Rock icon Ely Buendia fulfills birthday wish with the success of solo concert

Former Eraserheads frontman Ely Buendia revisits some of his old hits during a solo concert staged last night, November 27.


Natupad ng OPM rock icon na si Ely Buendia ang kanyang birthday wish matapos ang matagumpay niyang solo concert kagabi, November 27, sa Republiq sa New Resorts World, Pasay City.

Sinabi ni Ely na last year nang una niyang maisipan ang magdaos ng isang concert na kung saan ay aawitin niya ang mga kanta na malaki ang naiambag sa kanyang makulay na music career.

Malaking inspirasyon kay Ely ang highly successful reunion concert ng dati niyang banda na Eraserheads nung March 7, 2009 sa SM Mall of Asia Concert Grounds, Pasay City, para muling balikan ang mga sariling komposisyon na napamahal na din sa kanya. (CLICK HERE to read related article.)

Nito lang November 2 ay ipinagdiwang ni Ely ang kanyang ika-40th birthday, at dito lalong nakumbinse ang singer-songwriter na ituloy ang kanyang plano bilang pasasalamat at selebrasyon na din ng kanyang mga achievements.

INTIMATE AFFAIR. Strictly by invitation ang concert na tinawag na Ely Buendia XL—Xtra Live at 40, kaya pawang mga malalapit na kaibigan, kamag-anak at ilang selected fans lamang ang nabigyan ng pagkakataon na mapanood ang pambihirang event.

Nauna nang sinabi ni Ely na nais niyang maging "intimate" ang concert kaya pinili nila ang Republiq, na mas maliit nga naman kumpara sa mga stadium at open field venues na kadalasang pinagdadausan ng mga rock concerts.

Naging backup band ni Ely sa simula ng event ang grupo na dati'y kasa-kasama ng namayapang rapper na si Francis Magalona.

Isa sa pangunahing dahilan kung bakit pinili ni Ely ang bandang Dope Militia para samahan siya onstage ay dahil kakantahin niya ang mga awitin na kabilang sa collaboration album nila ni Francis na pinamagatang, In Love and War.

Ilan lamang sa mga kinanta ni Ely na galing sa nasabing album ay ang "Wasak Waltz" at "Higante," na siyang napiling kickoff single nang ilabas ng Sony Music ang proyekto nung nakaraang Mayo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kadalasan ay ka-duet ni Ely ang anak ni Francis na si Elmo tuwing tutugtugin niya ang "Higante" sa mga shows. Kagabi ay mag-isang itinawid from start to finish ng dating Eraserheads frontman ang awitin.

Inimbitahan daw ni Ely si Elmo at ang Magalona family subalit nagsabi naman daw agad ang mga ito na hindi makakadalo dahil may mga pending commitments sila that same day.

Kinanta din ni Ely ang isa sa mga sikat na awitin ni Francis na "Kaleidoscope World," bago tumuloy sa "Super Proxy."

Ang "Super Proxy" ay ang unang track sa best-selling album ng Eraserheads na Cutterpillow na inilabas noong 1995. Si Francis ang naglapat ng rap part sa dulong bahagi ng nasabing kanta.

Nang maglabas ng tribute album para sa Eraserheads noong 2005 ay nag-record ng cover rendition si Francis ng "Super Proxy," habang si Ely naman ang siyang umawit ng rap part.

RAIMUND PERFORMS. Marami ang natuwa sa pagdating ng ex-Eraserheads drummer na si Raimund Marasigan sa loob ng venue.

Matatandaang isa sa mga sinasabing dahilan kung bakit nabuwag ng grupo noong 2002 ay dahil diumano sa lumalaking tensiyon sa pagitan ng mga miyembro nito, partikular sa kampo ni Ely at Raimund.

Hindi naman naglaon at humupa din ang usap-usapan na may alitan ang dalawa simula nang matuloy ang magkahiwalay na reunion concert ng Eraserheads nung 2008 at 2009.

Last night ay muling pinatunayan ng dalawa na posible pa rin silang magsama sa isang stage kung musika lang din ang pag-uusapan.

Bihirang tugtugin ng Eraserheads dati ang awiting "Saturn Return"—na matatagpuan sa kanilang 1998 Asian released compilation album na Aloha Milkyway—kaya welcome surprise para sa lahat nang kantahin ni Ely at Raimund ang nasabing materyal.

Lalong naging masaya ang performance nang sa dulo ng awitin ay napansin ni Raimund ang isang bakanteng drum set at agad niyang inupuan ito para sabayan sa pagpalo ang drummer ng Dope Militia.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

E-HEADS HITS REVISITED. Hindi siyempre mawawala ang ilan sa mga pinasikat na awitin ng Eraserheads sa set list ni Ely ng gabing 'yon.

Ilan lamang sa mga binalikang awitin ni Ely ay ang "Sembreak" at "Magasin."

Nagmistulang sing-along bar naman ang Republiq nang awitin ni Ely ang "Ang Huling El Bimbo," na isa sa mga pinakasikat na awitin ng banda hanggang ngayon.

Sa halip na gitara ay electronic keyboard ang instrumentong hinawakan ni Ely habang kinakanta ang nasabing awitin. Panandaliang tumahik ang venue habang pinapakinggan ang malungkot at mala-funeral march na outro ng kanta na tinipa ni Ely gamit ang keyboard.

Kasama ang punk band trio na Hilera ay tinugtog din ni Ely ang "Poorman's Grave," na bihira ring tugtugin ng Eraserheads during their live playing days.

SOLO STUFF. Binalikan din ni Ely ang tatlong awitin na kabilang sa kanyang 2001 solo album na Wanted: Bedspacer.

Bagama't hindi masyadong pinansin ng mga kritiko at tagapakinig ang album na ito dati, over time ay nagkaroon ng cult following ang nasabing record.

Naging collector's item pa nga sa loob din ng mahabang panahon bago nag-desisyon ang Sony Music noong nakaraang taon na ilabas ulit ang album sa mga record bars.

Tila nagkaroon nga lang ng problema si Ely kagabi sa performance ng "Wanted Bedspacer" dahil mukhang hindi sila magkarinigan ng guest mixer na si Diego Mapa, na nakaapekto sa tempo ng awitin.

Naging maayos naman ang tugtugan pagdating sa mga awiting "Over 18" at "Santo" sa tulong ulit ni Diego, ex-Dawn guitarist Francis Reyes, at session bassist Rommel dela Cruz.

MORE TO COME. Nakisali rin siyempre sa concert ang kasalukuyang bandmates ni Ely sa grupong Pupil na sina Yan Yuzon, Wendell Garcia, at Dok Sergio.

Sinimulan ng apat ang kanilang set sa awiting "Nasaan Ka?" at sinundan naman ng "Different Worlds." Ang parehong kanta ay matatagpuan sa 2005 debut album ng grupo na may pamagat na Beautiful Machines.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tinapos ni Ely ang kanyang solo concert sa pamamagitan ng isa pang Eraserheads song—"Alapaap."

Tuwang-tuwa naman siyempre ang mga manunood at nakikanta kay Ely sa bawat linya ng nasabing awitin. Nakisama naman ang enigmatic rock icon sa kanyang mga bisita at masayang iniwan ang stage para lumapit sa mga ito.

Throughout the show ay kapansin-pansin na mas masigla na ngayon mag-perform si Ely kumpara dati na kuntento lang itong tumayo sa gitna ng stage habang kumakanta at nag-gigitara.

Maraming pagkakataon during the show na walang hawak na gitara si Ely para malaya itong makakilos sa maliit na stage. Maganda naman ang dating nito sa mga manunood dahil nakikita ng lahat na nag-e-enjoy si Ely sa kanyang concert.

"It would not be that successful kung hindi dahil sa mga taong tumulong sa amin dito. Medyo kulang 'yong oras namin to prepare this, napansin ninyo naman na may mga glitches pa.

"Pero we came out with guns blazing," sabi ni Ely nang makausap ito ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at news crew ng GMA-7 pagkatapos ng event.

"I would just keep on playing," mensahe ni Ely sa kanyang mga fans. "Pupil will release its latest album sometime December and January, tapos marami pa kong projects na naka-lineup."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN