Mark Herras is back to work after two-month break from showbiz

Ayon kay Mark Herras, ipagpapaliban niya muna ang planong magsarili at umalis sa bahay niya kung saan kasama niya ang kanyang pamilya.

"Puwede ko namang ituloy yun kahit anong oras, pero siyempre, yun nga, dahil two months akong nagpahinga, siyempre antayin ko munang magkatrabaho ako para mas okay," saad niya.


Nagpaunlak ng panayam ang young actor-dancer na si Mark Herras kahapon ng tanghali, Disyembre 9, sa Baang Coffee, Quezon City.

Tapos na kasi ang dalawang buwan niyang break mula sa showbiz, at magkakaroon na muli siya ng mga project sa home station niyang GMA-7.

Humingi kasi ng bakasyon si Mark, 23, sa Kapuso network matapos niyang magkasakit dahil sa sunud-sunod na projects.

Na-diagnose na may insomnia at kidney stones ang StarStruck alumnus.

Nagsimula ang break ni Mark Herras noong Setyembre, pagkatapos ng Langit sa Piling Mo, ang huli niyang ginawang soap opera para sa GMA-7. Nakapareha niya rito si Heart Evangelista.

BACK TO WORK. Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press, sinabi ni Mark na nami-miss na niyang magtrabaho kaya siya pa ang kumausap sa kanyang network.

"Actually, nagsasabi na ako sa GMA na parang lagpas na yata yung two months, a. Parang, okay na, puwede na akong magtrabaho.

"Nami-miss ko nang magtrabaho. Ako na yung nagungulit sa kanila ngayon. Parang game na game na ako," sabi ni Mark.

Pagpapatuloy ni Mark, ito na raw ang pinakamahabang bakasyon na hiningi niya sa GMA-7 mula nang manalo siya bilang Ultimate Male Survivor sa unang StarStruck noong 2003.

"Kasi before, may mga nangyari na hindi ko naman hinihingi, bigla lang nagkakabakasyon. Pero andiyan pa rin talaga yung mga raket.

"Eto yung two months na walang raket. Okay naman. Hindi ko naman pinagsisihan na humingi ako ng pahinga," saad niya.

Sa ngayon ay napapanood na si Mark sa Puso ng Pasko, ang pinakabagong artista challenge ng GMA-7 sa primetime na may layuning matulungan ang ilang mahihirap na pamilya.

Kapareha ni Mark dito ang girlfriend niyang si Ynna Asistio, at may mga challenges silang ginagawa para matulungan ang kanilang partner family.

Bukod pa rito, may dalawang shows rin na naghihintay kay Mark sa susunod na taon. Isa na rito ang Dance With Me, isang dance-serye.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Itinanggi naman ni Mark na kasama siya sa cast ng Captain Barbell, na pagbibidahan ni Richard Gutierrez.

Aniya, "Hindi na ako matutuloy mag-Barbell, ano na raw, marami nang artists yung nandun, e. Hindi na kami mabibigyan ng magandang role."

MEANINGFUL BIRTHDAY. Dagdag pa ni Mark, magiging busy rin siya ngayong Disyembre. Pinagpaplanuhan na niya kasi kung paano niya ise-celebrate ang ika-24 niyang kaarawan sa Disyembre 14.

Ayon kay Mark, gusto niyang gumawa ng isang charity project para sa kanyang birthday. Plano niya raw na i-treat sa Enchanted Kingdom ang mga bata sa isang orphanage.

"Hindi ko gagawin 'tong plano para gumawa lang ng issue o gumawa lang ng ingay, o magpapansin lang ako sa mga tao. Gusto ko lang 'tong gawin, matagal na.

"Yun nga, dahil din dun sa Puso ng Pasko, marami rin kaming natutunan," paliwanag ni Mark.

VIDEO SCANDAL ISSUE. Itinanong din kay Mark kung naapektuhan siya ng isyung may video scandal daw siya. Ayon sa lumabas sa reports, si Mark daw ang lalaki sa malaswang video na kumalat sa Internet.

Ilang beses nang itinanggi ni Mark na siya ang nasa video, pero hindi pa rin nawala ang issue.

Sagot ni Mark, hindi naman siya naapektuhan ng issue na ito.

"Kasi ano, ayoko lang ng mga ganung klaseng issue.

"Kasi nga, nung time na lumabas yun, sabi ko nga dun sa kanila, sabi ko, okay lang naman sana kung ako lang naman yung maapektuhan o ako lang yung mapag-uusapan sa issue.

"E, hindi, e. Maraming nadamay na tao. Unang-una yung family ko, tapos si Ynna.

"Kaya talagang dun ako nagsi-sit out kapag may nadadamay na ibang tao. Kaya hindi ako natuwa.

"Okay lang, pero hindi naman siya pinag-usapan nang matagal," saad ni Mark.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN