Kim Chiu denies "tampuhan" among her friends because of Maja Salvador; explains rumored date with Sam Milby at Taylor Swift concert

"Gaya nga po ng sinasabi ko, hindi po ako naghahanap ng mamahalin sa buhay, darating naman po 'yan sa tamang panahon. Saka hindi po hinahanap 'yan. Talagang may nakalaang tao na magmamahal sa iyo at mag-aalaga sa iyo. And antayin na lang natin kung sino siya," says Kim Chiu.


Isa si Kim Chiu sa "18 Treasures" sa debut party ni Empress Shuck kagabi, February 20, sa Grand Terrace, Commonwealth Avenue, Quezon City.

Pero walang naibigay si Kim na regalo kay Empress dahil hindi raw niya inaasahang makakabahol pa siya sa party ng kaibigan.

"Hindi ako nakapag-ready ng regalo dahil sabi, hindi raw ako kasali sa 18 Treasures. Kasi nga, meron akong schedule kanina.

"Yun, sabi ko nga sa trabaho kanina, sana mabilis akong matapos para makasunod ako sa birthday. Ayun, tumawag ako, sabi kakasimula lang kaya binilisan namin. So, umabot kami," kuwento ni Kim sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) during the event.

Nangako naman siyang isusunod na lang niya ang kanyang gift kay Empress sa mga susunod na araw.

"Oo naman, ganun naman talaga ako magbigay ng regalo, laging delayed!" tawa niya.

"Lagi talaga. Kasi titingnan ko muna yung gift ng iba. At saka na ako magbibigay ng regalo."

Wala pa raw naiisip si Kim na regalong puwede niyang ibigay kay Empress.

"Kay Empress kahit ano, basta pink, puwede na sa kanya yun," banggit ng young actress.

Ayon pa kay Kim, halos magkaparehas sila ng gusto ni Empress.

"Oo, parehas kami. Pero sa kanya, more on rocker na pink. Ang sa akin naman ay parang baby-doll pink."

Nagkaroon lang ng tsismis na may tampuhan daw na namagitan kina Kim at Empress bago naganap ang party dahil sa tuwing tatanungin ang debutante kung dadating ang una, sinasabi nitong hindi.

Paliwanag naman ni Kim, "Kasi, sabi talaga, matagal matatapos yung pictorial. Tapos, late pa magsisimula. E, napakiusapan namin na maagang simulan. Kaya yun, maaga kaming natapos kanina kaya nakapunta ako."

Tumanggi naman si Kim na sabihin kung ano ang pictorial na ginawa niya. Pero yun daw ay para sa isang endorsement niya.

FRIENDSHIP WITH EMPRESS. Paano ba sila naging magkaibigan ni Empress?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Si Empress, kasama ko siya sa workshop, e," sabi ni Kim.

"Nag-workshop kami sa ABS. Parang ang dami naming nagsama-sama, tapos 14 Sundays, so every day kaming magkakasama ng six hours. So, yun."

Walang masabing pangyayari si Kim sa pinagdaanan ng friendship nila ni Empress.

"Wala naman. Pero dumaan lang sa maraming intriga at tsismis na hindi naman po totoo. Gaya ng nag-away-away kami, gaya ng maghihiwalay kami. Bakit naman iniintriga tayo, e, wala naman talagang nangyayari?

"So, para sa amin, wala lang. Wala lang talagang time minsan na maging kumpleto kami, mga ganyan," pahayag niya.

"ChiuRiGoGoBaSchu" ang pangalan ng grupo nila, na ayon kay Kim ay pinagsama-samang apelyido nila nina Melissa Ricks, Erich Gonzales, Beauty Gonzales, Kitkat, at Empress.

MAJA SALVADOR. May sumulpot na balitang nasasangkot sa diumano'y tampuhan nilang magkakaibigan ang kapwa nila Kapamilya star na si Maja Salvador. Pero ayon kay Kim, kaibigan din niya si Maja.

"Yes, naging close friend ko rin kasi si Maja. Tapos nagsama kami sa U.S. tour namin for three weeks. Every day kaming magkasama ni Maja, magka-roommate pa kami. E, naging close din kami, ayun!

"Hindi ko alam kung bakit nabibigyan ng isyu yung gano'n," nagtatakang sabi ni Kim.

Ang isyu ay ang pagseselos umano ng mga kagrupo niya dahil mas nabibigyan daw niya ng time si Maja kumpara sa kanila. Ano ang masasabi ni Kim dito?

"Hindi naman po totoo, 'no!" natatawang bulalas ni Kim. "Parang magkakaibigan naman kaming lahat. Huwag na lang po nating bigyan ng kulay kung anuman po ang nangyayari sa amin."

SIMON ATKINS VS GERALD ANDERSON? Hindi rin nakaligtas si Kim sa "triangle issue" sa pagitan ng De La Salle University star basketball player na si Simon Atkins at ng dating ka-love team ni Kim na si Gerald Anderson.

Matapos daw kasing mag-tweet ni Simon tungkol sa paghanga niya kay Kim at sa pag-iimbita sa dalaga para mag-date sila, agad naman daw nag-offer si Gerald ng isang Valentine's date sa dalaga dahil naalarma ito sa varsity player.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang reaksiyon dito ni Kim?

"Ano? Hindi! Wala po. Hindi ko alam," hindi makapaniwalang tugon ni Kim na iiling-iling pa.

Pinasinungalingan naman ni Kim ang lumabas na balitang may nakakita raw sa kanila ni Gerald na magkasama noong February 14 sa Glass Garden sa Pasig City.

"Hindi ko po alam. Kasi ang alam ko, kasama ko sila Maja, kasama ko sila Cacai nuong araw na 'yon. Nag-dinner kami sa bahay nila. May mga pictures pa kami. Hindi ko alam kung sino ang nasa Glass Garden," sabi ng dalaga.

May kilig ba sa kanya ang mensahe ni Simon sa Twitter?

"Oo naman, siyempre nakakatuwa. Ang sarap ng feeling na may humahanga sa iyo na hindi sa showbiz," pag-amin ni Kim.

Inaasahan niya bang makilala niya sa personal si Simon?

"Hindi ko alam, hayaan na natin siya, nanahimik ang buhay niya," nahihiyang sagot ng young actress.

Nagkausap na sina Kim at Simon sa telepono. Kumusta naman ang kanilang pag-uusap?

"Okey naman, nakakatawa naman siya. Yun lang," maikli niyang tugon.

May mga tanong pa sana tungkol kay Simon, pero umiwas nang sumagot si Kim.

"Huwag na yun, okey na yun!" tawa-tawa niyang pakiusap.

Tawa lang din ang naging reaksiyon ni Kim sa papuring naririnig nito tungkol sa kaguwapuhan ni Simon.

DATE WITH SAM MILBY? May balita naman na si Sam Milby raw ang ka-date ni Kim sa concert ni Taylor Swift last Saturday, February 19, sa Araneta Coliseum.

Totoo ba ito?

Paliwanag ni Kim, "Ahm, ano, nagkita lang kami sa Araneta. And nakapasok kami doon sa gilid ng stage ni Taylor Swift, as in sobrang nahawakan namin siya. And magkasama kami sa linyang 'yon at sa loob ng buong circle na yun. Kasi binigyan kami ng VIP bracelet."

Bukas na ba uli ang puso ni Kim para sa bagong pag-ibig, lalo't marami ang nagkakainteres sa kanyang mga lalake na pawang mga guwapo pa?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko alam," sagot niya.

"Gaya nga po ng sinasabi ko, hindi po ako naghahanap ng mamahalin sa buhay, darating naman po 'yan sa tamang panahon. Saka hindi po hinahanap 'yan. Talagang may nakalaang tao na magmamahal sa iyo at mag-aalaga sa iyo. And antayin na lang natin kung sino siya."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN