tanong nga sa akin kung sino raw ang magaling sa amin ni Jose. Ang sabi ko, 'Ay, si Jose, kasi idol ko yun, e.

"Kasi iniisip nila, akala nila na, 'O, ano ba, hindi ka ba naaano na mas mataas budget ni Jose?' Pero hindi po, kahit ako na laging magkasama na kami sa stage, nanonood pa rin ako sa kanya at natatawa rin ako. Magkasama na kami niyan, huh!

"Minsan nagkukuwentuhan lang kami, natatawa rin siya. Wala kaming anuhan, inggitan."

"Bilib ako kay Jose," sundot pa ulit ni Wally. "Ang galing niya magdala ng anumang problema, e. Basta kailangan, kung magpasaya ka ng tao, todo-bigay.

"Kahit ako, nagkakaproblema rin. Mga obligasyon lang sa pamilya, yung mga may pinag-aaral bukod sa mga anak ko, mga kamag-anak, may mga tinutulungan.

"Minsan yung misis ko kasi nagka-dengue, itinakbo sa ospital. Ilang linggo rin siya sa ospital.

"Then, pag-akyat mo sa stage, pagharap mo ng camera, hindi mo maiisip yung ganoon. Pagbaba mo siguro, maiisip mo na naman yung meron palang ganito ganyan, babalik ako ng ospital.

"Pero kapag nasa stage na, wala, nasanay na kami!" nakatawang saad pa ni Wally.

SUPPORTIVE SI BOSSING. Gaano ka-supportive sa kanila si Vic Sotto, na kilala rin sa bansag na "Bossing"?

"Sobra, sobra talaga!" bulalas ni Wally.

"Halimbawa, may shooting kami, tapos may conflict sa taping, 'Baka puwede nating gawan ng paraan 'yan.' Napakabait niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sinasabi ng iba na suplado siya, pero hindi. Sometimes, baka off-cam, ayaw niya rin ng magulo kasi galing na siya sa pangungulit, e."

NAPAGKAKAMALANG BAKLA. Aminado rin si Wally na maraming pagkakataon na napagkakamalan siyang bakla ng mga tao. Pero hindi naman daw siya nao-offend.

"Oo, maraming nagkakamali," sabi niya. "Pero hindi naman ako nao-offend, kasi siguro hindi ko rin sila masisisi dahil sa naging trabaho ko.

"Bago ako nag-Eat Bulaga!, nag-start ako as stand-up comedian sa Library, tapos dito sa Klownz.

"Nagse-set ako noon hindi pa primetime, puro mga bakla talaga mga kasamahan ko noon.

"So, siguro na-adapt ko na yung the way na magsalita, yung galaw. Pero hindi pa naman ako bumibigay!" tawa niya.

"Dati nga, binigyan pa nila ako ng ultimatum na, 'Ay naku, isang taon lang 'yan, bibigay na 'yan.' Pero hindi talaga ako bumibigay!"

Hindi ba siya naniniwala na nakakahawa ang pagiging bading?

"Nakakahawa siguro sa the way na expression, magsalita. Pero yung totoong nasa loob, hindi, hindi. Pag hindi ka siguro talaga bading, hindi, e."

Ano ang sabi ng kanyang mga anak?

"E, natatawa sila," sabi niya. "Kaya lang, yung karakter na nakikita nila sa TV na ganito, when it comes to bonding, masaya, parang ako pa rin yung clown nila.

"Pero pagdating na doon sa seryosong usapan, nakikinig sila. Pero napaka-relax nila sa akin, kasi alam nila jolly person ako. So, sa nanay na nila yung takot sila."

MAHILIG SA BARIL. Napag-alaman din namin na bukod sa seryoso si Wally off-cam, mahilig din pala siya sa baril.

"Kapag off-cam, off-stage, seryoso raw akong tao," sabi niya. "Loner... Hindi naman yung loner na loner talaga, alam mo yun? Laging mag-isa lang, ganoon.

"Sometimes bine-break ko yung sarili ko sa ingay. Minsan ganyan, nagkukulong ka sa kuwarto, nagbabasa, nanonood ka ng TV.

"Gaya ng hobby ko, practical shooting. So, minsan nagugulat yung mga dating mga shooter. 'Naglalaro ba ng baril 'yan?' sinasabi nila. 'Hindi ba bakla 'yan?'" nakatawang kuwento niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pag-uulit ni Wally, "Hindi naman ako nao-offend kapag nakakarinig ako ng ganito.

"Kahit si Tito Eddie Garcia, sinabi niya noon, 'Noy, mahilig ka pala sa baril, Noy. Akala ko bading ka,' sabi niya sa akin."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN