Child actress Angeli Nicole Sanoy stands tall among her senior co-stars in Magic Palayok

"May iniisip lang po ako na nakakaiyak, naiiyak na po ako. Sabi nga po nila sa akin na baka raw madrama ang buhay ko. Hindi naman po. Happy naman po ang family ko. Sa katunayan nga po, magkakaroon na ako ng bagong baby sister kaya happy po ako," says Angeli Nicole Sanoy about doing dramatic scenes.


Masayang-masaya ang GMA-7 child actress na si Angeli Nicole Sanoy dahil sa magandang resulta sa ratings ng pilot week ng early primetime series na Magic Palayok.

Si Angeli ang gumaganap na Cookie, ang batang pinagiwanan ng magic palayok ng kanyang inang si Isadora, played by Mikee Cojuangco-Jaworski. Sa unang linggo pa lamang ng Magic Palayok ay marami nang dramatic highlights si Nicole kunsaan kaeksena pa niya sina Mikee, Cherie Gil, at Chynna Ortaleza.

Marami ang humanga sa husay na ipinakita ni Angeli sa pag-arte kaya hindi nagkamali ang GMA-7 na gawin na siyang bida.

Kuwento ni Angeli sa PEP (Philippine Entertainment Portal), "Natuwa po ako noong sabihin sa amin na mataas ang ratings namin sa first episode namin. Tapos yung mga sumunod pang episodes, mataaas din. Sinabi po sa amin ang good news noong nasa taping kami.

"Kami lang po ni Ate Chynna ang nasa taping noong ibalita nila. Nagpabili po kami ng merienda para sa lahat ng tao sa set dahil sa sobrang tuwa namin."


'MAGIC' CO-STARS. Masuwerte si Angeli dahil ang gumanap na ina niya sa Magic Palayok ay si Mikee Cojuangco-Jaworski na bihira nang umaarte ngayon.

"Ang bait-bait po ni Tita Mikee," sambit niya. "'Mommy' nga ang tawag ko sa kanya sa taping. Lagi po siyang naka-smile. Tapos nagkukuwentuhan po kami kapag hindi kami ang kinukunan ng eksena. Para ko na nga siyang mommy.

"Ngayon kasi tapos na ang mga eksena niya kaya nami-miss ko si Tita Mikee. Sana makasama ko pa siya ulit sa Magic Palayok."

Imbes naman na matakot kina Cherie at Chynna, na gumaganap na mga kontrabida sa Magic Palayok, ikinakatuwa pa raw ni Angeli ang makasama sila sa eksena.

Kuwento niya, "Si Tita Cherie po kasi, nakasama ko na sa Grazilda. Noon po natakot ako sa kanya. Pero ngayon, hindi na po. Natatawa nga po ako sa mga suot ni Tita Cherie. Kahit po kay Ate Chynna, natatawa po ako sa kanya. Kaya enjoy po kami kapag nagte-taping."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

AT HOME IN DRAMA. Hindi naman nakapagtataka kung kayanin ni Angeli ang mga mabibigat na eksena niya sa Magic Palayok dahil nasanay na siya sa drama sa simula pa lang ng pag-aartista niya. Lumabas na kasi siya sa iba't ibang series sa Kapuso network tulad ng Darna, Ngayon At Kailanman, The Last Prince, at Grazilda.

"Mabilis naman po kasi ako umiyak," sabi ni Angeli . "Hindi ko po alam kung bakit, pero kapag sinabi nilang kailangan kong umiyak sa eksena, maiiyak po ako kaagad.

"May iniisip lang po ako na nakakaiyak, naiiyak na po ako. Sabi nga po nila sa akin na baka raw madrama ang buhay ko. Hindi naman po. Happy naman po ang family ko. Sa katunayan nga po, magkakaroon na ako ng bagong baby sister kaya happy po ako."

Bukod sa taping ng Magic Palayok, nagsu-shooting din si Angeli ng indie film titled Patikul. Ang director nila sa Magic Palayok na si Joel Lamangan ang siya ring director nila sa naturang indie film.

"Nakapag-shooting na po ako. Gaganap po ako na daughter ni Ciara Sotto. Gusto raw po kasi ni Direk Joel na ako ang gaganap na bata sa movie. Puro rin po iyakan yung Patikul," banggit niya.


ANGELI'S DREAM. Kahit busy si Angeli sa TV at pelikula, nahaharap pa rin niya ang kanyang pag-aaral. Grade 5 na si Nicole sa Angelicum School pero nasa home study program siya.

"Dati po pumapasok ako sa school. Noong maging busy po ako, nag-home study na lang po ako. Meron po akong mga modules at mga homework. Kapag nag-break po kami sa taping, dala-dala ko po ang mga modules ko. Si Mommy ang tumutulong sa pag-aaral ko. Minsan naman po ang lola ko."

Dream ni Angeli ang makabili ng magandang bahay para sa pamilya niya. Sa Batasan Hills daw kasi sila nakatira ngayon at nagre-rent lang sila ng apartment.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kapag malaki na po ang ipon ko, gusto ko pong bumili ng bahay," nakangiti niyang sabi. "Para naman po may malaking lugar kunsaan puwedeng maglaro ang dalawang kapatid ko. At gusto ko rin po na may kanya-kanya kaming kuwarto.

"Pero kahit na siguro may sarili na akong kuwarto, matutulog pa rin ako kasama sila mommy at daddy kasi takot po akong mag-isa sa kuwarto. Nasanay po ako na katabi sila matulog gabi-gabi."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN