Noong Sabado, January 22, ay binisita ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang rehearsal ng Love Defined, ang pre-Valentine concert ng ilan sa mga contestants sa pangalawang season ng Pinoy Dream Academy ng ABS-CBN.
Kasama dito sina Liezel Garcia, Bunny Malunda, Chivas Malunda, Sen Nichols, Cris Pastor, at Miguel Mendoza, na siyang bumuo sa concert. Gaganapin ito sa February 4 sa Teatrino, Greenhills.
Ayon kay Liezel, na nag-fourth place sa contest, nais daw nilang mag-concert para ipaalam sa kanilang mga tagahanga na tuloy-tuloy pa rin sila sa pagpupursigi sa career nila sa music industry.
Hindi na kasi sila nakikita sa telebisyon. Ang pinaka-visible na sa kanilang batch ay si Bugoy Drilon, na nanalong second place.
"We're not that visible sa TV naman, di ba?" saad ni Liezel. "Kahit sino naman sa amin, talagang wala kami sa TV, puro guesting lang. Then, mas marami yung work namin sa labas. So hindi nakikita ng mga tao yung ginagawa namin."
Layunin daw ng concert na mabuksan muli ang oportunidad para sa kanilang mga singers.
"So in a way, itong concert na 'to it's a way [for us to tell the public] na we're still here, di ba? So sana itong concert na 'to, mag-open ng doors sa aming lahat for a new beginning," sabi ng young singer.
Dagdag pa ni Liezel, nanghihinayan raw siya dahil kaunti na lang ang oportunidad para sa kanya sa industriya.
"I just want to have an opportunity para mapakita nga yun. Kasi, nanghihinayang ako. Ito yung gusto kong gawin, e. Ayokong bumalik sa trabaho ko sa Dubai na office girl ako," aniya.
"I don't like that, kasi ito talaga yung passion ko, e. Parang sa akin lang, mabigyan kami ng chance sa TV, di ba? Kasi everybody's asking where are you now?"
Tanong ng PEP, bakit hindi niya subukang lumipat sa TV5?
"Hindi po. I'm under Star Magic, e. Wala din namang offer talaga. And I love the network, so hopefully mabigyan kami [ng opportunity]," sagot ni Liezel.
DIGITAL ALBUM. Sa ngayon, masaya na raw si Liezel na nabigyan siya ng album sa Star Records, kahit digital lang ito.
Sa starrecords.ph mada-download ang album, at isa pa lang ang kantang nakalagay doon, as of press time. Ito ay ang "Di Ko Kayang Limutin," na isa sa mga soundtracks ng primetime show na Kristine.
"Ang sabi nila sa akin... nowadays, ang uso, downloadable. I think sa future ganun na ang mangyayari, wala ng physical album," saad ni Liezel.
"To follow yung three songs ko na downloadable din sa Star Records. Bale, five songs yung gagawin ko."
Hiling ni Liezel na marami sana ang sumuporta sa kanyang digital album, para raw makapag-release siya ng physical album.
"Mas happy ako kung sana mag-click siya. Kasi pag nag-click siya talaga, gagawin siya ng physical album. That's what I want talaga. Gusto ko talaga physical album," paliwanag niya.