Hubert Webb: "Kung ayaw nila na maniwala na ako talaga'y inosente, sabay-sabay tayong magdasal na yung may kasalanan, parusahan."

Hubert Webb was released from the New Bilibid Prisons earlier today, December 14, after the Supreme Court acquitted him and six others in connection with the Vizconde murder case. Hubert was accompanied by his father, former Senator Freddie Webb.


Humarap sa isang press conference sa loob ng New Bilibid Prisons sa Muntinlupa si Hubert Jeffrey Webb ilang oras bago siya lumaya kaninang hapon, December 14.

Labinlimang taon nakulong si Hubert dahil sa pagkakasangkot niya sa Vizconde murder case.

Kasama niyang lumaya ang anim na iba pa: sina Antonio "Tony Boy" Lejano, Michael Gatchalian, Miguel Rodriguez, Peter Estrada, Pyke Fernandez, at ang dating pulis na si Gerardo Biong.

Si Hubert, anak ng aktor at former senator na si Freddie Webb, ang prime suspect sa pagpatay sa mag-iinang Estrellita, Carmela, at Jennifer Vizconde na nangyari noong June 30, 1991 sa BF Homes, ParaƱaque City.

Sa desisyong ibinaba ng Supreme Court, na-acquit si Hubert at ang kanyang mga kasamahan dahil hindi raw napatunayan ng prosecution na "guilty without reasonable doubt" ang mga suspek.

Kapansin-pansin ang maaliwalas at bumata na mukha ni Hubert nang malaman nito na makalalaya na siya at ang mga kapwa niya akusado.

Sinundo siya ng kanyang ama na si Freddie Webb at ng kanyang kapatid na si Fritz.

FIFTEEN YEARS. Sa ginanap na presscon kaninang hapon, sa tanggapan ng New Bilibid Prisons, ang Diyos at ang kanyang pamilya na hindi siya pinabayaan, ang mga pinasalamatan ng 41-year-old detainee.

"Nagpapasalamat kami, yung katotohanan lumabas talaga," umpisa ni Hubert.

"Magmula sa umpisa, sinabi na namin na inosente kami at naniwala kami sa sistema kaya dinaanan namin yung proseso. Hindi kami tumakbo.

"Nasaan na yung mga sinasabi na may binili?

"Nandito kami, labinlimang taon.

"Labinlimang taon naming tinanggap kaya talagang nagpapasalamat kami na lumabas din ang katotohanan.

"Ewan ko kung maniniwala kayo sa akin, pero isang bagay na natutunan ko dito ay marunong ka dapat magpatawad sa gumawa sa 'yo ng kasalanan.

"Kasi kapag ginawa mo 'yan, mas malaki ang pag-asa mo na makikita ng Panginoon na ganoon ka rin."

PLANS AFTER HIS RELEASE. Ano na ang mga plano niya ngayong nakalaya na siya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"'Yon ang hindi ko talaga alam pa," sagot ni Hubert.

"Siguro, unang-una, I will spend time with my family.

"Ang problema, hindi ko nga alam kung saan ang bahay talaga.

"Hindi ko na alam kung saan ang bahay kasi labinlimang taon akong nakulong.

PUNISHMENT TO THE REAL KILLERS. Ayon kay Hubert, napatawad na niya ang sinumang may dahilan ng kanyang pagkakakulong.

"Matagal nang napatawad. Matagal na...

"Dati pa, when I answered interviews, I said already na napatawad ko na sila, kasi problema na nila 'yon sa Kanya.

"Hindi ko na problema 'yon. Sila naman ang haharap.

"Lahat tayo may huhusga sa atin. Lahat 'yon haharapin natin.

"Kung sa mga tao na iniisip ako 'y may kasalanan talaga dito, isang dasal lang ang hinihingi ko, na yung may kasalanan, parusahan.

"Magkakaisa tayong lahat doon.

"Yung mga may kasalanan, parusahan talaga. Doon tayo lahat magkakaisa.

"Kung ayaw nila na maniwala na ako talaga'y inosente, e, di sabay-sabay tayong magdasal na yung may kasalanan, parusahan."

UNDERSTANDING LAURO VIZCONDE. Naiintindihan din daw ni Hubert ang nararamdaman ni Lauro Vizconde, ang padre pamilya ng mga biktima.

"Siguro kasi yung sakit na nararamdaman sa... hindi siya makakita nang tama. Siguro sa galit.

"Marami sa atin ganoon, na sa galit, na ayaw tingnan yung totoong nasa harap.

"Dati pa naman, sinabi namin, yung mga iprinisinta namin [na ebidensiya] para sa inyong lahat, na kung gusto tingnan, suriin, tingnan lang kung nagsisinungaling kami, e. Wala naman may gusto.

"Basta iniisip lang ng tao, 'A, siya talaga [ang may kasalanan].'

"Kaya 'yon, natutunan ko na isang lesson din na huwag tayong mabilis humusga. Kasi maraming pagkakataon na hindi talaga natin alam kung ano talaga yung nangyayari.

"Ano pa po ba yung sinasabi nila sa amin noong una? Na napakalakas ng daddy ko [Freddie Webb], na senador siya't lahat nabibili niya, lahat nababayaran niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"E, ba't labinlimang taon akong nakulong kung ganoon ang sinasabi niya? Bakit ako magpapakulong ng labinlimang taon?

"E, sinasabi nga nila, binayaran yung passport, binayaran yung Amerikano. Ba't mo ako mapapakulong ng labinlima...labinlimang taon?

"Ilan bang ano noon? Four thousand days... four thousand days! Why would we agree, di ba?

"E, di dapat matagal na akong wala dito kung ganoon?

"Ngayon pa na wala na yung daddy ko na senador, tapos saka kami nagbayad na?" mahabang saad ni Hubert.

WILLING RETURN TO PRISON. Sinabi rin ni Hubert na kapag napatunayang may kasalanan talaga siya, handa siyang bumalik ng kulungan.

"Alam n'yo ho, ito ang nakakatawa, e. Yung sinasabi nila, paiba-iba.

"Pero kami, magmula sapul, iisa lang ang sinasabi namin, hindi nagbabago.

"Alam naman natin kung ano ang ibig sabihin noon, yung taong hindi marunong magsabi ng isang bagay na tuluy-tuloy at iba-iba ng sinasabi, sigurado ko, 'yon ang nagsisinungaling.

"Sigurado ko 'yon," diin niya.

"Kami, wala kaming binago sa sinabi namin.

"Hanggang ngayon, kung gusto ninyo suriin ang mga ipinakita namin, babalik ako dito [sa kulungan].

"Babalik ako kung sinabi ninyong yung mga ipinirisinta namin, sinasabi na passport na may punit, lisensiyang hindi totoo, ticket na...

"Babalik ho ako dito... Babalik ako dito."

MESSAGE TO JESSICA ALFARO. Hiningan din ng mensahe ng media si Hubert kay Jessica Alfaro, ang naging star witness ng prosecution sa kasong ito.

Dahil sa testimonya ni Jessica kaya na-convict si Hubert at ang kanilang mga kasamahan.

"I think kung may message ako sa kanya, siguro masasabi ko sa kanya na magsabi na lang siya ng totoo," ani Hubert.

"Kasi kung babasehin natin sa sinabi, di ba po, sinabi niya ako daw 'yon, e, wala ako dito [sa Pilipinas].

"Isa sa amin ang nagsisinungaling.

"Kung talagang totoo siya, e, di magpa-lie detector test lahat kami sabay-sabay para makita talaga kung sino... lahat nga gagawin namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ako natatakot.

"DNA, lumaban kami. Lahat ng hamon tinanggap namin para lang patunayan na wala kaming kasalanan."

Sa kasalukuyan ay naninirahan na si Jessica sa U.S. kasama ng kanyang pamilya.

EYEOPENER. Ano ang wish niya ngayong Pasko?

"To be with my family and spend Christmas in our own house, in our own house after 15 years... In our own house, wherever that may be," sambit ni Hubert.

Ano ang nararamdaman niya ngayong malaya na siya?

"Meron bang Tagalog word yung surreal? Paano ba yung Tagalog...?

"Parang hindi pa totoo, kasi nandito pa ako, e.

"Alam mo, isang bagay na papasalamatan ko talaga, yung mommy ko, yung pamilya ko. They've always stood beside me.

"Lagi po niya akong inaalagan, pagdating sa pagkain...

"Hindi ho tayo nagkulang dahil yung nanay ko, sobrang dakila 'yan. Sobrang pagmamahal niya.

"Sinisigurado niya, lahat natitikman ko."

Dagdag pa niya tungkol sa naging karanasan niya, "It's an eye-opener, pero ang natutunan ko, sa lahat ng mga pagsubok, merong magandang nangyayari.

"May mga naging kaibigan din ako dito. Yun bang mga empleyado rito na naging mabait sa akin, yung mga preso na naging mabait sa akin.

"Siyempre, sampung taon din 'yon," sabi ni Hubert, na ang tinutukoy ay ang pagkakabilanggo niya sa New Bilibid Prisons matapos siyang ilipat doon nang ma-convict sila.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN