Iskul Bukol's Alwyn Uytingco likens relationship with Jennica Garcia to a diamond

"Mas gusto ko 'yong ganun, freelancer. If ever naman mag-offer 'yong ibang networks, okay lang," says young actor Alwyn Uytingco, who will be seen in the remake of Iskul Bukol under TV5.


Malaking pressure ang nararamdaman ngayon ng young actor na si Alwyn Uytingco dahil kabilang siya sa lead cast ng modern remake ng Iskul Bukol, na ipapalabas sa TV5 simula sa Mayo.

Ang Iskul Bukol ay ang patok na comedy sitcom na napanood sa IBC-13 at pinagbidahan nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon noong late '70s hanggang sa magpaalam ito sa ere noong 1988.

Kahapon, February 14, sa story conference ng programa ay nagpalabas ng ilang old video clips mula sa original Iskul Bukol sila Direk Soxie Topacio at Dante Nico Garcia para mapanood ng current cast members.

Ginanap ang story conference sa TAPE Studios sa loob ng Central Business District na matatagpuan sa kahabahan ng Manggahan sa Pasig City.

Aminado si Alwyn na mahihirapan silang tapatan ang natural na batuhan ng linya nina Tito, Vic & Joey, dahil unang-una ay magkakaibigan na talaga ang tatlong komedyante at hindi na kailangang pilitin pa ang chemistry nila pagharap sa kamera.

"Sabi ko, napaka-effortless nung tatlo. 'Yong bond nila, at sila mismo natatawa sila sa sarili nilang eksena. So, ang challenge lang talaga siguro for us is 'yong pagiging comfortable with my co-actors and 'yong bond na mabubuo namin," sabi ni Alwyn nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

PATTERNED AFTER JOEY. Sinabi ni Direk Soxie na merong conscious effort sa parte ng production team na ilayo ang personalidad ng mga bagong characters sa roles na ginampanan nina Tito, Vic & Joey.

May konti pa rin naman sigurong pagkakahawig, katulad na lang ng papel ni Alwyn na sa palagay niya ay may resemblance sa karakter ni Joey na si Josemari "Joey" Escalera.

"'Yong character ko, matalino talaga si Chill, pero tina-try niya na lumevel sa mga classmate niya para lang makasabay. Nagpapakatanga siya para masakyan din siya ng mga kaklase niya," paliwanag ni Alwyn.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa pagkakatanda ni Alwyn ay "more than three times" siyang nag-audition para sa Iskul Bukol. kasama na rito ang go-see at casting procedure.

Currently ay napapanood din si Alwyn sa primetime series ng Kapatid network na Babaeng Hampaslupa kaya naipapamalas din niya ang kakayahan pagdating sa drama.

Masaya si Alwyn dahil sa pamamagitan ng Iskul Bukol ay mailalabas niya ang pagiging natural comedian niya na bihirang makita ng mga manonood.

"Personally, masayahin akong tao, e. Gustung-gusto ko 'yong nanonood ng mga Jim Carrey, Adam Sandler, Will Ferrell... Sobrang ang tagal kong hinintay 'tong opportunity na ito para maging outlet ko naman pagdating sa pagpapatawa," sabi niya.

PARK DATE. Pagkatapos ng aming interview ay balak daw ni Alwyn na sunduin ang girlfriend na si Jennica Garcia para sa kanilang Valentine's Day date.

"Ang plano ko talaga sana dalhin siya sa Luneta, tapos maglalatag lang ako dun. Bumili ako ng sky lanterns, 'yong pinalilipad, gusto niya kasi 'yon," kuwento ni Alwyn na halatang excited sa kalalabasan ng kanilang date.

Balak sana namin na tanungin ngayong araw si Jennica kung natuloy ang Luneta date nila ni Alwyn kagabi subalit na-postpone ang dapat sana'y finale presscon ng GMA-7 afternoon series na Bantatay.

Recently ay nabalita na kinagat ng aso na pagmamay-ari ng direktor na si Don Michael Perez si Jennica habang nasa set ng Bantatay.

Kinamusta namin si Jennica kay Alwyn. Sinabi nito na maayos naman ang lagay ng kasintahan subalit kailangan pa nitong kumpletuhin ang anti-rabies vaccination shots para masiguro na ligtas siya sa maaaring panganib.

"Meron pa siyang dalawang balik sa hospital for injection ulit. Naaawa nga ako sa kanya kasi ayaw niya nun, e, 'tsaka nasasaktan siya sa injection," dagdag ni Alwyn.

Hindi naman masama ang loob ni Alwyn kay Direk Don Michael Perez at sa aso nitong si Kevin.

"Siguro hindi rin naman nila ginusto 'yong nangyari," mahinahong sagot ni Alwyn.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I'm just praying na sana matapos na 'yong vaccines niya."

HAPPY WITH JENNICA. Obviously ay very happy ngayon si Alwyn sa estado ng kanilang relasyon ni Jennica.

Hindi naman daw masasabing perpekto ang pagsasama nilang dalawa, pero naniniwala ang aktor na nakakatulong ang mga pagsubok para lalong lumakas ang kanilang pagsasama.

"'Yon yung maganda kasi kumbaga sa diamond, hinuhulma nang magandang-maganda 'yong relationship," paliwanag ni Alwyn.

Parehong may advantages at disadvantages ang pagkakaroon ng showbiz partner. Pero pabor na din ito para sa kanila, sabi ni Alwyn, dahil naiintindihan nila ang demands ng trabaho ng isa't isa.

Ayaw namang isipin ni Alwyn na boto sa kanya ang ina ni Jennica na si Jean Garcia. Pero nagpapasalamat daw siya dahil maayos ang pakikitungo sa kanya ng magaling na aktres.

"Sobrang thankful ako kay Lord kasi hindi ko inexpect na si madam [Jean] ay magiging mabait sa akin," masayang pahayag ni Alwyn.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN