Star Power grand winner Angeline Quinto denies she is copying Regine Velasquez-Alcasid

Angeline Quinto, who is dubbed as the Power Belter of Manila, says that she is not copying Regine Velasquez. "Madami nga pong taong nagagalit sa akin, kasi ginagaya ko daw po si Ms. Regine Velasquez. Di ko naman po kasalanan na ganito po yung boses na binigay sa akin ni Lord. Sana po 'wag na po sila magalit. Sobrang flattered nga po ako kasi isa rin si Ms. Regine sa mga iniidolo ko."


Dumagundong ang buong Ynares Sports Center sa Antipolo City sa dami ng taong sumuporta sa limang finalists ng Star Power: Sharon's Search for the Next Female Pop Superstar na ginanap noong Linggo, Pebrero 20.

Suot ng supporters ang kulay ng kani-kanilang bet para manalo. Green ang kulay na suot ng supporters ni Angeline Quinto, yellow para kay Krissel Valdez, red para kay Akiko Solon, pink para kay K-la Rivera, at blue naman para kay Monica Sacay.

Kanya-kanyang pag-iingay rin ang maririnig ng mga tao para ipakita ang kanilang suporta sa kanilang pambato.

Siyempre, isa sa mga excited ang ina-inahan ng finalists at main host ng programa na si Sharon Cuneta. Namataan din ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa audience area ang mister ng Megastar na si Sen. Kiko Pangilinan para suportahan ang kanyang asawa.


GRAND FINALS. Bigay na bigay sa kanilang opening number ang limang finalists na sina K-la, Angeline, Krissel, Monica, at Akiko, kasama ang Megastar. Sa simula pa lang ay nakita ang kanilang patalbugan, hindi lamang sa kanilang black outfit kundi maging sa pagbirit sa kanta.

Tatlong levels ang pinagdaanan ng finalists: Personal Song Choice, Judges' Choice, at ABS-CBN Management Score.

Isang finalist ang na-eliminate sa bawat level. Sa Personal Song Choice round, natanggal si Akiko. Sa Judges' Choice round, natanggal naman si K-La.


Nagkamit ng score na 90.88 percent si Angeline kung kaya't siya ang itinanghal na first Star Power Female Pop Superstar. Si Krissel ang second placer at pumangatlo naman si Monica.

Kitang-kita ang kasiyahan ni Angeline, kasama ang kanyang kapatid at ama na tinatanggap ang kanyang mga premyo.

Nauwi ni Angelineang premyong P1 million, SUV Hover, at isang diamond jewelry set. Isang management contract din sa Star Magic ang naghihintay para kay Angeline.

Lahat naman ng finalists ay magkakamit ng entertainment showcase at makakasama na sila sa Sunday musical-variety show ng ABS-CBN na ASAP Rocks.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sina Mitch Valdez, Billy Crawford, at Direk Bobot Mortiz ang naging jurors. Sila ang nagbigay ng 30 percent ng total score ng finalists.

Sina Linggit Tan, ABS-CBN Head of Entertainment at Anabelle Regalado, managing director of Star Records, ang representatives ng ABS-CBN Management na siyang nagbigay ng 30 percent ng total score.

Ang natitirang 40 percent ay mula sa text at online votes.

(CLICK HERE to read more about the grand finals of the show.)

UNEXPECTED. Naasahan ba ni Angeline na siya ang mananalo?

"Hindi po talaga pumasok sa isip ko na ako yung tatanghaling first Star Power Female Pop Superstar. Ginawa ko lang po talaga lahat ng makakaya ko.

"Ito pong gabing ito ng grand finals, ibinigay ko lahat ng makakaya ko kahit wala dito yung mama ko para maging inspirasyon ko dahil nga po may sakit po siya at di siya puwede magpunta rito. Basta ako po, inialay ko po lahat sa Panginoon yung performances ko," pahayag ni Angeline nang makausap siya ng PEP pagkatapos ng grand finals.

Ano ang ginawa niyang preparation para sa grand finals?

"Di po alam ng mga staff ng Star Power na tumatakas po ako pag wala kaming ginagawa, bumabalik ako sa simbahan... sa Quiapo Church, sa Baclaran, at sa St. Claire po. Sumasakay po talaga 'ko ng LRT nang mag-isa para magsimba at humingi ng tulong sa Diyos."

Ano ang gagawin niya sa premyo niyang P1 million?

"Una po, magpapa-thanksgiving po ako sa mga simbahang pinupuntahan ko, saka tutulungan ko po yung mga kamag-anak ko na may sakit.

"Higit sa lahat, mababayaran ko na po yung mga utang ko. Hindi po kasi alam ng mama ko na isinanla ko yung titulo ng lupa't bahay namin para gamitin sa operasyon niya," sabi ni Angeline.

Ano naman ang gusto niyang bilhin para sa sarili niya?

"Ako po, para sa sarili ko, gusto ko po talagang magkaroon sa bahay namin nung malaking Mama Mary, yung image ng Our Lady of Manaoag. Kasi po dati, pangarap din po yun ng mama ko, kaya lang super mahal po talaga nun kaya di namin kayang bilhin. Ayun, papagawa po ako ng ganun para sa bahay po namin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang ibinigay na advice sa kanya ni Sharon bilang first winner ng Star Power?

"Sabi po ni Mama Sharon, na kahit ano nga daw pong mangyari, huwag akong magbabago. Saka lahat naman po ng advice ni Mama Sharon, nakatatak lahat yun sa puso't isip ko po," sabi ni Angeline.

Sinagot din ni Angeline ang pagkukumpara sa kanila ng Asia's Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid. Kamukha niya raw kasi ito at hawig daw sila ng boses.

Aniya, "Madami nga pong taong nagagalit sa akin, kasi ginagaya ko daw po si Ms. Regine Velasquez. Di ko naman po kasalanan na ganito po yung boses na binigay sa akin ni Lord. Sana po 'wag na po sila magalit. Sobrang flattered nga po ako kasi isa rin si Ms. Regine sa mga iniidolo ko."

Binanggit ni Angeline na pangarap niyang makatrabaho sina Gary Valenciano at Sarah Geronimo.

Hindi lang pagkanta ang nais subukan ni Angeline, pangarap niya rin daw mag-artista kung bibigyan siya ng pagkakataon. Ang nais daw niyang makasama ay si Piolo Pascual dahil matagal niya na raw itong crush.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN