Amy Perez has one request for ex-husband Brix Ferraris: "Sana i-divorce na niya ako."

Amy Perez, who hosts "Love Hurts," a segment on TV5's morning show, Sapul sa Singko, gives this advice in time for Valentine's Day. "Pag ang guy may asawa at sasabihin na ikaw lang, [huwag kang maniwala]. Kasi definitely, kung nagawa niya sa asawa niya, magagawa niya yun sa iba."


Tuloy-tuloy na nga ang pag-arangkada ng career ng television host na si Amy Perez. Bukod sa pagiging host ng Face 2 Face, TV5's talakserye, kasama na rin siya ngayon sa bagong format ng Sapul sa Singko, ang morning show ng TV5, aired from 5:00- 8:00 am, Mondays to Fridays.

Kasama ni Amy sa bagong format na show sina Erwin Tulfo, Chiqui Roa-Puno, Martin Andanar, Lourd De Veyra, Shawn Yao, Atty. Mike Templo, Lia Cruz, Ferdinand "Makata-tawanan" Clemente, at Benjie "TsongkiBenj" Felipe.

Si Amy ay mapapanood sa "Love Hurts" segment ng morning show. Makakasama niya rito sina Erwin Tulfo at Martin Andanar sa pagbibigay ng payo tungkol sa pag-ibig.

Nagkaroon ng pagkakataon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) at ilang miyembro ng media na makausap si Amy pagkatapos ng presscon ng Sapul sa Singko kaninang umaga, February 7, sa Annabel's Restaurant sa Quezon City.

DIVORCE CASE. Hindi naiwasan na pag-usapan ang masakit na karanasan ni Amy sa pag-ibig.

Sa general presscon, ibinalita ni Martin na nahanap niya sa YouTube ang dating asawa ni Amy na si Brix Ferraris.

Ayon kay Martin, nasa California na raw si Brix at mukhang may career na doon as a performer.

Ano ang masasabi ni Amy nang malaman niya na nasa California ang kanyang dating asawa?

"Wala naman. Natawa lang ako. Sana i-divorce na niya ako. Yun lang ang pakiusap ko," ang mabilis na tugon ni Amy.

Dagdag pa niya, "Actually, may mga bali-balita na, pero wala namang confirmation hanggang sa may nagsabi na andun nga daw. Nag-ti-TNT [tago nang tago] siya, actually. Kung masama nga ugali ko puwede ko siyang i-report di ba?

"Pero hindi na, hayaan na natin. May mga kanya-kanyang buhay na kami. Tutal hindi na niya kami pinakikialaman. Siguro ang tanging problema namin is the legal side of it."

Ayon pa kay Amy, wala pang progreso sa divorce na kanyang isinampa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi nga, yun ang problema: Paano mo kakausapin ang taong ayaw makipag-usap, nagtatago at tumatakbo sa responsibilidad niya? So dun kami nahihirapan actually. When in fact, okay naman na lahat kay Brix . Siguro, hindi lang talaga siya sanay, alam mo 'yon, yung nakikipag-usap."

HAPPY FAMILY. Maayos at masaya si Amy ngayon sa piling ng kanyang partner na si Carlo Castillo. They have been together for five years and they want to take their relationship one step further.

"Kami ni Carlo we are still hoping and praying na yun... na magbago yung ihip ng hangin, na sana this time siya [Brix] na yung mag-file ng divorce. Kasi ako, on my side, nagawa ko na, e.

"Nagawa ko na lahat ng puwede kong gawin: Makiusap, magmakaawa, lahat na [just] to save the marriage before, and finally [to] let go. So ngayong tapos na, hindi pa rin," aniya.

Nagpasalamat din si Amy sa kanyang partner na si Carlo. "Sobrang naiintindihan niya.

"More than kay Carlo, I'm thankful sa family niya, for accepting me totally, and more than anything else, yung pagtanggap sa anak ko... Overflowing yung joy and happiness ko.

"Kasi kung tutuusin, hindi nila kaano-ano, hindi nila [ako] kadugo. But they love Adi so much," aniya.

Si Adi ang 13-year-old na anak ni Amy kay Brix, ang dating vocalist ng Southborder.

"Yung tipong every Christmas, inaabangan ni Adi yung pagpunta sa mga kamag-anak ni Carlo kasi andami niyang nakukulektang bente pesos. Di ba, yun yung joy talaga ng bata," kwento ni Amy na sabay tawa.

Kumusta naman ang anak nila ni Carlo na si Kyle?

"Kyle is now two years old. [He's] doing good. Favorite niya si Michael Jackson!"

Natutuwa din si Amy at nagkakasundo ang dalawa niyang anak na lalake.

"Walang kaproble-problema. Parang suddenly si Adi felt so responsible, bigla siyang naging kuya. Gustong-gusto naman niya. Ang galing ng Diyos na ginawang lalake yung anak namin ni Carlo para nag-bond sila kagad. Kasi pag babae, definitely magkakaproblema yan kasi magkaiba ng gusto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So ngayon parang, [sinasabi ni Adi] 'I'm your kuya and I will take care of you.' Well-protected si Kyle with Adi around. Tsaka si Adi talagang mauutusan mo na, 'O, Adi, watch over Kyle muna,'" ang kwento ni Amy.

Isa ngayon sa mga balak ni Amy at ng kanyang partner na ma-adopt na nang tuluyan ni Carlo si Adi.

"Talagang uupuan namin ito, kasama ang isang abugado para maayos na rin ang lahat. Kasi ano na siya, e, parang napakahabang telenobelang walang ending! Hindi malaman ng director kung paano iko-close! Bakit kaya hindi magaling na scriptwriter 'tong si Brix," pagbibiro niya.

Turning serious, she said, "Actually isa yun sa mga nire-request ngayon ni Adi. Sabi niya, 'Mom, when can I change my last name? I really wanna change it to Castillo.' Kasi talaga ang nakilala niyang tatay ay si Carlo."

ON EX-HUSBAND. Hindi na rin naiwasan na mapag-usapan ang kanyang dating asawa, si Brix Ferraris.

Ano nga ba ang dahilan at nag-fail ang kanyang unang marriage?

"Ang naging dahilan talaga is that irresponsible siya, hindi siya ready, may babae, maraming issue, e. At fault din ako kasi I was really hoping and praying for a perfect marriage," ang diretsong sagot ng television host.

Matagal na ring hindi nagkita si Adi at si Brix.

"[Taong] 2005, pinangakuan niya na magta-Timezone sila, hindi siya dumating so siyempre, paliwanag na naman ako sa bata.

"Ang huling pinakamasakit kay Adi yung eto lang, nakita niya may Facebook account ang tatay niya, ini-invite niya, hindi siya sinagot.

"So, sinabihan kami ni Carlo na parang tama na. Yun na yon, na-feel na ng bata yun, di ba?"

Pagpapatuloy ni Amy, "Hindi mo rin masisisi yung bata kung wala siyang amor sa tatay niya kasi talagang wala. Nag-try naman siya mag-reach out. I think hindi naman nararamdaman ni Adi yung loss because sobrang pinupuno ni Carlo yun for him."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May tampo man daw si Adi kay Brix, sinasabihan pa din ito ni Amy na kilalanin pa rin niya ito bilang tatay niya.

Ani Ami, "[Sinasabi ko okay Adi], 'In the future magkikita at magkikita kayo, hindi ko nga lang alam kung kelan, anak. You have to be ready kung ano ang sasabihin mo. Just be open.'"

Tanong ng press kay Amy, papayag kaya si Brix na ampunin ni Carlo si Adi?

"Siguro naman. Kasi kahit na balibaliktarin natin ang mundo, 'Labintatlong [taon] na ang anak mo! Kung talagang mahal mo at meron kang pagmamahal, ano ba naman yung silipin mo?' ang mensahe ni Amy sa dati niyang asawa.

Kinuwento rin niya ang kanyang mga realisasyon tungkol sa kanyang dating asawa.

"Nakausap ko yung mga [miyembro] ng Southborder nung lahat kami nag-grow-up na, at may mga kanya-kanya ng pamilya, at napagdugtong-dugtong namin ang lahat. We realized that Brix is not a family man. Hindi siya yung marrying type," sabi ni Amy.

"Kasi kung napapansin ninyo, wala naman napapabalita na karelasyon niya nang matagal. Wala rin namang napapabalita na anak niya, so hindi siya talaga ganun. Yung sa kanya, ang concern niya is career, yung sarili niya, yun lang siya."

LOVE ADVICE. Paano kung may isang babae ang biglang humingi ng payo sa kanya tungkol kay Brix?

Natawa si Amy at nagkuwento, "Nangyari na 'yan, may babaeng lumapit, hindi naman para humingi ng payo kundi para mag-sorry at aminin niya na nung time na naging kami ni Brix, isa siya sa mga naging karelasyon niya.

"Natawa na lang ako tsaka siyempre naawa ako dun sa girl pero kinonggratulate ko na din siya kasi kumbaga nag-move on na siya. Kasi all the while akala niya siya lang, yun pala meron pang iba."

Nag-iwan pa si Amy ng payo: "So, ito yung sasabihin kong advice sa mga kababaihan — Pag ang guy may asawa at sasabihin na ikaw lang, [huwag kang maniwala]. Kasi definitely, kung nagawa niya sa asawa niya, magagawa niya sa iba."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN