PEP EXCLUSIVE Joy Cancio on SexBomb's visit to Happy, Yipee, Yehey!: "Trabaho lang!"

"Na-explain naman pong mabuti ni Ma'am Malou [Choa-Fagar, TAPE boss] yung magiging conflict, parang ganun. Nakakalungkot lang po kasi siyempre, ang tagal na namin sa Eat Bulaga!, matagal na yung Sex Bomb sa Eat Bulaga!, 'tapos ako lang yung naghahanap ng trabaho, pati yung Sex Bomb, nawalan ng trabaho," says Sex Bomb Dancers manager Joy Cancio who now works for Bulaga! rival Happy Yipee Yehey


Nilinaw ng SexBomb Girls manager na si Joy Cancio na guesting lang ang mangyayaring appearance ng sikat na all-girl dance group sa noontime show ng ABS-CBN, ang Happy, Yipee, Yehey!, bukas, March 5.

"Guesting lang po. Wala rin naman pong problema sa Eat Bulaga! dahil tinanggal na rin naman po sila roon," paglilinaw ni Joy sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kanya sa pamamagitan ng cell phone kaninang hapon, March 4.

Dagdag pa ni Joy, pagkatapos mag-pilot airing ng Happy, Yipee, Yehey! nung February 12, Sabado, pagdating ng February 14, Lunes, ay tinawagan na siya ni Television And Productions Exponents, Inc. (TAPE) Senior Vice President and Chief Operations Officer Malou Choa-Fagar at sinabihan siyang tatanggalin na ang SexBomb sa longest-running noontime show sa bansa.

Sa Eat Bulaga! nakilala ang SexBomb at naging bahagi sila ng programa ng higit sa isang dekada.

"Conflict of interest" ang ibinigay na dahilan daw sa kanya ni Ms. Malou.

"Di po ba, kasi pag sinabing conflict of interest, baka mamaya, maging... lumabas akong spy, di ba? Maikuwento ko sa Eat Bulaga! yung nangyayari sa Happy Yipee..., as well as dito rin. Parang gano'n ang intindi ko, e," pahayag ni Joy.

Nilinaw rin daw sa kanya ng TAPE lady boss na hindi sila magkaaway at purely business lang ang desisyong tanggalin ang kanyang dancers sa Eat Bulaga!.

"Na-explain naman pong mabuti ni Ma'am Malou yung magiging conflict, parang ganun. Nakakalungkot lang po kasi siyempre ang tagal na namin sa Eat Bulaga!, matagal na yung Sex Bomb sa Eat Bulaga!. Tapos, ako lang yung naghahanap ng trabaho, pati yung SexBomb, nawalan ng trabaho," saad ni Joy.

JOBLESS IN GMA-7. Kuwento ni Joy, mula pa noong July ng nakaraang taon ay hindi na siya kinukuha ng TAPE para mag-choreography at staging sa Eat Bulaga!. Wala naman daw siyang kontrata sa show at tuwing tatawagan lang naman daw siya nakakapagtrabaho roon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre po, may family po ako. Kailangan ko rin pong magtrabaho. Tapos, nawalan din po ako ng trabaho sa GMA," sabi ng dancer turned choreographer/talent manager.

Ang tinutukoy ni Joy ay ang pag-cancel sa ere ng afternoon soap na Daisy Siyete last year. Ang Focus Entertainment, Inc., na pag-aari niya, ang producer ng show at stars dito ang buong SexBomb at iba pang talents ng Focus.

Ang SexBomb naman, mula pa noong June last year, ay hindi na raw pinag-renew ng six-month contract ng TAPE.

"I think June po last year nag-expire ang contract nila. Pagkatapos po noon, hindi na sila nagpadala ng contract, hindi na nag-renew. Usually po kasi, pagka-expire ng six-month contract, nagpapadala sila ng contract from TAPE office.

"Pagkatapos nga pong mag-expire nung June, wala na pong pinadala. Pero ang SexBomb po noon, with Eat Bulaga! pa rin. Lumalabas pa rin sila," sabi pa ni Joy.

Tuwing Lunes at Biyernes lumalabas ang Sex Bomb sa longest-running noontime show in the Philippines.

NO HARD FEELINGS. Tinanong ng PEP si Joy kung may sama ba siya ng loob sa pagkakaalis ng SexBomb sa Eat Bulaga!.

"Wala po. Nalungkot lang po," sagot niya. "Dahil siyempre, hindi naman po puwedeng sumama ang loob ko, dahil natulungan kami ng Eat Bulaga! for how many years."

Masaya naman daw siya sa pagkaka-hire naman sa kanya ng ABS-CBN.

"Pinagdasal ko po ito for how many days na magkaroon ako ng trabaho. I'm so blessed na nabigyan ako ng trabaho. Trabaho lang. Wala naman akong naisip na... Nagtraydor ba 'ko? Hindi naman po, e. Di ba po?" balik-tanong niya.

Nagpaalam naman daw siya nang maayos kay Ms. Malou Choa-Fagar noong bago siya makuha ng Happy, Yipee, Yehey! para maging choreographer at stage director ng show.

"Sabi ko, okey lang ba na maghanap ako, as Joy Cancio, ng work sa ibang network. Sabi niya, okey po. Di no problem.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"That's the time na nagpunta ako sa ABS, pati po sa Channel 5. Fortunate din naman po na natawag ako ng Channel 2, sila po ang nauna, at in-offer-an ako ng show to choreograph and to stage. Do the staging," saad ni Joy.

NOT ORIGINALLY A NOONTIME SHOW. Nilinaw rin ni Joy na hindi niya alam na pang-noontime show pala ang pagtatrabahuhan niya sa Kapamilya station.

"Hindi ko naman po alam na noontime show ito. Hindi naman po ito originally ang slot niya.

"May pinirmahan po akong kontrata, di ba po sa kontrata, hindi mo pa puwedeng ipagsabi ang show habang hindi pa umeere? May secrecy pa roon. Wala po akong power para magsalita tungkol sa show."

Nalipat daw ang timeslot ng show na gagawin niya at doon na nga lang niya nalaman na katapat na nito ang show na pinagtrabahuhan niya for 11 years.

OPEN FOR GUESTINGS. Kahit wala na sa Eat Bulaga! ang SexBomb, hindi naman daw ibig sabihin nito'y hindi na gagawa ng iba pang proyekto o hindi na magge-guest sa iba pang GMA-7 shows ang mga ito.

"Ay, lalabas pa rin po," sambit ni Joy. "Actually, nasa Party Pilipinas po sila, regular po sila, twice a month.

"So, I'm open for the guesting sa kahit sa ibang network kasi wala rin naman pong kontrata ang SexBomb sa GMA.

"Ang naka-contract lang po doon si Rochelle Pangilinan for every show na ginagawa, at the same time si Aira [Bermudez] po, kasi lumabas po siya sa Survivor. According to the contract, hindi siya puwedeng lumabas sa ibang network after the episode. Basta within six months."

Basta sa ngayon, open daw for guestings ang SexBomb sa kahit saang network dahil kailangan ng mga ito ng trabaho.

"Lalo na nga po sila, breadwinner sila ng pamilya nila, di ba po?" dagdag pa ni Joy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

CONTRACT OFFERS. Pero paano kung may kontratang i-offer sa SexBomb ang ABS-CBN?

"Diyan po, hindi pa po ako makakasagot diyan dahil wala pa po ako sa ganyang sitwasyon!" natatawang sagot ni Joy. "Pag nandun na yung sitwasyon, dun na po natin malalaman.

"At tatawagan po namin kayo," pangako pa ng SexBomb manager sa PEP.

Alam daw kasi niya na may existing dancers ang Happy, Yipee, Yehey! at ayaw niyang mawalan ang mga ito ng trabaho dahil sa kanila.

Kung offer naman sa TV5, open naman daw si Joy.

"Ako kasi, may contract na ako rito [ABS-CBN]. Yung girls ko na lang. Actually, kahit saang istasyon, kung saan may magandang offers. Ang gusto ko nga sana, kung may contract, yung pangmatagalan na. Pero depende po sa offer. Basta po maaalagaan ang mga talents ko," saad ni Joy.

Handa na ba sila sa puwedeng maging patutsada sa kanila ng loyalists ng Eat Bulaga!, na puwede silang mabansagang mga "walang utang na loob" dahil sa pag-guest ng SexBomb at ang mismong paglipat ni Joy ng istasyon?

"Hindi naman po ako natatakot do'n, kasi I'm relying on the words of God. Kung hindi n'yo po naitatanong, nagse-serve ako sa Church. Sabi sa akin ni God, huwag kang matakot kahit kanino, sa Kanya lang," pahayag ni Joy.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN