New SexBomb member Yui Gutierrez now out of danger after burning incident at Party Pilipinas rehearsal

"Huwag na po kayong mag-alala, nababasa ko po yung mga comments ninyo sa Facebook. Ano po, okay na naman po ako, tapos malapit na po akong bumalik," assures SexBomb member Yui Gutierrez.


Nakalabas na ng ospital, pero hindi pa tuluyang magaling ang natamong sunog sa mukha ng bagong SexBomb member na si Yui Gutierrez.

Two Sundays ago, January 30, nagliliyab ang sexy opening number nina Aljur Abrenica at Rochelle Pangilinan sa Party Pilipinas.

Ang hindi napanood ng viewers ng show ay ang dapat sana'y exhibition ng pagbubuga ng apoy ni SexBomb Yui. Hindi natuloy ang fire exhibition dahil during rehearsals, Linggo ng umaga, aksidenteng nasunog ang mukha ni Yui.

Nakakagulat ang pinagdaanan ng 16-year-old dancer. Sa exclusive private video ilang oras matapos ang aksidente, makikita kung paano nasunog ang ibabang bahagi ng kanyang mukha.

Si Yui ay produkto ng reality-based dance search ng SexBomb Girls sa GMA-7, ang Danz Showdown.

YUI'S BURNING TALE. Last Friday, February 4, tatlong araw pagkatapos niyang makalabas ng ospital, nakausap ng Showbiz Central si Yui. Ikinuwento ng dancer ang nangyari during the rehearsal.

"Pag-inom ko po dun sa gas, mainit na po siya sa labi ko, parang sinusunog na yung dila ko sa loob.

"Ang ginawa ko po, ibinuga ko na lang dun sa apoy na hawak ko yung gas na nasa bibig ko po, tapos yun po, hinabol po ako ng apoy, bumalik siya dito [sa mukha].

"Nung time na po yun, wala po talaga akong naramdaman. Ayoko nga pong magpadala sa ospital, sabi ko, 'Okay lang po ako, tara diretso lang po [ang rehearsal].'

"Tapos, sila Ate Aira [Bermudez] po tsaka si Ate Rochelle [Pangilinan], nag-aalala na po sila, pinilit po nila akong ipadala sa ospital.

"Tapos nung nasa ospital na po ako, dun ko na lang nakita yung itsura ko, napaiyak na lang po ako," kuwento ni Yui.

Sa kabila ng second degree burns na kanyang natamo, kinumpirma ng mga doktor na ligtas ang SexBomb Girl mula sa kapahamakan.

"Alagaan ko lang daw po sa linis, tapos three times a day na pagpahid [ng medicinal ointment] para daw po hindi ano, hindi daw po gaanong malalim yung maging peklat," sabi ni Yui.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THANKFUL. Very thankful naman ang manager ng SexBomb Girls na si Joy Cancio sa GMA-7 at sa Party Pilipinas sa pagdadala kay Yui kaagad-agad sa ospital.

"At sinabi nga ng doktor na puwedeng ilabas, pero nag-insist ang mga taga-Party Pilipinas na i-confine na para ma-check nang mabuti," sabi ni Joy.

Nagpapasalamat naman ang ina ni Yui na si Mrs. Nori Gutierrez kay Joy sa hindi nito pagpapabaya sa kanyang anak.

"Sabi nila kapag nagpeklat naman daw yung mukha ng anak ko, talagang ipapagamot pa rin nila, ipapa-laser na daw," ayon sa ina ni Yui.

Sa kabila ng pinagdaanan ni SexBomb Yui, ito ang gusto niyang iparating sa mga fans na nag-alala sa nangyari sa kanya:

"Huwag na po kayong mag-alala, nababasa ko po yung mga comments ninyo sa Facebook. Ano po, okay na naman po ako, tapos malapit na po akong bumalik."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN