Robin Padilla appreciates Mariel Rodriguez's role as "balancer," has no hard feelings towards people who criticized their union

Robin Padilla (right) on critics of his reel and real marriage to Mariel Rodriguez (left) last year: "Kasi, opinyon ng mga tao 'yan, e. Ang bawat opinyon ng tao ay God-given right 'yan. Basta ang ano lang namin lagi, kami ay nagmahal, kami ay sumunod sa patakaran ng aming mga relihiyon. Kami'y nagpakasal at hindi kami nabuhay sa kasalanan."


Tila bumata ang itsura ni Robin Padilla.

Ito ang napansin ng mga nagsipuntahang showbiz media sa press conference ng Tum: My Pledge of Love, ang bagong pelikula nina Robin at Mariel Rodriguez.

Biniro tuloy si Robin na panay yata ang punta nito kay Dra. Vicki Belo.

"Naku, mahal po natin si Dra. Belo, pero kay Ate Rowena po ako," ang sabi ng 41-year-old na action star, sabay tawa. Ang ate niyang si Rowena ay isang dermatologist.

Banggit ng ilang nag-i-interview kay Binoe (palayaw ni Robin) pagkatapos ng presscon sa Annabel's sa Tomas Morato, Quezon City, kahapon, February, 26, nakakabata raw yata sa kanya ang pag-iibigan nila ng 26-year-old na si Mariel.

"Siguro una, yung pananampalataya. Pangalawa, siyempre, iba rin yung kausap mo, laging tawa nang tawa. Iba yun, e, iba yun. Umaga pa lang, tawa kayo nang tawa. Matutulog kayo, tawa kayo nang tawa. Iba yung ibinibigay ng tawa sa tao," paliwanag pa ni Robin kung bakit maaliwalas at tila bumata ang itsura niya ngayon.

Nagsasama na nga bilang mag-asawa sina Mariel at Robin. Ipinahayag kasi ni Robin sa panayam sa kanya ni Tina Monzon-Palma noong Septyembre nitong nakaraang taon (CLICK HERE to read related story) na ikinasal na sila ni Mariel noon pang August 19, sa Agra, India.

Ipinahayag niya rin sa harap ng mga nag-i-interview sa kanya sa presscon na iyon na balak pa rin nilang ituloy ang church wedding nila ni Mariel na ang target ay sa buwan ng Hunyo na, matapos na mabigong maisakatuparan ito noong Disyembre ng nakaraang taon at ngayong Pebrero.

NO BABY PLANS YET. Pero sa kabila ng pagiging buhay-mag-asawa nila, wala pa raw sa plano nila magkaroon ng baby.

"Choice namin yun. Choice namin na huwag muna, kasi nga... Una, samantalahin yung pagkakataon na ako lang yung sentro ng buhay ni Mariel. Ako lang. Gigising ako, matutulog ako... Pag nagka-baby kasi, wala, second class citizen na tayo. Hindi na tayo ang aasikasuhin," ani Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos daw ng dalawang taon, puwede na raw silang gumawa ng magiging anak nila ni Mariel.

"Hiningi ko sa kanya, dalawang taon. 'Ika ko, pagka teenager na si Ali." Si Ali ang 10-year-old na anak na lalaki ni Robin sa dati niyang asawa na si Liezel Sycangco. Kasalukuyang nasa Australia si Ali sa piling ni Liezel.

Kung gusto ni Robin na lagi pala siyang inaasikaso ni Mariel, mabuti't pumayag siyang bumalik ito sa TV hosting.

"Ay, kailangan niyang gawin yun. Kasi... siguro naman, sa mga karanasan ko sa pag-ibig, e, importante sa isang dalaga, edad niya lalo, ang may ginagawa.

"Ang mangyayari kasi niyan, pagka... siguro kung ako retired, talagang kami ang magkasama, hindi ko siya pagtatrabahuhin. Pero hindi ako retired, e. Nagtatrabaho rin ako. Hindi maganda na maiwan siya sa bahay, nakakaawa naman yun."

Alam din daw niyang sa hosting nag-e-enjoy si Mariel.

"Ang energy ni Mariel, aba, e, magmula po umaga 'yan, hanggang gabi. Wala pong pagkababa ng energy," dagdag pa ng nagsulat, nagdirek at nag-produce ng Tum: My Pledge of Love.

"MASTER." Ang Tum: My Pledge of Love ay tungkol sa pag-iibigan ng apat na tao na naiipit sa pagkakaiba ng relihiyon at kultura ng dalawang bansa. Isang buwan nag-shoot sina Robin, Mariel, Queenie Padilla at Ejay Falcon sa iba't ibang lugar sa India at nakipagtrabaho sa Indian crew at cast na nakuha nila roon.

Ikinuwento ni Robin kung gaano kahigpit sa oras ang mga Indian.

"Walong oras lang talaga. Pagkatapos ng walong oras, pack up na. Kaya kailangan, mabilis. Doon din ako nape-pressure noon," kuwento ni Robin.

"Pero nakakatuwa naman, ang tawag nga ng mga Indian sa akin doon, 'master.' Kasi dumarating ako sa set, nagsu-shooting kami na edited na. Sabi nila, puwede pala yun? Yun yung parang naipakita ko sa kanila roon, yung kung gaano tayo kabilis gumawa ng pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Isang buwan lang po natin na-shoot ang pelikula, pero kung papanoorin n'yo na po, wala pong maliit na eksena. Puro po malalaking eksena talaga at nagawa po natin yun kasi pagdating sa set, naka-edit na po lahat ng gagawin. Doon po sila napabilib," bida pa ni Robin.

Malaki rin daw ang naging papel ni Mariel pagdating sa mga behind the scenes na aspeto ng pelikula.

"Minsan, siya pa yung tagahawak ng kamera. Magtatanong na lang sa akin 'yan, 'O, babe, okey na ba itong puwesto ko?' Siya yung pumupuna ng mga kulang kapag kulang talaga sa tao," ani Robin.

MARIEL AS BALANCER. Na-a-appreciate nga nang husto ni Robin ang pagpuno ni Mariel sa lahat ng kulang sa kanya, hindi lang sa usapin ng paggawa ng pelikula, kundi pati na rin sa personal niyang buhay at relasyon sa dalawa niyang anak na dalaga.

"Si Mariel kasi, mabuti na lang, nandiyan 'yan, e. 'Balancer' ko talaga siya, kasi kung wala siya, naku... Lalo na yung dalawang anak kong babae. Naglilihim na sa akin 'yang mga 'yan, e. Alam mo na, mga usaping pag-ibig.

"Ako kasi, hindi ako pabor sa mga manliligaw na ganyan, e. Hindi nila puwede sa aking ikuwento 'yan. Mabuti na lang si Mariel, hindi naman sila nagkakalayo ng edad ng mga 'yan, e. Nagkakakuwentuhan sila, nasasabihan ni Mariel. Ako kasi, naku... nagsasalubong yung sa amin ng mga anak ko, e," natatawang wika pa ni Robin.

NO HARD FEELINGS. Nuong kasagsagan ng gulo kaugnay ng pagpapakasal nila ni Mariel, marami ang sumama ang loob sa kanila at bumatikos dahil nga sa paglilihim na ginawa nila. Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Robin kung siya rin ba ay may sama ng loob sa mga bumatikos sa kanila noon ni Mariel.

"Hindi naman. Kasi, opinyon ng mga tao 'yan, e. Ang bawat opinyon ng tao ay God-given right 'yan. Basta ang ano lang namin lagi, kami ay nagmahal, kami ay sumunod sa patakaran ng aming mga relihiyon. Kami'y nagpakasal at hindi kami nabuhay sa kasalanan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At hanggang sa mga oras na ito, ang pag-ibig sa aming mga puso ay hindi lang kami ang nakikinabang, kung hindi maraming mga tao ang nakikinabang dito sa usapin ng inspirasyon, sa usapin ng relihiyon... lahat ng usapin.

"Darating din ang araw, maiintindihan din tayo. Lahat naman, ganyan lang 'yan. Kung sino man yung mga kaibigan natin na hindi nakaintindi no'n. Siguro darating ang panahon, magiging kaibigan din natin uli ang mga 'yan."

Tila lipas na nga ang reputasyon noon ni Robin na pagkumpronta sa mga bumabatikos sa kanya at sa mga taong mahal niya sa buhay na siyang nagbigay ng tatak niyang "Bad Boy of Philippine Movies."

"Kanya-kanyang opinyon yan, e. May mga sarili silang interes, may mga sarili silang opinyon. Masyado na tayong matagal sa trabahong ito para sumama pa ang loob natin sa mga kasamahan natin sa trabaho," pagtatapos ni Robin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN